“Napaliligiran Ako ng mga Tao Ngunit Nalulungkot Pa Rin Ako,” Liahona, Mar. 2024.
Mga Young Adult
Napaliligiran Ako ng mga Tao Ngunit Nalulungkot Pa Rin Ako
Nang lumipat ako malayo sa aming tahanan, tinulungan ako ng aking kaugnayan sa langit na madaig ang kalungkutan.
Alam ninyo ang pakiramdam na napaliligiran kayo ng mga tao ngunit lubos pa rin kayong nag-iisa?
Mula nang lisanin ko ang aking bansang Uganda at lumipat sa Dubai para magtrabaho, halos palagi akong nalulungkot. Sa aming lugar, binabati ng mga tao sa kalye ang bawat isa. Kilala namin ang isa’t isa. Sinusuportahan namin ang bawat isa. Marami akong kaibigan at kapamilya na kasama ko sa pananampalataya.
Pero iba na rito. Nakatira ako sa isang lugar na lubhang iba ang kultura, sa isang malaking lungsod at napapaligiran ng mga taong abalang-abala sa trabaho. At kahit dumadalo ako sa aking ward at sinisikap kong makilala ang iba pang mga young adult at miyembro ng ward, dahil sa abalang iskedyul ng trabaho ay halos imposibleng magkita ang isa’t isa nang mahigit pa sa ilang oras na ginugugol namin sa simbahan bawat linggo.
Malaki at kamangha-mangha ang Dubai, at nagpapasalamat ako na narito ako. Ngunit maaaring nakakalula ito, lalo na kapag nalulungkot ka. Napakayaman ng mga tao rito at tila alam nila ang kanilang dapat gawin sa buhay. Gayunman, habang namumuhay ako sa gitna ng lahat ng magagandang bagay na ito at sa magagandang gusali nito, kung minsan ay iniisip ko:
Ano ba ang ginagawa ko sa buhay ko? Ito nga ba ang tamang lugar para sa akin?
Madama ang Pagiging Kabilang Muli
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang maging kabilang ay mahalaga sa ating pisikal, mental, at espirituwal na kalusugan.”1 Hindi ko pa natanto kung gaano kahalaga ang pagiging kabilang hanggang sa hindi ko na ito maramdaman—hindi sa simbahan at saanman.
Paano ko na ito matatagpuan ngayon, malayo sa lahat ng mahal ko?
Sa paglipas ng panahon, sinimulan kong kilalanin “ang pagiging sentro ni Jesucristo sa pagiging kabilang.”2
Bagama’t nangungulila pa rin ako sa aking mga kaibigan at pamilya, nakita ko na hindi ako nawalay sa lahat ng tao sa buhay ko noong lumipat ako—mayroon pa rin akong Tagapagligtas at mapagmahal na Ama sa Langit na palaging gustong manatiling may ugnayan sa akin.
Kaya sinimulan kong gawin ang makakaya ko para mas makipag-ugnayan sa Kanila araw-araw. Nagsimula akong makinig sa mga podcast ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kapag tumatakbo ako. Isinuot ko ang aking mga headphone sa trabaho at nakinig sa mga banal na kasulatan habang kinukumpleto ko ang mga gawain ko.
Ang pinakamahalaga, natutuhan ko na talagang kamangha-manghang kaloob ang magdasal nang direkta sa Ama sa Langit. Nakikipag-usap ako sa Kanya nang mas madalas at mas taimtim kaysa rati. Kapag nalulungkot ako, nagdarasal ako at nadarama ko ang Kanyang kapanatagan. Kapag nagta-type ako ng email at sinisikap na manatiling matiyaga sa mga kasamahan ko, nagdarasal ako at humihingi ako ng tulong sa Kanya.
Gustung-gusto ko ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) tungkol sa panalangin: “Sa inyong mga … nahihirapan sa mga hamon at pagsubok malaki man o maliit, ang panalangin ang nagbibigay ng espirituwal na lakas; ito ang magdudulot ng kapayapaan. Ang panalangin ang paraan upang makausap natin ang ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Kausapin Siya sa panalangin at makinig sa kasagutan. Ang mga himala ay nagaganap sa pamamagitan ng panalangin.”3
Sa paglalaan ng oras para sa Kanila sa buhay ko, lalo na sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, nakita ko na bagama’t hindi ako napaliligiran ng aking mga tao at ng sarili kong kultura, maaari pa rin akong mapaligiran ng Espiritu at madama ang pagmamahal ng Diyos.
Maaari Tayong Maging Laging Konektado
Mahirap pa rin ang mga bagay-bagay, ngunit umaasa ako para sa hinaharap. At naniwala ako sa itinuro ni Brother Milton Camargo, Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency: “Ang Panginoong Jesucristo ay nabubuhay ngayon. Maaari Siyang magkaroon ng aktibong presensya sa ating buhay araw-araw. Siya ang solusyon sa ating mga problema, ngunit kailangan nating mag-angat ng mga mata at magtaas ng tingin para makita Siya.”4
Nalulungkot pa rin ako kung minsan, ngunit alam ko na palagi akong makapagdarasal sa aking Ama sa Langit at magagamit ko ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Nakatayo o nakaluhod, nag-iisa o sa isang grupo, maaari akong magdasal.
Magagawa kong umiyak sa Ama sa Langit.
Makapagbibigay ako ng pasasalamat.
Maaari akong humingi ng patnubay at proteksyon.
At sa pamamagitan ng ugnayan ng aking pakikipagtipan, alam ko na ako, na anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, ay laging mapapasa-Kanya. Sa pamamagitan ng Kanyang patnubay, makadarama ako ng tiwala na nasa tamang lugar ako, ginagawa ang nais Niyang ipagawa sa akin.