Liahona
Isang Mukha sa Bintana
Marso 2024


“Isang Mukha sa Bintana,” Liahona, Mar. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Mukha sa Bintana

Akala ko ay usisera ang kapitbahay ko, pero nalaman ko na kailangan lang pala niya ng kaibigan.

larawan ni Maija-Kaarina Mäkinen

Larawan sa kagandahang-loob ng awtor

Madalas kong makita ang iyo’t iyon ding mukha na nakatingin mula sa bintana ng apartment. Naisip ko sa sarili ko, “Hindi ba malungkot ang laging sumilip mula sa bintana nila habang hinuhusgahan ang mga aktibidad ng kanilang mga kapitbahay?”

Pagkatapos isang araw ay naisip ko na marahil ay dapat akong magtanong sa kanya para malaman kung may maitutulong ako. Nagpasiya akong magdala ng bagong lutong tinapay.

Ang mainit na tinapay ay nagpalambot sa puso ng kapitbahay kong may edad na. Lumuluhang sinabi niya sa akin kung gaano siya kalungkot. Walang bumibisita at walang tumatawag sa kanya, kahit ang sarili niyang mga anak. Nanginginig ang kamay, pinahid niya ang mga luha sa kanyang mga pisngi.

Napabuntong-hininga siya at pagkatapos ay sinabing, “Napakagandang lisanin na lamang ang mundong ito. Hindi ko hinuhusgahan ang sinuman habang nakasilip ako mula sa bintana ko. Minamasdan ko lang ang mga bata na naglalaro at ang iba pang mga bagay na nangyayari sa bakuran.”

babaeng nakatanaw sa labas ng bintana

Paglalarawan ni Alex Nabaum

Kalaunan ay pinag-usapan namin ang tungkol sa ebanghelyo. Noong una ay hindi siya kumibo dahil naglilingkod ang kanyang asawa bilang opisyal sa ibang simbahan. Ngunit habang mas nag-uusap kami, mas lalo siyang humanga sa mga katotohanang ibinahagi ko tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

“Napakasaya na mayroon tayong parehong Jesus!” sabi niya. “Makikita ba natin ang bawat isa sa langit?”

“Opo,” sagot ko, “magkakasama tayo doon—magkahawak-kamay po tayo.”

Mula noon, naging mabuting magkaibigan kami sa loob ng maraming taon, hanggang sa wakas ay nilisan na niya ang mundong ito.

Ngayon ay nais kong isipin na ang dati kong kapitbahay ay nakatanaw mula sa bintana ng kanyang tahanan sa langit, minamasdan ang aming mga aktibidad at umaasang sapat ang pagkakasundo at pagmamahal namin sa bawat isa.