Mga Alituntunin ng Ministering
Nakakaligtaan ba Ninyo ang Mahalagang Alituntunin na Ito ng Ministering?
Ang ministering ay “[pakikigalak] sa nangagagalak” sa parehong paraan na ito ay “[pakikiiyak] sa nagsisiiyak” (Mga Taga Roma 12;15).
Liahona, Oktubre 2019
Kapag iniisip natin ang tungkol sa ministering, madaling isipin ang tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangan. Nag-uusap tayo tungkol sa pag-aalaga sa hardin ng isang balo, pagdadala ng pagkain sa maysakit, o pagbibigay ng donasyon sa mga nahihirapan. Naaalala natin ang payo ni Pablo na “makiiyak kayo sa nagsisiiyak,” ngunit binibigyan ba natin ng sapat na pansin ang unang bahagi ng talatang iyon—na “makigalak kayo sa nangagagalak”? (Mga Taga Roma 12:15). Ang pakikigalak sa mga taong pinaglilingkuran natin—nangangahulugan man ito na nagbubunyi tayo sa kanilang tagumpay o tumutulong tayo sa kanila na makahanap ng kagalakan sa mga panahon ng pagsubok—ay mahalagang bahagi ng ministering na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Narito ang tatlong ideya na makakatulong (at isang dapat iwasan) kapag sinisikap nating pagtuunan ang kabutihang inilagay ng Diyos sa ating buhay.
1. Magkaroon ng Kamalayan
Tinulungan tayo ni Bonnie H. Cordon, Young Women General President, na maunawaan na kailangan nating tingnan ang mga taong pinaglilingkuran natin—tingnan hindi lamang ang kanilang mga pasanin at paghihirap kundi pati na rin ang kanilang mga kalakasan, talento, at tagumpay. Sinabi niya na kailangan nating maging “kakampi at mapagtatapatan—isang taong nababatid ang kanilang sitwasyon at sinusuportahan ang kanilang mga inaasam at pangarap.”1
Sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, sinabi ng Tagapagligtas na ang mga taong matatagpuan sa Kanyang kanang kamay ay magtatanong: “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?
“Kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka?” (Mateo 25:37–38).
“Mga kapatid, ang mahalagang salita ay nakita,” sabi ni Sister Cordon. “Nakita ng mabubuti ang mga nangangailangan dahil nakabantay sila at napapansin nila. Tayo man ay maaaring maging mapagbantay para tumulong at umaliw, para ipagdiwang at makita ang potensyal ng iba.”2
2. Maghanap ng mga Dahilan para Magdiwang
Ipagdiwang ang mga tagumpay malaki man o maliit ang mga ito. Ito man ay pagkaligtas mula sa kanser o pagdaig sa sakit na dulot ng paghihiwalay, pagkakaroon ng bagong trabaho o pagkahanap sa nawawalang sapatos, patuloy na pamumuhay ng isang buwan matapos pumanaw ang isang minamahal o pagtitiis nang isang buong linggo na hindi kumakain o umiinom ng may asukal.
Tumawag sa telepono para bumati, magpadala ng kard, o magtanghalian kayo sa labas. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating mga pagpapala, pamumuhay nang may pasasalamat, at pagdiriwang para sa mga pagpapala at tagumpay ng iba, tayo ay “[magkakaroon] ng kasiyahan sa kagalakan ng ating mga kapatid” (Alma 30:34).
3. Kilalanin ang Kamay ng Panginoon
Kung minsan, ang pakikigalak sa iba ay nangangahulugan na tulungan silang makahanap ng mga dahilan para magalak—anuman ang mga paghihirap o kasiyahang dumarating sa ating mga buhay. Ang simpleng katotohanan na batid ng Ama sa Langit ang nangyayari sa atin at handa Siyang palakasin tayo ay maaaring pagmulan ng kagalakan.
Maaari ninyong matulungan ang iba na makilala ang kamay ng Panginoon sa kanilang mga buhay sa pamamagitan ng pagbabahagi kung paano ninyo mismo ito nakilala sa inyong buhay. Mapagpakumbabang ibahagi kung paano kayo natulungan ng Ama sa Langit sa inyong mga hamon sa buhay. Ang patotoong ito ay makakatulong sa iba na matukoy at kilalanin kung paano Niya sila natulungan (tingnan sa Mosias 24:14).
4. Huwag Limitahan ang Inyong Kakayahang Magalak
Sa kasamaang-palad, kung minsan ay nililimitahan natin ang ating sariling kakayahang magalak kasama ng iba, lalo na kapag nakakaramdam tayo ng kakulangan sa maibibigay natin o sa kasalukuyang katayuan natin sa buhay. Sa halip na magalak sa kaligayahan ng iba, hindi inaasahang nagkakamali tayo na magkumpara. At tulad ng itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: Ang pagkukumpara ng mga biyaya ay tiyak na magpapawala ng kagalakan. Hindi maaaring habang nagpapasalamat tayo ay naiinggit din tayo.”3
“Paano natin madadaig ang pagkahilig na ito na karaniwan na sa halos lahat ng tao?” tanong ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindawalang Apostol. “… Maaari nating bilangin ang marami nating mga biyaya at purihin ang mga nagawa ng iba. Higit sa lahat, maaari tayong maglingkod sa iba, ang pinakamabisang gawain para matulungan tayo na magkaroon ng awa sa iba.”4 Sa halip na magkumpara, maaari nating purihin ang mga taong pinaglilingkuran natin. Malayang ibahagi kung ano ang hinahangaan ninyo sa kanila o sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Tulad ng ipinapaalala sa atin ni Pablo, tayong lahat ay mga miyembro ng katawan ni Cristo, at kapag “ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya” (I Mga Taga Corinto 12:26). Sa tulong ng Ama sa Langit, maaari tayong magkaroon ng kamalayan tungkol sa nararanasan ng iba, magdiwang para sa mga tagumpay malaki man o maliit, makatulong sa kanila na kilalanin ang kamay ng Panginoon, at maaari nating madaig ang inggit upang tunay tayong magalak nang magkakasama sa mga biyaya, talento, at kaligayahan ng iba.