Ministering
Paano Gagawing Masaya ang Ministering
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Paano Gagawing Masaya ang Ministering

Ang paglilingkod nang may pagmamahal ay naghahatid ng kagalakan kapwa sa nagbibigay at sa tumatanggap.

Liahona, Abril 2019

Jesus with the leper

ANG KETONGIN NA NAGSABING SALAMAT, ni John Steel

Kung minsan, ang paghahanap natin ng kaligayahan sa buhay na ito ay parang pagtakbo sa treadmill. Patuloy tayong tumatakbo ngunit nararamdaman natin na tila nasa iisang lugar pa rin tayo. Para sa ilan, ang ideya ng pagmi-minister sa iba ay tila pagdaragdag lamang sa gagawin.

Ngunit nais ng ating Ama sa Langit na makaranas tayo ng kagalakan at sinabi sa atin na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). At itinuro ng Tagapagligtas na ang pagmi-mininister sa iba ay isang mahalagang bahagi ng paghahatid natin ng kagalakan sa ating buhay at sa buhay ng iba.

Ano ang Kagalakan?

Ang kagalakan ay tinukoy bilang “isang damdamin ng labis na kasiyahan at kaligayahan.”1 Nilinaw na ng mga propeta sa mga huling araw kung saan nagmumula ang kagalakan at kung paano ito matatagpuan. “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “… Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil [kay Jesucristo]. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”2

Ang Ministering ay Naghahatid ng Kagalakan

Nang kinain ni Lehi ang bunga ng punungkahoy ng buhay, ang kanyang kaluluwa ay napuspos “ng labis na kagalakan” (1 Nephi 8:12). Una niyang hinangad na ibahagi ang bungang ito sa mga taong mahal niya.

Ang kahandaan nating mag-minister sa iba ay makapaghahatid ng ganitong uri ng kagalakan sa atin at sa kanila. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na ang ibinubunga natin kapag nakaugnay tayo sa Kanya ay naghahatid sa atin ng ganap na kagalakan (tingnan sa Juan 15:1–11). Ang paggawa ng Kanyang gawain sa pamamagitan ng paglilingkod at paghahangad na madala ang iba sa Kanya ay maaaring maging isang masayang karanasan(tingnan sa Lucas 15:7; Alma 29:9; Doktrina at mga Tipan 18:16; 50:22). Maaari nating maranasan ang kagalakang ito kahit nakararanas tayo ng oposisyon at pagdurusa (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:4; Mga Taga Colosas 1:11).

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa na ang isa sa pinakamagandang mapagkukunan ng tunay na kagalakan sa buhay na mortal ay matatagpuan sa paglilingkod. Kapag nag-minister tayo sa ating mga kapatid na lalaki at babae tulad ng Tagapagligtas, nang may pag-ibig sa kapwa at pagmamahal sa ating puso, maaari nating maranasan ang kagalakang higit pa sa simpleng kaligayahan.

“Kung tatanggapin natin [ang ministering] nang buong puso, … tayo ay mapapalapit sa pagiging tao ng Sion at magagalak kasama ang mga taong natulungan natin sa landas ng pagkadisipulo,” itinuro ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President.3

Paano Natin Magagawang Mas Masaya ang Ministering?

Maraming paraan upang maghatid ng mas malaking kagalakan sa ating ministering. Narito ang ilang ideya:

  1. Unawain ang inyong layunin sa ministering. Maraming dahilan upang mag-minister. Sa huli, ang ating mga pagsisikap ay dapat umayon sa mga layunin ng Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Habang tinatanggap natin ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na tulungan ang iba sa pagtahak sa landas ng tipan, makasusumpong tayo ng kagalakan sa pakikibahagi sa gawain ng Diyos.4 (Para sa iba pang impormasyon tungkol sa layunin ng ministering, tingnan ang “Ministering Principles: The Purpose That Will Change Our Ministering,” sa Enero 2019 Liahona.)

  2. Gawing tungkol sa mga tao ang ministering at hindi tungkol sa mga gawain. Madalas ipaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na: “Huwag hayaang maging mas mahalaga ang problemang lulutasin kaysa sa taong kailangang mahalin.”5 Ang ministering ay tungkol sa pagmamahal sa mga tao, hindi tungkol sa mga bagay na kailangang gawin. Habang natututo tayong magmahal na tulad ng Tagapagligtas, magiging mas handa tayo sa kagalakang nagmumula sa paglilingkod sa iba.

  3. Gawing simple ang ministering. Sabi sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay. … Ang ating maliliit at mga simpleng kabaitan at paglilingkod ay matitipon upang maging isang buhay na puspos ng pagmamahal sa Ama sa Langit, katapatan sa gawain ng Panginoong Jesucristo, at diwa ng kapayapaan at kagalakan tuwing nagtutulungan tayo.”6

  4. Alisin ang stress sa ministering. Hindi ninyo responsibilidad na pagsikapang maligtas ang isang tao. Iyon ay sa pagitan ng tao at ng Panginoon. Ang ating responsibilidad ay mahalin sila at tulungang bumaling kay Jesucristo, na kanilang Tagapagligtas.

Jesus with children

SI CRISTO AT ANG MGA BATA SA AKLAT NI MORMON, ni Del Parson

Huwag Ipagpaliban ang Kagalakan sa Paglilingkod

Kung minsa’y nag-aatubili ang ilang tao na humingi ng tulong na kailangan, kaya maaaring ang pag-aalok nating maglingkod ang mismong kailangan nila. Ngunit hindi rin naman sagot ang pagpilit natin ng ating mga sarili sa mga tao. Magandang ideya na humingi muna ng pahintulot bago mag-minister.

Ikinuwento ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa isang single mother na nagkabulutong—at pagkatapos ay nahawa rin ang kanyang mga anak. Ang dating napakalinis na bahay ay naging makalat at magulo. Dumami ang mga hugasin at labahin.

Sa isang sandali na hinang-hina na siya, kumatok sa kanyang pinto ang mga kababaihan ng Relief Society. Hindi nila sinabing, “Sabihin mo lang kung makatutulong kami.” Nang makita nila ang sitwasyon, kumilos sila kaagad.

“Niligpit nila ang kalat, ginawang maaliwalas ang bahay, at tinawagan ang isang kaibigan para magpadala ng mga kailangang groseri. Nang natapos na sa kanilang ginagawa at nagpaalam, iniwan nila ang bata pang ina na lumuluha—luha ng pasasalamat at pagmamahal.”7

Kapwa ang mga nagbibigay at tumatanggap ay nakadama ng init ng kagalakan.

Linangin ang Kagalakan sa Inyong Buhay

Kapag mas marami tayong nalinang na kagalakan, kapayapaan, at kasiyahan sa ating mga buhay, mas makapagbabahagi tayo sa iba habang nagmi-minister tayo. Ang kagalakan ay dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22 at Doktrina at mga Tipan 11:13). Ito ay isang bagay na maipagdarasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 136:29) at maaanyayahan natin sa ating buhay. Narito ang ilang mga ideya para malinang ang kagalakan sa sarili nating mga buhay:

  1. Bilangin ang inyong mga pagpapala. Habang sinusuri ninyo ang inyong buhay, isulat sa inyong journal ang mga bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa inyo.8 Pansinin ang kabutihang nasa paligid ninyo.9 Pagtuunan ng pansin kung ano ang maaaring humahadlang sa inyo na makadama ng kagalakan at magsulat ng mga paraan upang malutas o mas maunawaan ang mga ito. Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, mag-ukol ng oras na maghanap ng mas malaking kaugnayan sa Tagapagligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:36).

  2. Magsanay sa pagiging mapag-isip. Mas madali kayong makahahanap ng kagalakan sa mga sandali ng tahimik na pagninilay.10 Pakinggan nang mabuti kung ano ang naghahatid sa inyo ng kagalakan (tingnan sa I Mga Cronica 6:15). Kung minsa’y kailangan ninyong lumayo sa media upang makapag-isip.11

  3. Iwasang ikumpara ang inyong sarili. May nagsabi na ang pagkukumpara ang magnanakaw ng kagalakan. Nagbabala si Pablo na ang mga taong “sinusukat ang kanilang sarili sa kanila rin, at kanilang itinutulad ang sarili sa kanila rin ay mga walang unawa” (II Mga Taga Corinto 10:12).

  4. Maghangad ng personal na paghahayag. Itinuro ng Tagapagligtas: “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 42:61).

Paanyayang Kumilos

Paano ninyo mapag-iibayo ang kagalakang nasumpungan ninyo sa inyong buhay sa pamamagitan ng pagmi-minister?

Mga Tala

  1. “Joy,” en.oxforddictionaries.com

  2. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82.

  3. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 107.

  4. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abril 2018, 4–7.

  5. Thomas S. Monson, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 86.

  6. M. Russell Ballard,“Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod,” Liahona, Mayo 2011, 49.

  7. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2014, 120–123.

  8. Tingnan sa Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 67.

  9. Tingnan sa Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 87.

  10. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 21.

  11. Tingnan sa Gary E. Stevenson, “Espirituwal na Eklipse,” Liahona, Nob. 2017, 46.