Digital Lamang: Mga Young Adult
Maaari ba Akong Mapabilang sa Tahanan Kapag Hindi Tanggap ng Aking Pamilya ang Ebanghelyo?
Paano ako mapapabilang sa isang pamilyang kontra sa Simbahan?
Alam ko kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng mga kapamilya na negatibo ang pananaw tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Malungkot iyon. Nakakanerbiyos. Mahirap. Maaari kang magduda kung mahal ka nga nila.
Hindi naniniwala sa ebanghelyo ang karamihan sa aking pamilya, at hayagang nagsasalita ang isang kapatid kong lalaki laban dito. Kahit nahihirapan akong maramdaman na kabilang ako sa sarili kong tahanan, nakadama pa rin ako ng kagalakan sa plano ng Ama sa Langit para sa pamilya.
Narito ang ilan sa mga bagay na natutuhan ko.
Huwag: Lumayo
Noong una, naisip ko na ang tanging paraan para hindi masaktan sa hindi pagiging kabilang ay putulin ang mga ugnayan sa pamilyang mahal ko.
HINDI IYAN TOTOO.
Ipinaalala sa akin ng Ama sa Langit na mahalaga ang pamilya sa Kanyang plano. Nais Niya na patuloy ko silang mahalin. Sa sinabing iyon, ayaw Niyang manatili tayo kung nasa mapang-abusong sitwasyon tayo.
Pero ang pananatiling malapit ay maaaring mahirap kapag may kasamang napakaraming emosyon.
Sa halip: Magmahal
Pakiramdam natin kung minsan ay para tayong itinakwil sa piling ng mga taong negatibo sa ating pinaniniwalaan.
Noong araw na sinabi sa akin ng kapatid ko na kinamumuhian niya ako dahil naniwala ako sa ebanghelyo ang isa sa mga pinakamahihirap na araw sa buhay ko. Maaaring may mga kapamilya tayo na hindi tayo kayang mahalin. Pero mapapanatag tayo sa mga salita ni Pedro na “kung kayo’y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at [ng] Diyos ay [nananahan] sa inyo” (1 Pedro 4:14).
Hiniling sa atin ng Tagapagligtas na piliing magmahal (tingnan sa Juan 15:17), kahit “kayo’y kinapopootan ng sanlibutan … dahil kayo’y hindi taga-sanlibutan” (Juan 15:18–19). Ang pagtutuon sa pagmamahal sa mga kapamilyang ito ay maaaring makabawas sa kalungkutan.
Maaaring nakatutuksong sumuko, pero tandaan na ang pagtitiyaga at pagtitiwala sa Diyos ay makapagpapabago ng mga ugnayan. Maaari Siyang makagawa ng mga himala sa pamamagitan mo.
Natagalan, pero nang magtiwala ako sa Diyos at matiyagang nagpakita ng pagmamahal sa aking kapatid, unti-unting nawala ang kanyang pagkamuhi sa Simbahan. Hindi perpekto ang aming relasyon, pero nasasagot ang aking mga dalangin sa paisa-isang hakbang habang inuuna kong magmahal.
Sa halip: Maging Tagapamayapa
Bagama’t ayaw nating iwaksi ang ating pamilya, dapat tayong umatras kapag may mga tanda ng pagtatalo. Kapag natapos na ang pagtatalo, maaari tayong sumubok na muli. Madalas tumugon si Cristo sa pagtatalo nang may katahimikan (tingnan sa Mosias 14:7). Pero, tulad ng itinuro ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagsagot sa paraan ni Cristo ay hindi nakaplano o nakabatay sa isang pormula. Iba-iba ang pagtugon ng Tagapagligtas sa bawat sitwasyon.”1 Kaya, sundin ang patnubay ng Espiritu.
Ang pananatiling tahimik tulad ng Tagapagligtas ay nagpapakita ng kahandaan mong makinig. Maaari mong sikaping unawain ang pananaw ng iba habang naninindigan ka sa iyong mga pamantayan.
Matapos makinig, subukang ilarawan ang ilan sa iyong nadarama. Nang sabihin ko sa pamilya ko na sumasama ang loob ko sa mga bagay na sinasabi nila, nagpakita sila ng pagmamahal. Tinalakay namin kung paano higit na igalang ang isa’t isa at iwasan ang pagtatalo sa hinaharap.
Tulad ng sabi ni Elder Walter F. González noong miyembro siya ng Pitumpu, “Malaki ang magagawa ng mapagmahal at malinaw na komunikasyon upang mapakalma ang anumang tensyong idudulot ng mga sitwasyong ito.”2
Huwag: Tumalikod sa Simbahan
Maaari mong madama na ang tanging paraan para mapabilang sa inyong pamilya ay ang lisanin ang Simbahan.
HINDI IYAN TOTOO.
Sa halip: Manampalataya
Maaaring tangkain ng ilang taong hindi sang-ayon sa ebanghelyo na konsiyensyahin ka sa paniniwala mo. Nang lisanin ng kapatid kong lalaki ang Simbahan, nadama ng aming pamilya na pinapipili niya kami sa pagitan niya at ng Simbahan. Pinili siya ng karamihan sa aking pamilya at umalis din sila.
Sa kabila ng problemang ito, natutuhan kong sabihing, “Gayunma’y hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan” (2 Timoteo 1:12).
Alam ko kung sino ang Diyos, at pinipili kong magtiwala sa Kanya. Nagpatatag sa akin ang pananampalatayang iyan.
Sa halip: Hanapin ang mga Kapatid na Sumasampalataya rin kay Cristo
Tulad ng sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa Simbahan ni Jesucristo, makakakita kayo ng pamilya ng mga tao na hindi gaanong naiiba sa inyo.”3
Nauunawaan ng iyong mga kapatid kay Cristo ang iyong pagmamahal sa ebanghelyo at maaari kang hikayatin na lalo pang lumapit sa Kanya. Maipadarama nila sa iyo ang pagiging kabilang na hinahangad mo.
Gawin: Umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Itinuro din ni Elder González: “Kahit ang Tagapagligtas ay may mga kapamilyang hindi naniwala sa kanya. Sa Biblia mababasa natin, ‘Sapagka’t kahit ang kanyang mga kapatid man ay hindi nagsisisampalataya sa kaniya’ (Juan 7:5).”4
Nauunawaan ni Jesucristo ang iyong mga pakikibaka. Bumaling sa Kanya para mapagaling. Sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ipinangako ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na “lahat ng di-makatarungan sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”5 Sa kabila ng mga hangarin nating mapabilang, ang totoo ay hindi tayo aakma kadalasan sa iba kapag tayo ay mga alagad ng Diyos. Tinawag Niya tayong Kanyang kakaibang mga tao sa isang kadahilanan (tingnan sa 1 Pedro 2:9; Deuteronomio 14:2). Pero dahil sa ating pakikipagtipan sa Kanya, lagi tayong mapapabilang sa Kanya. At iyon ang talagang mahalaga.