Liahona
3 Gumagabay na Alituntunin sa Paggamit ng Teknolohiya at Media
Marso 2024


“3 Gumagabay na Alituntunin sa Paggamit ng Teknolohiya at Media,” Liahona, Mar. 2024.

3 Gumagabay na Alituntunin sa Paggamit ng Teknolohiya at Media

Habang patuloy na nagbabago ang teknolohiya, ang mga pamamaraang ito sa media ay makatutulong sa atin na sumulong nang may karunungan.

kamay na may hawak na smartphone na ang circuit board ay nasa screen

Palagiang nagbabago ang teknolohiya. At ang bawat pagsulong sa teknolohiya ay naghatid ng mga bagong paraan para gamitin ang media. Lubhang binago ng palimbagan kung sino ang maaaring maka-access sa nakasulat na mga salita. Ang radyo at telebisyon ay tunay na nagpabago sa paraan ng pagbabahagi natin ng balita, impormasyon, at libangan. Binago naman ng internet kung gaano karaming nilalaman ang maaari nating ma-access at kung sino ang maaaring lumikha nito. Binago ng social media ang kakayahan nating maghanap, makipag-usap, at makipag-ugnayan sa mga tao. Sa pag-usbong ng artificial intelligence, nahaharap tayo sa mga bagong tanong.

Ang bagong teknolohiya ay hindi lubos na mabuti o lubos na masama. Sa halip, ito ay kadalasang parang magnifying lens na makapagpapalaki ng mga bagong oportunidad at bagong alalahanin. Sa pagsisikap nating maging higit na katulad ni Cristo, ang tugon natin sa bagong teknolohiya at sa media ang magdadala sa ating buhay ng kung ano ang mahalaga.

Isang Pamamaraang Batay sa Alituntunin

Mangyari pa, walang listahan ng mga patakaran na gagabay sa bawat desisyong ginagawa natin tungkol sa teknolohiya at media. Sa halip, matututuhan natin ang mga alituntunin na tutulong sa ating gabayan tayo sa paggawa natin ng mga pagpili. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga alituntunin ay walang-hanggan at para sa lahat. May partikular na mga patakaran o pagsasabuhay ng mga alituntuning iyon na maayos na nagagawa sa ilang lugar ngunit hindi sa iba. Pinagkakaisa tayo ni Jesucristo at ng mga walang-hanggang katotohanang itinuro Niya, kahit nag-iiba-iba ang partikular na mga pagsasabuhay sa paglipas ng panahon at sa iba’t ibang kultura.”1

Ang pagsunod sa mga alituntuning batay sa mga katotohanan ng ebanghelyo ay makatutulong sa atin na manatili sa landas ng tipan. Gagabayan tayo ng Espiritu habang nagsisikap tayong pumili batay sa mga alituntuning iyon. Kaya anong mga alituntunin ang makatutulong na gabayan ang ating mga pagpili tungkol sa teknolohiya at media?

1. Magagamit ko ang moral na kalayaan ko sa pagpiling kontrolin ang teknolohiya. Hindi ako nakokontrol nito.

Kung minsan ay parang sinasakop na ng teknolohiya ang iyong buhay. Mahalagang tandaan na maaari kang gumawa ng mga pagpasiya para kontrolin ang teknolohiya. Hindi ka nito kinokontrol. Maaari mong sadyain ang pagpiling gumamit ng teknolohiya at media upang makagawa ng mabuti at hangarin ang mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).

Sinabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay may mahalagang gawaing ipagagawa sa iyo” (Doktrina at mga Tipan 112:6). Isipin kung paano mo magagamit ang teknolohiya para maisakatuparan ang mahalagang gawaing iyon at manatiling “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (Doktrina at mga Tipan 58:27). Maaaring kailangan mong gamitin ang teknolohiya sa iyong trabaho. Maaari mo itong gamitin para makahanap ng mabubuting uri ng libangan. Maaari kang matulungan nito na makaugnayan ang iba. At makatutulong ito sa iyo na matuto, umunlad, at maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Gayunman, ang iba pang mga gamit nito ay maaaring nakagagambala, hindi angkop, o nakapipinsala. Sa halip na hayaang kontrolin ka ng teknolohiya, gumamit ng karunungan at patnubay ng Espiritu upang makagawa ka ng mga pagpili na ikaw ang may kontrol.

2. Kapag ginagamit ko ang aking kalayaang pumili para magplano para sa hinaharap, gumaganda ang pakiramdam ko at gumagawa ako ng mas mabubuting pasiya.

Marahil ay nagkaroon ka ng karanasan nang may pinili ka tungkol sa teknolohiya na hindi tama ang pakiramdam mo. Maaaring may kinalaman ito sa media na ginamit mo o oras na ginugol mo sa isang partikular na aktibidad. Sa halip na labis na magtuon sa mga pagkakamaling nagawa mo, mas makabubuting magtuon sa patuloy na pag-unlad. Kung magpaplano ka para sa hinaharap, makagagawa ka ng mas mabubuting pasiya kaysa kung pagpapasiyahan mo ang lahat habang nangyayari ang mga bagay-bagay sa kasalukuyan. Maaari kang magtakda ng personal na mga tuntunin ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo upang matulungan kang gumawa ng mabubuting pagpili.

Kung nakikita mo ang iyong sarili na mali ang paggamit o sobra na ang paggamit mo ng media, magkaroon ng tapang na magsikap na magbago. Halimbawa, kung ang ilang uri ng media ay hindi nagbibigay-inspirasyon o hindi nagdudulot ng magandang pakiramdam, baguhin ang iyong mga gawi. Kung gumagamit ka ng teknolohiya para gumamit ng media o sumali sa gawaing alam mong hindi tama, magkaroon ng lakas ng loob na magbago—at maging matiyaga sa iyong sarili habang pinagsisikapan mong gawin ang mga pagbabagong iyon. Mag-isip ng mga praktikal na bagay na magagawa mo para magbago. Halimbawa, kung nahihirapan kang gumawa ng mabubuting desisyon sa mga partikular na oras sa maghapon, maaari kang magplano ng mga pagkakataon na gagamitin mo ang teknolohiya at ng mga pagkakataon na hindi mo ito gagamitin.

Gayundin, kung gumagamit ka ng teknolohiya para palakasin ang iyong sarili, makipag-ugnayan sa iba, at isakatuparan ang gawain ng Panginoon, at madarama mo ang Espiritu, patuloy na gawin ang mga bagay na iyon. Kapag talagang tapat ka sa sarili mo tungkol sa iyong mga pagpili, matutulungan ka ng iyong pananampalataya sa Panginoon na gamitin ang iyong kalayaang pumili sa mga paraang makadarama ka nang mas maganda at patuloy na gagawa ng mas mabubuting pasiya.

3. Magagamit ko ang aking kalayaang moral para tumigil sandali at magpahinga sa paggamit ng teknolohiya at media.

Maaari mong madama na palaging may mga tanong tungkol sa teknolohiya at media. Gaano karami ang sobra na? Dapat ko bang dagdagan o bawasan ang paggamit ko ng media at teknolohiya? Ginagamit ko ba nang matalino ang oras ko? Sikaping huwag mataranta sa ganitong mga ideya. Tandaan na OK lang na tumigil sandali at magpahinga sa paggamit ng media. Ang pahinga ay maaaring pagpiling gawin ang mga aktibidad maliban sa pagtingin sa screen nang ilang oras o ang hindi paggamit ng partikular na teknolohiya, tulad ng social media, sa loob ng mahabang panahon.

Malaki ang naitutulong ng teknolohiya para manatili tayong konektado sa iba; gayunman, hindi ibig sabihin na dahil maaari tayong kumonekta anumang oras ay kinakailangan nakakonekta tayo anumang oras. Ipinapaalala sa atin ng Panginoon, “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 101:16). Tiyakin na nag-uukol ka ng oras na makipag-ugnayan sa Kanya.

Maging Matalino

Habang patuloy na nagbabago ang teknolohiya, lahat tayo ay haharap sa maraming desisyon. Sa halip na umasa sa Simbahan para sa partikular na mga patakaran at listahan, maaari tayong bumaling sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, sa mga banal na kasulatan, at sa mga salita ng mga makabagong propeta para sa mga alituntuning tutulong gumabay sa ating mga pagpili. Tutulungan tayo ng Espiritu na malaman kung tama ang ating mga pinili. Ang mga salita ni Jacob ay angkop ngayon tulad noong una niyang ituro ang mga ito sa kanila: “O maging marunong; ano pa ang masasabi ko?” (Jacob 6:12).