Ministering
Ministering sa pamamagitan ng mga Aktibidad ng Simbahan
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering sa Pamamagitan ng mga Aktibidad ng Simbahan

women preparing food

Mga larawan ng KABABAIHAN NA NASA PROYEKTONG SERBISYO NI LAURENI ADEMAR POCHETTO; LARAWAN NG ICE CREAM at lagari mula sa Getty images

Ang isang paraan para makapag-minister tayo sa ating mga kasamahan sa ward, kapitbahay, at kaibigan ay sa pamamagitan ng mga aktibidad ng Simbahan. Nagpaplano ka man ng aktibidad batay sa mga pangangailangan o interes ng mga taong pinaglilingkuran mo o inaanyayahan mo silang makibahagi sa mga aktibidad o mga pagkakataong maglingkod sa iba, ang mga aktibidad sa ward, stake, o maging sa multistake level ay makapaglalaan ng mga makabuluhan at nakalilibang na paraan para patibayin ang pagkakaisa at palakasin ang mga miyembro.

Ang mga aktibidad ng Simbahan ay makapagbibigay din ng maraming pagkakataon para mag-minister. Halimbawa, ang mga aktibidad ng Simbahan ay makapagbibigay ng mga pagkakataon para makibahagi sa mga proyekto sa paglilingkod na nagpapala sa iba at bumubuo ng magagandang relasyon sa komunidad. Ang mga aktibidad ng Simbahan ay maaari ring maging pagkakataon para matulungan ang mga di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan at ang mga kaibigang iba ang relihiyon o mga kaibigang walang kinabibilangang relihiyon.

Ang pag-anyaya sa maraming tao sa mga aktibidad ng Simbahan ay nagbibigay ng pagkakataon sa Panginoon na pagpalain at palakasin ang ating mga ward at branch, pamayanan, at komunidad.

people shaking hands

Pagbuo ng Magagandang Relasyon

Parating na ang taglamig, at walang maisip na ideya si David Dickson kung paano mananatiling ligtas sa lamig ang kanyang pamilya.

Kalilipat lang ni David, ng kanyang asawa, at dalawang anak na babae sa kanayunan ng Fredonia, Arizona, USA, isang mataas na lugar na may tuyong klima at napapaligiran ng matatarik na pulang talampas, halaman ng seidbras, at mga halamang luntian, at mayabong sa buong taon.

Sa tahanang inuupahan ng mga Dickson, tanging kalang de-kahoy lamang ang pangunahing mapagkukunan ng init. Mabilis natutuhan ni David na ang pangunguha ng kahoy na panggatong ay isang mahalagang kasanayan dahil puno ng niyebe at yelo ang Fredonia kapag taglamig.

“Wala akong anumang kahoy na panggatong o anumang panlagari o anumang kaalaman kung paano ito gamitin!” sabi ni David. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.”

Tinanong si David ng ilang miyembro ng ward kung may sapat na kahoy ang kanyang pamilya para sa buong taglamig. “Hindi nagtagal ay natanto nila na wala kaming sapat na kahoy,” sabi ni David. “Kalaunan ay nag-alok ang korum ng mga elder na tulungan akong mangahoy. Puspos ng labis na pasasalamat, tinanggap ko ang alok nila.”

Hindi nagtagal ay nalaman ni David na ang pangangahoy na ito ay karaniwan lang sa maraming aktibidad ng ward na pinaplano at inoorganisa nang mabuti at dinadaluhan ng marami. Isang Sabado ng umaga, si David, ang korum ng mga elder, at ang iba pang mga miyembro ng ward ay nagtungo sa kabundukan sakay ng mga trak at trailer.

“Sa loob lamang ng maghapon, sa tulong ng kanilang mga kagamitan at kaalaman, nakapagbigay ang mga miyembro ng ward sa aking pamilya ng kahoy na panggatong na tumagal nang halos dalawang taglamig,” sabi ni David. “At higit pa rito, itinuro sa akin ang lahat ng kailangan kong malaman para makapangahoy ako nang mag-isa. Nang lisanin ko ang Fredonia, marunong na akong humawak ng lagari, at hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nakibahagi sa mga aktibidad ng ward na may kinalaman sa pangangahoy.”

Sa gayong mga aktibidad ng ward ay hindi lamang nabubuo ng magagandang relasyon sa mga miyembro ng Simbahan kundi nabubuo rin ang magagandang relasyon sa lahat ng nasa komunidad.

“Naaalala ko ang isang babae, na hindi miyembro ng Simbahan, na bago sa lugar na iyon,” sabi ni David. “Kinailangan niyang sunugin ang kahoy na panakip sa dingding ng kanyang tahanan para lang hindi siya ginawin. Nang malaman namin ang kanyang kalagayan, tiniyak namin na may sapat siyang kahoy na panggatong para sa buong taglamig. Halos hindi na siya makapagsalita sa labis na pasasalamat.”

Tiniyak ng mga pagsisikap sa ministering sa Fredonia na ang lahat ay ligtas at hindi giginawin sa buong taglamig.

Pagtulong sa Iba

Habang nasa misyon sa Romania, regular na binibisita ni Meg Yost at ng kanyang kompanyon ang isang pamilya na matagal nang hindi nakakapagsimba. “Ang mga Stanica ay kabilang sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa Romania,” sabi ni Meg, “at mahal namin sila.”

Nang dumating ang panahon para magplano at mag-organisa ng isang aktibidad ng branch, nagpasiya ang mga lider na magkakaroon ang branch ng isang “Gabi para sa mga Pioneer.” Gugunitain sa gabing ito ang magigiting na pioneer na naglakbay sa Estados Unidos para makarating sa Lambak ng Salt Lake. Ito ay magiging pagkakataon din para parangalan ang mga pioneer ng Simbahan sa Romania.

“Naisip namin na magandang pagkakataon ito para makapagpatotoo ang ilang miyembro tungkol sa kanilang pagbabalik-loob at kung paano nila nakitang umunlad ang Simbahan sa Romania,” sabi ni Meg. “Naisip namin kaagad na dapat maging bahagi nito ang pamilya Stanica. Inanyayahan namin silang makibahagi, at sabik na sabik sila!”

Noong gabi ng aktibidad, malapit nang magsimula pero wala pa rin ang mga Stanica.

“Nag-alala kami na baka hindi sila pumunta,” paggunita ni Meg. “Pero noong eksaktong magsisimula na, pumasok sila sa pintuan. Nagbigay ng magandang patotoo ang mga Stanica tungkol sa ebanghelyo at sa Simbahan. Nakisalamuha rin sila sa iba pang mga miyembro na matagal na nilang hindi nakikita.”

Malugod na tinanggap ng mga miyembro ng branch ang mga Stanica. Nang sumunod na araw ng Linggo, nagulat at natuwa si Meg nang makita niya si Sister Stanica sa Simbahan.

“Nang bumisita ako sa branch makalipas ang ilang buwan, nagsisimba pa rin siya!” sabi ni Meg. “Sa palagay ko, talagang nakatulong sa kanya ang pagkakataon na maibahagi ang kanyang patotoo at madamang kabilang at kailangan siya sa branch.”

women talking

4 na Ideya para sa Ministering sa Pamamagitan ng mga Aktibidad ng Simbahan

  • Magplano ng mga aktibidad na tumutugon sa mga pangangailangan: Ang mga aktibidad ay magandang paraan para matugunan ang iba’t ibang pangangailangan. Maaaring planuhin ang mga ito para matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng isang indibiduwal o grupo. Dapat matugunan din ng mga ito ang mga pangangailangan ng mga taong nakikibahagi, ang pangangailangan mang iyon ay makilala nang mas mabuti ang isa’t isa, matutuhan ang iba pa tungkol sa ebanghelyo, o madama ang Espiritu.

  • Anyayahan ang lahat: Habang nagpaplano ka ng mga aktibidad, pagsikapan na anyayahan ang mga taong makikinabang sa pakikibahagi. Isaisip ang mga bagong miyembro, mga di-gaanong aktibong miyembro, mga kabataan, mga single adult, mga taong may kapansanan, at mga miyembro ng ibang mga relihiyon. Anyayahan sila habang isinasaisip ang kanilang mga kapakanan, at ipahayag kung gaano mo kagusto na makapunta sila.

  • Maghikayat ng pakikibahagi: Mas makikinabang sa mga aktibidad ang mga inaanyayahan mo kung may pagkakataon silang makibahagi. Ang pagbibigay ng pagkakataong magamit ang kanilang mga kaloob, kasanayan, at talento sa mga aktibidad ay isang paraan upang makahikayat ng partisipasyon.

  • Malugod na tanggapin ang lahat: Kung dumalo ang iyong mga kaibigan sa isang aktibidad, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang madama nilang tanggap sila. Gayundin, kung makakakita ka ng mga taong hindi mo kilala, maging palakaibigan at malugod silang tanggapin!