Ministering
Ipaalam na Ikaw ay Nagmamalasakit
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Ipaalam na Ikaw ay Nagmamalasakit

Maraming paraan na maipapakita natin ang ating malasakit, lalo na sa panahon ng Pasko. Masasabi, maite-text, maisusulat, maibibigay, maibabahagi, maipagdarasal, maibe-bake, makakanta, mayayakap, malalaro, maitatanim, o malilinis natin ito. Subukan lamang ito.

Liahona, Disyembre 2018

communicating you care

Ang pagpapakita ng pagmamahal sa iba ang pinakasentro ng ministering. Sinabi ng Relief Society General President na si Jean B. Bingham: “Ang tunay na ministering ay maisasakatuparan nang paisa-isa na ang pag-ibig ang motibo. … Kung pagmamahal ang ating motibo, may mga himalang mangyayari, at makahahanap tayo ng mga paraan para ibalik ang ating “nawawalang” mga kapatid sa sama-samang pagyakap ng ebanghelyo ni Jesucristo.”1

Ang ipaalam ang ating pagmamalasakit sa iba ay isang mahalagang elemento ng pagbuo ng personal na mga relasyon. Ngunit nakukuha ng iba’t ibang tao ang mensaheng ito sa iba’t ibang paraan. Kaya paano natin maipapakita sa wastong paraan ang ating pagmamahal sa ibang tao sa paraan na maiintindihan at mapahahalagahan nila? Narito ang ilang paraan na maipapaalam natin na nagmamalasakit tayo, kabilang ang ilang mga ideya upang matulungan kayo na mag-isip sa sarili ninyo.

Sabihin Ito

Minsan walang kapalit ang pagsisiwalat ng nararamdaman ninyo sa isang tao. Bagamat maaaring mangahulugan ito ng pagsasabi sa isang tao na mahal mo siya, kabilang din dito ang pagbabahagi ng mga hinahangaan mo sa kanila o pagbibigay ng taos na papuri. Ang ganitong uri ng paninindigan ay tumutulong sa pagpapalakas ng mga relasyon. (Tingnan sa Mga Taga Efeso 4:29.)

  • Maghanap ng pagkakataon na ipaalam sa tao kung gaano ninyo hinahangaan ang isa sa kanyang mga kalakasan.

  • Bumisita, tumawag, o magpadala ng email, text, o kard na nagsasabi sa isang tao na iniisip ninyo siya.

Bumisita

Ang paglalaan ng oras upang kausapin o makinig sa isang tao ay isang mabisang paraan upang ipakita kung gaano ninyo siya pinahahalagahan. Sa tahanan, simbahan, o saanman, maraming mga tao ang nangangailangan ng makakausap. (Tingnan sa Mosias 4:26; D at T 20:47.)

  • Ayon sa mga pangangailangan ng isang tao, mag-iskedyul ng pagbisita. Maglaan ng oras upang tunay na makinig at intindihin ang mga pinagdaraanan niya.

  • Sa lugar kung saan mahirap bumisita sa mga tahanan dahil sa layo, pamantayan sa kultura, o iba pang kalagayan, pag-isipang magkaroon ng oras na magsama-sama pagkatapos ng mga miting sa Simbahan.

Maglingkod nang may Layunin

Pag-isipan ang mga pangangailangan ng indibiduwal o pamilya. Ang pagbibigay ng makabuluhang serbisyo ay nagpapahayag ng inyong pagkalinga. Pinagsasama nito ang mahahalagang kaloob na panahon at masusing pagsisikap. “Ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba,” sabi ni Sister Bingham.2

  • Mag-alok ng serbisyo na nagpapalakas sa mga indibiduwal o kanilang mga pamilya, tulad ng pag-aalaga sa mga bata upang makapunta ang mga magulang sa templo.

  • Maghanap ng paraan upang pagaanin ang mga pasanin kapag naging mahirap ang buhay, tulad ng paglilinis ng mga bintana, pagpapalakad sa aso, o pagtulong sa bakuran.

Gumawa nang Magkasama

May mga taong hindi kumukonekta sa pamamagitan ng malalalim na usapan. Para sa ibang tao, ang koneksyon ay nagagawa sa pamamagitan ng paghahanap ng magkaparehong interes at magkasamang paggawa ng mga ito. Hinimok tayo ng Panginoon na “makapiling at palakasin” (D at T 20:53) ang ating mga kapatid.

  • Magkasamang maglakad, magplano ng paglalaro sa gabi, o mag-iskedyul ng oras na magkasamang mag-ehersisyo.

  • Magkasamang maglingkod sa isang proyekto ng komunidad o Simbahan.

Magbigay ng Regalo

Minsan ang oras o pagkakataon na makipag-ugnayan ay limitado. Sa maraming kultura, ang pagbibigay ng regalo ay tanda ng malasakit at pakikiramay. Kahit ang minsanang, simpleng regalo ay makapagpapakita ng interes ninyo na makabuo ng mas magandang relasyon. (Tingnan sa Mga Kawikaan 21:14.)

  • Yayain silang kumain ng paborito nilang pagkain.

  • Magbahagi ng quote o sipi, talata ng banal na kasulatan, o iba pang mensaheng sa tingin ninyo ay makatutulong sa kanila.

Isang Gawain ng Pagmamahal

Habang nakikilala ninyo ang mga iminiminister ninyo at mga taong inihihingi ninyo ng inspirasyon, malalaman ninyo kung paano mas tiyak na maipaparamdam sa bawat isa ang inyong pagmamahal at pangangalaga.

Si Kimberly Seyboldt ng Oregon, USA, ay nagkuwento tungkol sa paghingi ng inspirasyon at pagbibigay ng mga regalo upang magpakita ng pagmamahal:

“Kapag nararanasan ko ang hirap ng buhay, gumagawa ako ng zucchini bread, madalas mga walong tinapay. Ang espesyal na sangkap ko ay ang tahimik na panalanging inaalay ko habang gumagawa ako ng tinapay upang malaman ko kung sino ang mga nangangailangan ng mga tinapay na iyon. Mas nakilala ko ang mga kapitbahay ko habang ang mainit na zucchini bread ang naging paanyaya sa akin sa kanilang mga bahay at buhay.

“Isang maalinsangan na araw sa tag-init, tumigil ako sa tabi ng isang pamilyang nagbebenta ng mga blackberry sa gilid ng kalsada. Hindi ko kinakailangan ng dagdag pang mga blackberry, ngunit ang bata at payat na batang lalaki ay masaya na makita ako, iniisip na ako ang susunod na mamimili niya. Bumili ako ng ilang blackberry, ngunit may regalo rin ako para sa kanya. Binigyan ko ang bata ng dalawang pirasong tinapay. Tumingin siya sa kanyang ama upang humingi ng pahintulot na kunin ito, at sinabing, ‘Tingnan ninyo, Itay, ngayon may pagkain na tayo.’ Napuno ako ng pasasalamat sa pagkakataon na maipakita ang pagmamahal sa isang simpleng paraan.

Ipinakiusap ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “ang bawat lalaki at babae—at ang ating mga nakatatandang young men at young women—ay [magiging may] … mas malalim na pangako na taos-pusong pangalagaan ang bawat isa, ginaganyak ng dalisay na pag-ibig ni Cristo na gawin ito. … Nawa’y gumawa tayo na kasama ang Panginoon ng ubasan, na tinutulungan ang ating Diyos at Ama sa mabigat na gawain Niya ng pagsagot sa mga panalangin, pagbibigay ng alo, pagpapatuyo ng mga luha, at pagpapalakas ng mga nanghihina.”3

Si Jesucristo ay Nagmamalasakit

Bago binuhay ni Jesucristo si Lazarus mula sa kamatayan, “tumangis si Jesus.

“Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pag-ibig niya sa kaniya!” (Juan 11:35–36).

“Ako ay nahahabag sa inyo,” sabi ni Cristo sa mga Nephita. Pagkatapos ay tinawag niya ang mga may karamdaman at mga nahihirapan, ang mga lumpo at bulag, at “pinagaling niya ang bawat isa sa kanila” (tingnan sa 3 Nephi 17:7–9).

Nagpakita ang Tagapagligtas ng halimbawa sa atin sa pangangalaga o pagmamalasakit Niya sa iba. Itinuro Niya sa atin:

“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37–39).

Sino ang nangangailangan ng inyong pagmamalasakit? Paano ninyo maipapakita sa kanila ang inyong pagmamalasakit?

Mga Tala

  1. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 106.

  2. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” 104.

  3. Jeffrey R. Holland, “Makapiling at Palakasin Sila,” Liahona, Mayo 2018, 103