Mga Alituntunin ng Ministering
Ang Layunin na Magbabago sa Ating Ministering
Bagaman maraming layunin ang ministering, ang ating mga pagsisikap ay dapat gabayan ng kagustuhan na matulungan ang ibang tao na makamit ang mas malalim na indibiduwal na pagbabalik-loob at maging mas katulad ng Tagapagligtas.
Liahona, Enero 2019
Kapag minamahal natin ang iba tulad ng Tagapagligtas, gugustuhin nating tulungan sila katulad nang ginawa Niya. Bilang Mabuting Pastol, Siya ang pinakamahusay na halimbawa ng makabuluhang ministering.
Sa pagtutulad ng ating ministering sa Kaniya, mahalagang tandaan na ang Kaniyang pagsisikap na magmahal, mag-angat, magsilbi, at magpala ay may mas mataas na layunin kaysa sa pagtugon sa panandaliang pangangailangan. Paniguradong alam Niya ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at nahahabag Siya sa kanilang kasalukuyang paghihirap. Kung kaya’t nagpagaling, nagpakain, nagpatawad, at nagturo Siya. Ngunit ninais Niya na gumawa nang higit pa sa pagpawi ng uhaw na nadarama sa kasalukuyang araw (tingnan sa Juan 4:13–14). Ninais Niya na ang mga nakapaligid sa Kaniya ay sundin Siya (tingnan sa Lucas 18:22; Juan 21:22), kilalanin Siya (tingnan sa Juan 10:14; Doktrina at mga Tipan 132:22–24), at abutin ang kanilang banal na potensiyal (tingnan sa Mateo 5:48). Ang mga bagay na iyon ay totoo hanggang ngayon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 67:13).
Maraming mga paraan na makatutulong tayo sa pagpapala ng iba, ngunit kung ang pangunahing layunin ng ating ministering ay ang pagtulong sa ibang tao na makilala ang Tagapagligtas at maging mas katulad Niya, magtatrabaho tayo hanggang dumating ang araw na hindi na natin kailangang turuan ang ating mga kapitbahay na kilalanin ang Panginoon dahil lahat tayo ay kilala na Siya (tingnan sa Jeremias 31:34).
Ang Pokus ng Tagapagligtas ay Higit pa sa Panandaliang Pangangailangan
-
Ilang mga indibiduwal ang tunay na nagpakahirap upang madala ang kanilang kaibigan kay Jesus para mapagaling sa pagiging paralisado. Sa huli, pinagaling ng Tagapagligtas ang lalaki, ngunit mas interesado Siya sa pagpapatawad ng mga kasalanan nito (tingnan sa Lucas 5:18–26).
-
Nang dinala ng mga tao sa Tagapagligtas ang isang babaeng nahuli sa pangangalunya, pisikal na nailigtas ang buhay nito dahil sa hindi paghusga ng Tagapagligtas sa kaniya. Ngunit ninais Niya rin na mailigtas ang babae sa espirituwal, sinabihan Niya ang babae na “humayo ka na sa iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (tingnan sa Juan 8:2–11).
-
Nagpadala ng mensahe sina Maria at Marta kay Jesus na humihiling sa Kaniyang pumunta upang pagalingin ang Kaniyang kaibigang si Lazaro. Si Jesus, na nagpagaling ng ibang tao sa hindi mabilang na mga okasyon, ay nagpaantala ng Kaniyang pagdating hanggang sa mamatay si Lazaro. Alam ni Jesus ang nais ng pamilya, ngunit sa muling pagbuhay Niya kay Lazaro, pinatatag Niya ang kanilang patotoo sa Kaniyang kabanalan (tingnan sa Juan 11:21–27).
Ano pang ibang halimbawa ang maidaragdag mo sa listahang ito?
Ano ang Magagawa Natin?
Kung ang layunin natin ay ang pagtulong sa ibang tao na maging mas katulad ng Tagapagligtas, mababago nito ang paraan ng ating paglilingkod. Narito ang ilan sa mga paraan na magagabayan ng pag-unawang ito ang ating mga pagsisikap sa paglilingkod.
Ideya 1: I-ugnay ang Paglilingkod sa Tagapagligtas
Lahat ng ating mga pagsisikap na gumawa ng mabuti ay mahalaga, ngunit makahahanap pa tayo ng mga pagkakataon upang mas paghusayin ang ating paglilingkod sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa Tagapagligtas. Halimbawa, kung ang pamilya na pinaglilingkuran mo ay may sakit, maaaring makatulong ang pagbigay ng pagkain, ngunit ang iyong simpleng pagpapahayag ng pagmamahal ay maaaring madagdagan sa pamamagitan ng iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila. Ang iyong pagtulong sa paghahalaman ay maaaring mapasalamatan, ngunit ito ay maaaring gawing mas makabuluhan sa pamamagitan ng pag-aalok ng isang basbas ng priesthood.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang isang taong may mabuting puso ay tutulong sa isang tao na mag-ayos ng gulong, sasama sa isang roommate sa doktor, kakain ng tanghalian kasama ang isang taong nalulungkot, o ngingiti at mangangamusta upang mapasaya ang araw ng iba.
Ngunit ang tagasunod ng unang utos ay natural na magdaragdag sa mahahalagang gawain na ito ng paglilingkod.”1
Ideya 2: Magpokus sa Landas ng Tipan
Sa kaniyang pagsasalita sa mga miyembro sa unang pagkakataon bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Manatili sa landas ng tipan.” Ang paggawa at pagtupad sa mga tipan “ang magbubukas ng pinto sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo na makukuha.”2
Bilang mga Banal sa Huling Araw, nabinyagan, nakumpirma, at nakatanggap tayo ng kaloob ng Espiritu Santo. Ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ay tumatanggap ng priesthood. Pumupunta tayo sa templo para sa ating endowment at para mabuklod tayo sa ating mga pamilya nang walang-hanggan. Ang mga nagliligtas na ordenansang ito at ang mga kaagapay na tipan nito ay mahalaga para maging katulad Niya tayo upang makasama natin Siya.
May mahalaga tayong papel na gagampanan sa pagtulong sa iba sa landas na iyon sa pamamagitan ng pagtulong natin sa kanila na tumupad sa kanilang mga tipan at maghanda na gumawa ng mga karagdagang tipan sa hinaharap.3 Paano ninyo matutulungan ang mga indibiduwal o pamilya na pinaglilingkuran ninyo na matanggap ang susunod na ordenansa na kinakailangan nila? Ito ay maaaring mangahulugan na ikaw ay tutulong sa isang ama na mabinyagan ang kaniyang anak, magpapaliwanag ng mga biyaya ng susunod na tipan na kinakailangang gawin, at magbabahagi ng mga paraan upang magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa muling paninibago ng ating mga tipan habang nakikibahagi sa sakramento.
Ideya 3: Pag-aanyaya at Panghihikayat
Kung naaangkop, makipagpayuhan sa mga pinangangalagaan ninyo tungkol sa kanilang pagbabalik-loob at pagsisikap na maging mas katulad ni Cristo. Ipaalam sa kanila ang kanilang mga kakayahan na nakikita at hinahangaan ninyo sa kanila. Alamin kung anong bahagi sa tingin nila ang maaari nilang mapagbuti at kausapin sila kung paano ka makatutulong. (Para sa karagdagang sanggunian sa pagpapayuhan kasama ang inyong pinaglilingkuran, tingnan ang “Sumangguni tungkol sa Kanilang Pangangailangan,” Liahona, Set. 2018, 6-9.)
Huwag matakot na imbitahin sila na sundin ang Tagapagligtas at pahintulutan Siya na tulungan silang maabot ang kanilang banal na potensiyal. Ang paanyayang ito ay maaaring makapagbago ng kanilang buhay, kapag sinamahan ng inyong pagpapahayag ng inyong tiwala sa kanila at pananampalataya sa Kaniya.
Anim na Paraan upang Makatulong Tayo sa Iba na Umunlad Tungo kay Cristo
Ang sumusunod ay mga mungkahi kung paano masusuportahan ang iba sa pagpapaunlad ng kanilang buhay at pag-usad sa landas ng tipan. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 11, para sa karagdagang mga ideya.)
-
Magbahagi. Maging totoo at matapang kapag nagbabahagi kung paano ka natulungan ng Tagapagligtas sa pagsubok mo na mas mapalapit sa Kaniya sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa kabila ng ilang mga pagkakamali.
-
Mangako ng mga pagpapala. Kailangan ng mga tao ng dahilan na magbago na mas nakahahalina kaysa sa mga dahilan na huwag magbago. Ang pagpapaliwanag ng mga pagpapala na kaakibat ng isang gawain ay maaaring magbigay ng malakas na panggaganyak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21).
-
Mag-anyaya. Ang pagsasabuhay ng isang alituntunin ng ebanghelyo na nagdadala ng patotoo na ito ay totoo (tingnan sa Juan 7:17) at humahantong sa mas malalim na pagbabalik-loob.4 Halos lahat ng interaksyon ay maaaring kabilangan ng isang simpleng paanyaya na gumawa ng isang bagay na makatutulong sa kanilang umunlad.
-
Sama-samang magplano. Ano ang kinakailangang mangyari upang matulungan silang matagumpay na tumupad sa kanilang pangako na magbago? Paano kayo makatutulong? Mayroon bang time line o mga bagay na may tamang pagkakasunud-sunod na nararapat gawin?
-
Suportahan. Kung makatutulong, magbuo ng isang grupo ng mga taong makatutulong sa indibiduwal na itong manatiling nagaganyak at magtagumpay. Lahat tayo ay nangangailangan ng taong susuporta sa atin.
-
Mangamusta. Palaging magbahagi ng progreso. Manatiling nakapokus sa plano ngunit maaaring baguhin ito kung kinakailangan. Maging matiisin, matiyaga, at magbigay ng lakas ng loob. Ang pagbabago ay maaaring mangailangan ng panahon.
Paanyayang Kumilos
Mag-isip ng mga paraan kung paanong ang inyong mga pagsisikap sa paglilingkod—kapwa malaki at maliit—ay makatutulong sa ibang mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob at maging mas katulad ng Tagapagligtas.
Ibahagi ang Inyong mga Karanasan
Ipadala sa amin ang inyong mga karanasan sa paglilingkod o sa pagtanggap ng paglilingkod mula sa ibang tao. Pumunta sa liahona.lds.org at pindutin ang “Magsumite ng Artikulo o Feedback.”