Digital Lamang
Mga Tubig na Tumataas
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Halos lagpas-ulo na ng anak ko ang tubig, pero walang sinumang makakatulong sa akin para maiahon siya.
“Inay! Napakalamig!”
Nakatayo si Jacob, isa sa pitong-taong-gulang na kambal ko, habang tumitilamsik ang tubig-ilog sa mga bukung-bukong niya.
Gayon din ang naging reaksyon ng tatlo ko pang anak. Habang nasa hunting trip ang asawa ko, sumama ako sa mga kamag-anak ko sa inasahan kong magiging masayang pamamasyal sa ilang hot spring. Sa ngayon, hindi bagay sa mga “hot” spring ang tawag sa kanila.
May sumisingaw na init mula sa maliit na lawa sa bandang itaas ng ilog. Lumapit ako at dinama ko ang init nito. “Hot spring ito siguro,” naisip ko.
“Puwede ba tayong lumangoy rito?” tanong ko sa tita ko, habang nasa ilog din ang mga anak niya.
“Ewan ko.”
Naghanap kami ng isang palatandaan na maaaring magpahiwatig kung para saan ang lawa, pero wala kaming makita. Isa-isang naglipatan ang mga anak naming giniginaw mula sa malamig na ilog papunta sa lawa. Tumayo kami ng tita ko sa pampang, na nanonood at nag-uusap habang naglalaro sila.
Lumitaw ang isang nakatatandang batang lalaki malapit sa gilid ng lawa. “Pakakawalan ko ang tubig sa pool!” sigaw nito. Pinihit niya ang isang malaking gulong, at bumuhos ang tubig papunta sa lawa.
Sumigaw sa tuwa ang mga bata nang pumasok ang tubig sa lawa. Nagpapasalamat ako na iginiit kong isuot nila ang mga life vest nila. Napangiti ako nang tangayin sila ng tumataas na agos papunta sa kaliwang bahagi ng lawa.
Humiwalay si Jacob sa kanila, na sinasalungat ang mga agos para lumangoy papunta sa kanang bahagi ng lawa. Tumigil siya, at bakas sa kanyang mukha ang malaking pagkagulat. “Inay, naipit po ako!”
Walang pag-aatubiling tumalon ako at sinunggaban ko ang braso niya para hilahin siya. Hindi siya makagalaw. Nasabit ba siya sa kung ano? Patuloy ko siyang hinila, pero hindi ko siya maialis. Patuloy na tumaas ang tubig.
“Kayo d’yan, naipit siya! “Tulungan n’yo ako!” Pero alam kong napakalayo nila.
May narinig akong tumalon sa tubig, at lumitaw ang tito ko mula sa kung saan. Sinunggaban niya si Jacob, at hinila ito nang hinila.
Halos lagpas-ulo na ni Jacob ang tubig. Sumabit ba ang life vest sa kung ano? Sinunggaban ng nanginginig kong mga kamay ang isang sinturon. Nang matanggal ko ang isang buckle, lagpas-ulo na ni Jacob ang tubig. “Tulungan n’yo po kami!” dasal ko.
Buong lakas siyang hinatak ng tito ko. Nakawala si Jacob, at dinala siya ng tito ko sa pampang.
Nagkumahog akong tumabi kay Jacob at niyakap ko siya.
“May isang agusan ng tubig,” sabi ng tito ko, na nakaturo sa isang 24-na-pulgadang tubo na hindi namin napansin. Sapilitang umaagos doon ang tubig papunta sa ilog. Malamang na ang life vest lang ni Jacob ang nakapigil sa kanya na matangay roon.
Takot na bumaling kami ng tito ko sa iba pang mga kapamilya namin. “Magsiahon kayong lahat!”
Nang magsiahon ang mga bata, hinubad ko ang life vest ni Jacob at sinuri siya. Hindi gayon karami ang nainom niyang tubig at wala siyang anumang mga galos o pasa.
“Napakatapang mo, pare. “Natakot ka ba?”
“Hindi po, patuloy lang akong nagpigil na huminga,” sabi nito. Bigla akong nagpasalamat sa lahat ng oras na nagugol niya sa pagsasanay na magpigil ng paghinga sa swimming pool.
“Paano mo nalaman na kailangan kang magpunta rito?” tanong ko sa tito ko nang sumama siya sa amin sa batuhan.
“Nahiwatigan ko na dapat akong magpunta para tingnan kung ano ang ginagawa ng lahat,” sabi ng tito ko. “Kaya nagpunta ako.”
Nang sumama sa amin ang iba, tiningnan naming muli ang gilid ng lawa, at sa pagkakataong ito, nakita namin ang isang bumagsak na babala na nahalo sa batuhan at dumi sa gilid ng lawa.
Nayanig ang lahat, kaya dinala ko ang mga bata pabalik sa camping trailer. “Pasalamatan natin ang Ama sa Langit sa pagtulong sa atin,” sabi ko. Nang sumali sa pagdarasal ko ang aking mga anak, at saka ko natanto ang katotohanan ng nangyari.
Alam ko na may iba pa na nasa gayon ding sitwasyon na nakaranas ng ibang-iba at nakapanlulumong resulta. Hindi ko alam kung bakit nakaligtas si Jacob, pero alam ko na iyon ay isang himala. Nang yakapin ko nang mas mahigpit ang aking mga anak, nagpasalamat ako sa panahon ko sa piling nila at sa pagpapala ng aming walang-hanggang pamilya. Alam ko na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang nangyari sa amin at nagpadala Sila ng isang himala nang hindi namin nakita ang mga babala ng panganib.