Ministering
Ministering sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Templo
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Templo

Kapag tinutulungan natin ang iba na matamo ang mga pagpapala ng templo, nagmi-minister o naglilingkod tayo.

Liahona, Marso 2020

Tijuana Mexico Temple

Background mula sa Getty Images; mga larawan ng Tegucigalpa Honduras Temple, Tijuana Mexico Temple, Rome Italy Temple Visitors’ Center

Ang pagdalo sa templo ay sulit pagsikapan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang “templo ay mahalaga sa ating kaligtasan at kadakilaan, at gayundin sa ating pamilya. …

“… Kailangan ng bawat isa sa atin ang patuloy na espirituwal na pagpapatatag at pagtuturo na tanging sa bahay ng Panginoon makukuha.”1

Ang pagdalo sa templo ay nangangailangan ng pangangasiwa ng ating oras, mga tungkulin, at mga pinagkukunan, pati na rin ng espirituwal na kahandaan. Naglilingkod tayo kapag tinutukoy natin ang mga balakid na humahadlang sa ating mga kapatid na magpunta sa templo at tinutulungan natin silang makahanap ng mga solusyon.

Ang Templo ay Isang Pagpapala na Maaaring Matamasa ng Sinuman

Naglalakad ang kauuwi lang na missionary na si Meg papunta sa pinto ng Kona Hawaii Temple nang mapansin niya ang isang bata pang babae na mag-isang nakaupo sa labas. Nadama ni Meg na dapat niyang kausapin ang babae, pero hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Kaya itinanong niya kung ano ang kahulugan ng tatu sa bukung-bukong ng babae. Nagpasimula iyon ng isang pag-uusap na naging dahilan para magkuwento ang babaeng si Lani.

Nagkuwento si Lani kay Meg tungkol sa pagsisikap niya na bumalik at maging lubos na aktibo sa Simbahan, sa mababait na miyembro na tumutulong sa kanya, at sa pagnanais niya na mabuklod sa kanya ang kanyang anak na babae balang-araw.

Inanyayahan ni Meg si Lani na pumasok at umupo sa silid-hintayan ng templo kasama niya. Hindi pa sila maaaring makapasok sa pinakaloob ng templo, pero maaari silang pumasok sa bungad nito. Pumayag si Lani, at magkasama silang pumasok sa pinto sa harapan. Pinaupo sila ng isang manggagawa sa templo sa isang mahabang upuan sa ilalim ng isang ipinintang larawan ng Tagapagligtas.

Habang nakaupo sila, bumulong si Lani, “Gusto ko talagang pumasok sa templo ngayon, pero kinabahan ako.” Dahil sinunod ni Meg ang Espiritu, nakatulong siya na masagot ang tahimik na panalangin ni Lani.

Mga Ideya para Matulungan ang mga Taong Walang Temple Recommend

Maaaring mapagpala ng templo maging ang mga hindi pa karapat-dapat para sa temple recommend.

  • Ibahagi ang iyong damdamin tungkol sa kung paano ka pinagpala ng Panginoon sa pamamagitan ng gawain sa templo.

  • Anyayahan ang isang tao na dumalo sa open house ng templo o magpunta sa visitors’ center. Maghanap ng mga open house na malapit nang idaos sa temples.ChurchofJesusChrist.org.

people walking outside of temple

Larawan ng harapan ng Los Angeles California Temple na kuha ni Jerry L. Garns; mga larawan ng Washington D.C. Temple, Concepción Chile Temple, San Diego California Temple; ibaba: Mesa Arizona Temple

Gawing Mas Madali para sa Iba ang Pagdalo sa Templo

Maging para sa mga miyembrong may temple recommend, maaaring maging mahirap ang pagdalo sa templo. Maaaring kailangang magbiyahe nang malayo ang ilan. Maaaring ang iba naman ay may maliliit na anak o matatandang kapamilya na nangangailangan ng pag-aaruga. Maaari tayong magtulungan upang maging posible para sa lahat ang pagdalo sa templo.

Nahirapan si Leola Chandler sa pag-aalaga ng kanyang maysakit na asawa at kanilang apat na anak. Kaya nagpasiya siyang maglaan ng oras tuwing Martes para dumalo sa isang templo na malapit sa kanila. Ito ang pinaghuhugutan niya ng kapayapaan at lakas sa kanyang buhay.

Isang araw ay narinig niya na gustung-gusto ng ilang matatandang kababaihan sa kanyang ward na dumalo sa templo, ngunit wala silang masakyan papunta roon. Nag-alok si Leola na isabay sila. Nang sumunod na 40 taon, bihira siyang magpunta sa templo nang mag-isa.2

Pinagpala si Leola, at natulungan niya ang iba nang mag-alok siya na isabay sila papunta sa templo.

Mga Ideya para Matulungan ang Iba na Makapunta sa Templo

Paano mo matutulungan ang iba na makapunta sa templo nang mas madalas? Maaaring makatulong din sa iyo ang mga ideyang ito.

  • Pumunta nang magkasama. Mag-alok na isabay o ipaghanda ng sasakyan ang isang tao. Maaaring makahikayat ito sa iba na dumalo rin sa templo.

  • Hilingin sa mga miyembro ng iyong pamilya o ward na tulungan ka na magsagawa ng mga ordenansa para sa iyong mga ninuno, lalo na kapag marami kang pangalan ng mga kapamilya na handa na para sa mga ordenansa.

  • Mag-alok na magbantay ng mga bata para makadalo sa templo ang mga magulang. O kaya nama’y magsalitan sa pagbabantay ng mga anak ng isa’t isa. (Para sa mga karagdagang ideya, basahin ang “Pinasimpleng Temple Night: 6 na Tip Para Gawing mas Madali ang mga Temple Trip” [artikulong digital lamang], Liahona, Ene. 2018.)

Kapag Malayo ang Templo

Nagpasiya sina Chandras “Roshan” at Sheron Antony ng Colombo, Sri Lanka, na mabuklod sa templo. Sobrang saya ng kanilang mga kaibigan na sina Ann at Anton Kumarasamy para sa kanila. Ngunit alam nila na ang pagpunta sa Manila Philippines Temple ay hindi madali at hindi mura ang pamasahe.

Inipon nina Roshan at Sheron ang kanilang pera at maaga silang bumili ng tiket sa eroplano para makamura. Sa wakas, dumating ang araw na iyon. Gayunman, nang mag-layover o lumapag sila sa Malaysia, nalaman nila na para patuloy na makabiyahe papunta sa Pilipinas, kailangan nilang kumuha ng visa o sumakay sa ibang eroplano. Imposibleng makakuha ng visa, at wala silang pambili ng tiket sa ibang eroplano. Ngunit hindi nila maatim na umuwi nang hindi nabubuklod sa templo.

Hindi sigurado kung ano ang gagawin, tinawagan ni Roshan si Anton. Gustung-gustong tumulong nina Anton at Ann. Isa sila sa iilang mag-asawa sa Sri Lanka na nabuklod sa templo, at alam nila na malaking pagpapala ito. Ngunit naubos na ang naipon nila kamakailan sa pagtulong sa isang kapamilya na nangangailangan, at wala silang sapat na pera para tulungan sina Roshan at Sheron na bumili ng panibagong tiket sa eroplano.

Tradisyon sa Sri Lanka na bilhan ng lalaking ikakasal ang babaeng ikakasal ng isang gintong kuwintas para may pera siya kung mamatay ang kanyang asawa. Nagpasiya si Ann na ipagbili ang kanyang kuwintas para makatulong sa pagbili ng panibagong tiket. Dahil sa kanyang bukas-palad na regalo, nakarating sa takdang oras sina Roshan at Sheron sa templo sa Manila.

“Alam ko ang kahalagahan ng pagbubuklod sa templo,” sabi ni Ann. “Alam kong magiging malakas na impluwensya sa branch sina Sheron at Roshan. Ayaw kong mapalampas nila ang pagkakataong ito.”3

Mga Ideya para Matulungan ang mga Taong Hindi Makapunta sa Templo

Maaari kang tawagin na mag-minister o maglingkod sa mga taong hindi makapunta sa templo nang madalas o talagang hindi nakakapunta sa templo dahil sa layo at mahal ng pamasahe. Ngunit maaari ka pa ring maghanap ng mga paraan para matulungan sila na mapahalagahan ang mga pagpapala ng templo.

  • Magturo o sama-samang makilahok sa klase sa temple preparation o family history.

  • Bigyan sila ng isang larawan ng templo na maisasabit sa kanilang tahanan.

  • Kung nakapasok ka na sa templo, ibahagi ang iyong damdamin tungkol sa iyong karanasan at magpatotoo tungkol sa mga ordenansa ng templo.

  • Tulungan silang malaman ang iba pa tungkol sa mga tipang ginawa nila at kung paano ito tutuparin. Maaari mong gamitin ang “Pag-unawa sa Ating mga Tipan sa Diyos: Buod ng Ating Pinakamahahalagang Pangako,” sa Hulyo 2012 Liahona.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114.

  2. Tingnan sa LaRene Gaunt, “Finding Joy in Temple Service,” Ensign, Okt. 1994, 8.

  3. Naibalik kina Ann at Anton ang kanilang kuwintas pagkatapos silang ma-reimburse ng General Temple Patron Assistance Fund ng Simbahan, na nagbibigay ng minsanang pinansiyal na tulong sa mga miyembro ng Simbahan na hindi sana makakayang dumalo sa templo kung wala ito.