“Muling Pagtatanim ng Binhi ng Pananampalataya,” Liahona, Mar. 2024.
Muling Pagtatanim ng Binhi ng Pananampalataya
Mga aral mula sa mga taong nagbalik sa pananampalataya.
Sa isang mundo na kadalasang ibinabahagi ang mga kuwento tungkol sa pagkawala ng pananampalataya, kung minsan ay hindi napapansin ang mas tahimik na paglalakbay sa pagbalik sa pananampalataya. Ngunit inilalarawan ng mga kuwento ng muling pagbabalik-loob kung paano nadaig ng mga kapatid sa ebanghelyo ang kanilang mga pag-aalinlangan kahit matapos nilang lisanin ang Simbahan. Inilalarawan ng kanilang mga kuwento kung ano ang itinuro ni Alma tungkol sa pagtatanim ng binhi. Inilarawan ni Alma ang proseso ng pananampalataya na hindi lamang tumutulong na mapalakas ang mga nagsisikap na palaguin ang kanilang pananampalataya kundi tumutulong din sa mga taong nahihirapan sa mga tanong at alalahanin.
-
Una, kailangan nating maunawaan na “ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman” (Alma 32:21).
-
Pagkatapos tayo ay “gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya” o kahit ang “[pagnanais na] maniwala” (talata 27).
-
Itinatanim natin ang binhi—ang salita ng Diyos—sa ating puso (tingnan sa talata 28).
-
Sa paglipas ng panahon, pinangangalagaan natin ang mga espirituwal na ugat nang may pagtitiyaga at tumatanggap ng tulong mula sa mga kaibigan sa ebanghelyo upang lumaki ang isang punungkahoy na itinanim kay Cristo, na “sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan” (talata 41).
“Ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay; kaya nga, kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21).
Si Alba Lucia Fonseca, isang miyembro ng Simbahan mula sa Estados Unidos, ay nakakita ng materyal na online na nagbigay sa kanya ng mga alalahanin tungkol sa mga paniniwala niya sa relihiyon, at mabilis siyang nawalan ng pananampalataya. Una, itinapon niya ang binhi ng pananampalataya dahil sa kanyang mga pagdududa, at pagkatapos ay nagsimula siyang makipag-usap sa isang mapagmalasakit at maalam na miyembro at natanto niya na ang kawalan niya ng paniniwala ay nagdulot din ng alalahanin.
“Ang pagkaunawa ko sa mga konsepto ng ebanghelyo at sa kasaysayan ng Simbahan ay hindi halos kasinglawak ng inakala ko,” paliwanag niya. “Napakumbaba ako nito at tinulungan akong maunawaan na marami pa akong dapat matutuhan at na ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pagkakaroon ng sagot sa lahat ng tanong.” Natanto ni Alba na ang iba pang “mga makabuluhang bagay sa buhay—tulad ng pamilya, edukasyon, trabaho—ay may kasamang peligro, sakripisyo, kawalang-katiyakan, at habambuhay na pagsisikap. Bumalik ako sa Simbahan at mapatototohanan ko na ang pagpapanatili ng pananampalataya ay napakahalaga rin sa ganitong uri ng pagsisikap.”
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan.” Subalit ang ating pananampalataya, idinagdag niya, ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap para patuloy na tumibay.1 Bagama’t ang orihinal na pundasyon ng Salt Lake Temple ay maayos na nagamit sa loob ng mahigit isang siglo, kailangan na ngayon nito ng malalaking renobasyon, ipinaliwanag ni Pangulong Nelson. Kailangan din nating pagtibayin kung minsan ang ating sariling espirituwal na pundasyon “kung nais nating makayanan ang mga darating na panganib at hirap.”2 Dahil kung minsan ay nakakabasa tayo ng mga materyal na mahirap maunawaan tulad ng nangyari kay Alba, ang hangarin nating makatiyak ang mag-aakay sa atin mula sa simpleng paniniwala patungo sa simpleng kawalang-paniniwala, nilalaktawan ang pagsisikap na kailangan para mapalakas at mapatibay ang ating espirituwal na pundasyon.
Ang mga nag-aaral ng mga kuwento tungkol sa pagbabalik sa pananampalataya ay nakitang nakatutulong na ituring ang pananampalataya bilang habambuhay at maraming hakbang na paglalakbay.3 Maaari tayong magsimula sa isang simpleng paniniwala na katulad ng sa isang bata, ngunit mahaharap din ang pananampalatayang iyan sa mga tanong at alalahanin. Bagama’t ang ating di-sinusubukang pananampalataya ay maaaring naging mainam na espirituwal na pundasyon, kailangan na nating kumilos ngayon mula sa simpleng pananampalataya sa gitna ng mga kumplikadong bagay patungo sa matatag na pananampalataya na makakayanan ang mga hamon sa hinaharap.4 Tila mas madali ang pagtalikod sa pananampalataya, halos parang kaginhawahan, ngunit ang saganang gantimpala ay kaakibat ng mga paglalakbay ng mga taong bumabaling sa Diyos at patuloy na pinangangalagaan ang kanilang mga binhi ng pananampalataya.
Ang mga pagsubok sa pananampalataya ay nagsimula kay Samuel Hoglund ng Sweden nang magsimulang magtanong ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Pinagdaanan niya ang isang yugto kung saan “nasasagot ang isang tanong ngunit may kasunod na namang isang tanong,” paliwanag niya. “Nagpabagu-bago ang aking pananampalataya, minsan malakas, minsan mahina, hanggang sa matanto ko na ang prosesong ito at ang pangangailangan kong makatiyak ay hindi magtatagal.” Sa halip na sikaping lutasin ang lahat ng maliliit na tanong, nagpasiya si Samuel na pag-aralan ang mahahalagang tanong—yaong mahahalaga sa matibay na pundasyon kay Jesucristo. Sinamahan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang paghahanap ni Samuel, tulad ng kay Alba, ay nagturo sa kanya kung gaano pa karami ang kailangan niyang matutuhan at tinulungan siya nitong magkaroon ng mas hustong paniniwala. “Ang karanasang ito ay nagpalakas nang lubos sa aking pananampalataya,” sabi niya, “at itinuro rin sa akin na matatagpuan ninyo ang tunay ninyong hinahanap.”
“Kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo” (Alma 32:27).
“Tila nakalulula ang manampalataya,” pagkilala ni Pangulong Nelson. “Naiisip natin kung minsan kung makakaya ba nating magkaroon ng sapat na pananampalataya upang matanggap ang mga pagpapalang kailangang-kailangan natin.”5 Ngunit kahit ang maliliit na hakbang ng pananampalataya, simula sa “bahagyang pananampalataya,” ay maaaring “umiral sa inyo” at magsimula ng espirituwal na pagsilang na muli.
Matapos espirituwal na magpagala-gala noong siya ay nasa kolehiyo, ginawa ni Amanda Freebairn ng Estados Unidos ang maliit na hakbang ng pagdarasal, na humantong sa pagsunod niya sa pahiwatig na bisitahin ang kanyang lokal na templo. “Ang madama ang Espiritu roon ay muling nagpasigla sa aking pananampalataya,” sabi niya. Ang pagbalik sa simbahan at pagtanggap sa tungkuling magturo sa Primary ay nagpalalim sa kanyang pananampalataya, at patuloy siyang gumawa ng mga hakbang na naging dahilan para tanggapin niya nang lubos ang ebanghelyo. Sa gitna ng proseso, napansin ni Amanda, “Nakahanap ako ng mga sagot sa mga tanong na kailangang-kailangan ko.”
Sa isang banda, si Dan Ellsworth, mula rin sa Estados Unidos, ay hindi sigurado kung may natira pa siyang bahagyang pananampalataya na magagamit niya. Ang una niyang pagkalantad sa pang-akademya at pang-makasaysayang pamamaraan sa pag-aaral ng Lumang Tipan ay nagpahina sa kanyang pananampalataya sa Biblia at nakaapekto sa kanyang paniniwala sa lahat ng banal na kasulatan. Ngunit patuloy na nagsimba si Dan at nagpasiyang mag-eksperimento sa loob ng anim na buwan na may planong manalangin, mag-ayuno, at maglingkod sa Simbahan. Kung minsan, hinihiling niya sa kanyang mga anak na babae na ipagdasal din ang pananampalataya ng kanilang tatay.
Kalaunan, nagsimulang magkaroon ng mga espirituwal na karanasan si Dan at makahanap ng mga sagot sa ilan sa mga tanong na lubos na bumabagabag sa kanya. Isang araw, habang nasa isang silid-aklatan, nadama niyang dapat siyang lumapit sa isang hanay ng mga aklat at pumili ng isa. Dito, nakakita siya ng magagandang artikulo na sumasalungat sa aklat na unang nagpahina sa paniniwala niya sa Biblia. Bagama’t hindi natugunan ng karanasang ito ang bawat tanong, itinuro naman nito kay Dan ang ilang mahahalagang aral: “Una, kinailangan kong magpakumbaba kung gaano talaga karami ang malalaman ko nang mag-isa. At pangalawa, ang iba pang mga paraan ng paghahanap ng katotohanan, pati na ang katwiran, ay umiiral: mga espirituwal na pahiwatig, mga positibong resulta mula sa mga bunga ng Espiritu, at mga ideya na naghihikayat ng pagbabago ng pag-iisip, lahat ng ito ay humahantong sa mas matitibay na paniniwala at pananampalataya kaysa noon.”
Para kay Zac Marshall mula sa England, ang simpleng hakbang ng panonood ng isang educational video tungkol sa Aklat ni Mormon ay nagbukas sa kanyang isipan sa posibilidad na maaaring totoo ang aklat. “Nabasa ko na ito noon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang aking pamilya at nang mag-isa at nang walang tunay na layunin,” paliwanag niya. “Pero tumigil ako sa pagiging aktibo sa Simbahan noong tinedyer ako, kaya ang katibayan na napanood ko sa video ay naging dahilan para sadya kong basahin ang Aklat ni Mormon nang may layunin sa unang pagkakataon.” Matapos suriin ang salita ng Diyos, nagsimulang palitan ni Zac ng paniniwala ang kanyang pag-aalinlangan. Sinasabi na niya ngayon, “Ang Simbahang nakita ko noon bilang maraming bawal ay nakikita ko ngayon na nagpapalaya sa paraan ng pagsasabi ni Jesus, ‘Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo’ [Juan 8:32].”
“Subalit kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, masdan, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat” (Alma 32:38).
Habang gumagawa ng maliliit na hakbang upang mapangalagaan ang pananampalataya, kailangan din na napapansin natin kung paano tayo mag-isip na humahadlang at pumipigil sa pananampalataya. Sa pag-aaral ng mga kuwentong pagbabalik sa pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan mula sa iba-ibang bansa, sina Eric at Sarah d’Evegnée, mga propesor sa Brigham Young University–Idaho, ay napansin na “kung paano tayo mag-isip ay kasinghalaga ng iniisip natin.” Halimbawa, ang pag-asang ililigtas tayo ng katapatan sa relihiyon mula sa mga hirap at masasakit na mga hamon sa buhay ay hindi totoo at lumilikha ng hindi makatotohanang palagay. Nangako si Jesucristo na hindi tayo tatalikuran kailanman ngunit nagbabala na “sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig” (Juan 16:33). Gayunpaman, ang mga hamon sa buhay, ayon kay Sarah, ay “nag-uudyok sa atin na makita nang negatibo ang ebanghelyo. Kung minsan iwinawaksi natin ang ideyal kapag nahaharap tayo sa anumang bagay na mas mababa kaysa sa ideyal.”
Ang awtor at independent historian na si Don Bradley ng Estados Unidos ay naharap sa mga tanong tungkol sa kasaysayan ng Simbahan noong panahong iyon na, ipaliwanag niya, “Hindi lang ako malungkot at may pag-aalinlangan ako. Ang mapait na pananaw tungkol sa sinuman ay negatibong makakaapekto sa isang relasyon, at nawala sa akin ang aking pananampalataya at kaugnayan sa Diyos.” Makalipas ang ilang taon, nagsimulang magsikap si Don na magkaroon ng pag-asa at pasasalamat sa kanyang personal na buhay.
Nagsimula rin niyang siyasatin ang mga pag-aaral tungkol sa mga benepisyo ng organisadong relihiyon sa mental at pisikal na kalusugan. “Hindi ko maipagkakaila ang mga pag-aaral na iyon,” paggunita ni Don. “Unti-unti, natanto ko na pinapalitan ko ng masusing pag-iisip ang pag-aalinlangan, at nang may higit na pag-asa sa buhay, muli akong nanampalataya sa Diyos at kay Jesucristo.” Binalikan ni Don ang impormasyong pangkasaysayan na dating humamon sa kanyang pananampalataya, ngunit ngayon ang materyal ding ito ay humantong sa pananalig na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.
“Kung inyong aalagaan ang salita, oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, … inyong aanihin ang mga gantimpala ng inyong pananampalataya, at inyong pagsisikap, at tiyaga, at mahabang pagtitiis” (Alma 32:41, 43).
Kahit handang subukin ang salita ng Diyos at hindi nawawalan ng pag-asa, ang pagbalik sa pananampalataya at pagsisimba ay maaaring maging isang napakahirap, halos di-makakayanang proseso. Ang pagsisikap ay hindi lamang nangangailangan ng tiyaga, tapang, at pagpapakumbaba kundi maging ng pagmamahal ng mga kaibigan at kapamilya. Ang pagtanggap sa tulong ng matatapat na kaibigan ay nangangalaga sa binhi at tinutulutan itong mag-ugat sa halip na malanta.
Nang unang magkaroon ng mga tanong si Leo Winegar ng Estados Unidos ng tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, nalaman niya ang kahalagahan ng mahabaging mga kaibigan. “Natuyot ang aking patotoo,” paliwanag niya, habang dumaranas ng “kalungkutan at madilim na kahungkagan noong nahihirapan akong manalangin.” Isang araw nagkaroon ng impresyon si Leo na kontakin ang isang propesor sa kasaysayan ng Simbahan. Hindi lamang nito hinikayat si Leo na muling pag-isipan ang kanyang pag-aalinlangan kundi naging malapit din itong kaibigan. Unti-unting bumalik ang patotoo ni Leo sa tulong ng kanyang mentor at ng maraming taon ng pag-aaral na puno ng pag-asa. Kalaunan ay nakahanap siya ng mga sagot sa maraming tanong. “Walang hanggan ang pasasalamat ko sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo sa paggabay sa akin pabalik,” paliwanag niya, “at maging sa mga kaibigang kumakatawan sa Kanya.”
“Kapag lumayo sa Simbahan ang mga kaibigan at kapamilya, patuloy silang mahalin,” payo ni Pangulong Nelson. “Hindi ninyo dapat husgahan ang pagpapasiya ng iba na tulad ng hindi kayo dapat punahin sa pananatiling tapat.”6
Ang takot sa gayong pambabatikos ay pumigil kay Letitia Rule, isang miyembro sa England, na mapalapit sa ebanghelyo sa loob ng 20 taon. Madalas nais niyang bumalik, ngunit siya ay “natakot na basta pumasok lang sa pintuan, nadaramang hinuhusgahan ako at parang hindi ako namumuhay nang tama.” Tanging ang pagkakasuri na mayroon siyang nakamamatay na sakit ang nagbigay sa kanya ng tapang na gawin ang mahirap na hakbang na iyon. Sinalubong siya ng mga miyembro nang may sigla at pagmamahal, at tinulungan siyang muling makibahagi sa ebanghelyo.
“Itanim ninyo ang salitang ito sa inyong mga puso, at habang nagsisimula itong lumaki gayon pa man ito ay alagaan ng inyong pananampalataya. At masdan, ito ay magiging isang punungkahoy, sisibol sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan” (Alma 33:23).
Sa pagtatapos ni Alma sa kanyang sermon, nilinaw niya na bagama’t ang pagsisikap na pangalagaan ang binhi ay napakahalaga, hindi sila ang mismong binhi. Sa halip, itinatanim natin ang tunay na binhi kapag tayo ay “magsisimulang maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan” (Alma 33:22).
Natutuhan ni Michael Auras ng Germany ang mahahalagang aral tungkol sa mga prayoridad ng ebanghelyo matapos siyang lumihis ng landas noong kabataan niya. “Napakaraming mabubuting bagay at ugnayan ang umiiral sa ebanghelyo, ngunit tanging pananampalataya lamang kay Jesucristo ang magpapalakas sa ating mga patotoo,” paliwanag niya. “May panahong pareho kaming nawalan ng pananampalataya ng aking ama pero bumalik kami nang ibinatay namin ang aming pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng bagay.”
Tinitiyak sa atin ni Pangulong Nelson, “Nariyan sa tabi ninyo ang Tagapagligtas lalo na kapag hinaharap o inaakyat ninyo ang isang bundok nang may pananampalataya.”7 Si Jesus mismo ang nangako, “Ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:20). Sasamahan Niya tayo sa paglalakad, mamahalin tayo “ng isang walang hanggang pag-ibig” (Jeremias 31:3), at binibigyan tayo ng buhay na mas masagana (tingnan sa Juan 10:10). Makikita ng mga handang magtanim ng binhing ito na maging ang kanilang maliit na pananampalataya, sa pamamagitan ng Tagapagligtas, ay “magiging isang punungkahoy, sisibol sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan” (Alma 33:23).
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.