Mga Alituntunin ng Ministering
Pagtitipon ng Israel sapamamagitan ng Ministering
Ang ministering ay isang pagkakataon para masunod ang tagubilin ng propeta na tipunin ang Israel.
Liahona, Enero 2020
Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na tumulong sa pagtitipon ng Israel—“ang pinakamahalagang nangyayari sa daigdig ngayon.”1
Para sa mga taong gustong maging bahagi ng gawaing ito ng pagtitipon ng Israel, ang ministering ay isang magandang pagkakataon. Dahil ang gawain ng kaligtasan ng Panginoon ay isang malaking gawain, ang ministering ay isang inspiradong paraan upang baguhin ang buhay ng mga tao. Nagmi-minister man tayo sa mga di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan o inaanyayahan natin sila na tulungan tayo habang pinaglilingkuran natin ang mga taong iba ang relihiyon, ang ministering ay nagbibigay ng mga pagkakataon para matipon ang Israel.
Pagpasan ng mga Pasanin ngIsa’t Isa
“Maaaring nasasaktan, nawawala, o sadya pang gumagala ang ating mga tupa; bilang kanilang pastol, maaari tayong mapabilang sa mga unang makakakita sa kanilang pangangailangan. Maaari tayong makinig at magmahal nang hindi nanghuhusga at magbigay ng pag-asa at tulong sa patnubay ng Espiritu Santo.” —Bonnie H. Cordon2
“Tahimik kong pinagmasdan ang babaeng nakaupo sa tabi ko sa aking 7:00 n.u. na biyahe pauwi sakay ng eroplano. Umorder siya ng alak bago lumipad ang eroplano, at nang tanungin niya ako kung may asawa na ako, tumindi ang mga negatibong panghuhusga ko sa kanya.
“‘Oo, may apat akong anak at apat na apo,’ sagot ko na may pagmamalaki.
“Pagkatapos ay may sinabi siya sa akin na nagpabago ng lahat. Pumanaw ang kanyang asawa noong isang araw pagkatapos ma-coma nang limang araw. Bagama’t isa siyang emergency physician, hindi niya nailigtas ang kanyang asawa nang mawalan ito ng malay habang nagbabakasyon sila.
“Napahiya ako dahil ang agarang panghuhusga ko ay napakalayo sa katotohanan. Ano ang sasabihin ko sa kanya? “Habang nag-iisip ako, nadama ko na ibinuhos ng Ama sa Langit ang Kanyang Espiritu para matulungan ko ang babaeng ito at makapagbahagi ako ng ilan sa mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo.
“Nalaman ko na bagama’t hindi siya dumadalo sa kahit anong simbahan, naniniwala siya kay Jesucristo at nagbabasa siya ng Biblia. Nang tanungin ko kung may alam siya tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi niya na kaunti lang ang alam niya. Ibinahagi ko sa kanya ang isang mensahe ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) sa pangkalahatang kumperensya na may pamagat na, ‘Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,’ at pagkatapos ay nagpatotoo ako tungkol sa mga walang-hanggang pamilya at kung gaano kakilala at kamahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Nalaman ko na papunta siya sa Hawaii, USA, kung saan siya lumaki, at hinikayat ko siya na bumisita sa Laie Hawaii Temple.
“Naghiwalay kami sa Salt Lake City, Utah, airport. Lubos akong nagpapasalamat na naging kasangkapan ako ng Panginoon, sa kabila ng aking mga pagkakamali, upang matulungan ang isang sister na nangangailangan ng pagmamahal at kapanatagan.”
John Tippetts, Utah, USA
Mga Alituntuning Dapat Pag-iisipan
“Mga Negatibong Panghuhusga”
Ang agarang panghuhusga ay nakakahadlang sa atin na makita ang banal na potensiyal (tingnan sa Mateo 7:1).
“Ibinuhos ang Kanyang Espiritu”
Magtiwala sa pangako ng Diyos na ibibigay Niya sa atin ang dapat nating sabihin sa sandaling iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:5–6).
“Nalaman”
Itanong ang pinaniniwalaan ng iba, makinig nang may habag, at igalang ang kanilang mga paniniwala.
“Nagpatotoo”
Maghanap ng mga pagkakataong mapatotohanan kung paano kayo tinutulungan ng Panginoon sa inyong buhay (tingnan sa Mosias 24:14).
“Hinikayat”
Hikayatin sila na kumilos ayon sa katotohanan para makapagpatotoo ang Espiritu Santo sa kanila (tingnan sa Juan 7:17; Moroni 10:5).
Pagsagip sa mga Miyembrong Nagbabalik
“Kung pagmamahal ang ating motibo, may mga himalang mangyayari, at makahahanap tayo ng mga paraan para ibalik ang ating ‘nawawalang’ mga kapatid sa ebanghelyo ni Jesucristo.” —Jean B. Bingham3
“Halos anim na taon akong hindi aktibo nang lumipat kaming mag-asawa sa isang bagong bayan. Binisita ako ng aming bagong Relief Society president, at tinanong niya ako kung maaari siyang magpadala ng isang sister na bibisita sa akin. Kahit medyo nangangamba, pumayag ako. Ang sister na ito ay bumisita sa akin buwan-buwan, kahit may allergy siya sa mga aso—at mayroon akong napakalambing na aso! Nagpatuloy ang kanyang pagmi-minister nang dalawang taon, at malaki ang naging epekto nito sa akin.
“Bagama’t karaniwan ay nagkukuwentuhan lang kami, paminsan-minsan ay nagbibigay siya ng mga katanungan na humahantong sa mga espirituwal na talakayan. Medyo nailang ako sa mga katanungang iyon, ngunit nahikayat ako ng mga ito na magpasiya kung susulong ba ako sa ebanghelyo o mananatili sa kinalalagyan ko. Mahirap ang desisyong ito para sa akin, ngunit nagpasiya akong sumama sa mga sister missionary.
“Noong araw na dumalo ako ng sacrament meeting sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang anim na taon, natakot akong pumasok sa loob. Pagpasok ko sa simbahan, naghihintay sa akin ang ministering sister ko, at sinabayan niya akong maglakad sa chapel. Pagkatapos, inihatid niya ako sa aking kotse, at tinanong niya ako kung ano ang magagawa niya para matulungan akong mas mapalapit sa Tagapagligtas.
“Ang oras at pagmamahal na inilaan ng aking ministering sister ay nakatulong para maging aktibo akong muli, at pinahahalagahan ko ang kanyang pagsisikap bilang isa sa pinakamagandang regalong ibinigay sa akin. Nagpapasalamat ako na siya ay nasa tabi ko sa aking paglalakbay pabalik sa Simbahan ng Tagapagligtas.”
Hindi ibinigay ang pangalan, British Columbia, Canada
Mga Alituntuning DapatPag-iisipan
“Bumisita sa akin buwan-buwan, kahit may allergy siya sa mga aso”
Paano ninyo maipapakita na mas pinagmamalasakitan ninyo ang mga taong mini-minister ninyo kaysa sa iba pang mga bagay? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:44).
“Mga katanungan”
Ang tamang pagtatanong ay naghihikayat ng pagsusuri sa sarili. Tandaan na ang ating pagmi-minister ay may layunin na higit pa sa pagbisita at pakikipagkuwentuhan.4
“Naghihintay sa akin”
Dapat madama ng lahat ang malugod na pagtanggap (tingnan sa 3 Nephi 18:32).
“Nasa tabi ko sa aking paglalakbay pabalik”
Malaki ang maaaring maging epekto ng ating suporta sa mga taong nahihirapang bumalik sa Tagapagligtas at mapagaling (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:12–13).
Ministering at Pagtitipon
“Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. …
“… Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan.” —Elder Dieter F. Uchtdorf5
Magkaugnay ang ministering at pagbabahagi ng ebanghelyo. Narito ang ilang mga paraan para matipon natin ang ating mga kaibigan at kapit-bahay habang nagmi-minister tayo—o magkapag-minister tayo habang tinitipon natin ang ating mga kaibigan at kapit-bahay:
-
Maglingkod nang magkasama. Maghanap ng mga pagkakataon na maanyayahan ang isang kaibigan o kapit-bahay na sumama sa inyo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng isang tao. Anyayahan sila na tulungan kayong maghanda ng pagkain para sa isang bagong ina, ayusin ang hardin ng isang matandang kapit-bahay, o linisin ang bahay ng isang taong may sakit.
-
Magturo nang magkasama. Maaari ninyong anyayahan ang isang kaibigan o kapit-bahay na di-gaanong aktibo sa Simbahan na hayaan ang mga misyonero na magturo ng isang missionary lesson sa kanilang tahanan para sa isang investigator, tulungan kayo sa paghahanda ng inyong tahanan kapag doon gaganapin ang pagtuturo, o samahan kayo sa bahay ng isang taong tuturuan.
-
Tumulong. Bukod sa paglilingkod sa mga nakatalaga sa inyo sa ministering, maaari rin kayong tumulong sa ibang nangangailangan. Mag-alok na ihatid sila sa mga miting ng simbahan. Anyayahan ang kanilang mga anak sa mga aktibidad ng mga kabataan o ng Primary. Ano ang iba pang mga paraan na makakatulong kayo sa ministering at pagtitipon?
-
Gamitin ang mga resource na inilaan ng Simbahan. Ang Simbahan ay naglaan ng maraming resource para sa mga miyembro upang matulungan sila sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Maaari ninyong tingnan ang bahagi na “Missionary” sa Gospel Library app, panoorin ang mga video na “Come and See” (sa ChurchofJesusChrist.org/go/12011), at bisitahin ang ComeUntoChrist.org para sa mga ideya kung paano titipunin ang Israel sa ating mga komunidad.