Mga Alituntunin ng Ministering
Sumangguni tungkol sa Kanilang mga Pangangailangan
Hindi mo kailangang gawin itong mag-isa. Makakatulong ang pagsangguni para matulungan mo ang iba.
Liahona, Setyembre 2018
Inanyayahan ka ng Diyos na maglingkod sa isang indibiduwal o pamilya sa inyong ward o branch ayon sa kanilang mga pangangailangan. Paano mo aalamin ang mga pangangailangang iyon? Ang alituntunin ng pagsasanggunian, na lubhang pinagtutuunan sa Simbahan, ang susi.
Matapos talakayin ang maaari nating ituring na pagsasanggunian, susuriin natin ang:
-
Pagsangguni sa Ama sa Langit.
-
Pagsangguni sa nakaatas na indibiduwal at pamilya.
-
Pagsangguni sa ating kompanyon.
-
At pagsangguni sa iba pang inatasan rin sa indibiduwal o pamilyang iyon.
Mahalaga ring sumangguni sa ating mga lider. Susuriin sa isang artikulo sa Mga Alituntunin ng Ministering sa Liahona sa hinaharap ang pagsangguni sa mga lider pati na ang papel na ginagampanan ng mga interbyu sa ministering sa prosesong iyan.
Ang Isinasangguni Natin
Ang pag-unawa sa mga pangangailangan ay mahalaga sa ministering sa isa’t isa. Pero ano kayang uri ng mga pangangailangan iyon, at may iba pa ba tayong dapat alamin maliban sa mga pangangailangan?
Maraming uri ng pangangailangan. Ang ating mga pinaglilingkuran ay maaaring may mga hamong emosyonal, pinansyal, pisikal, edukasyonal, at iba pa. May ilang pangangailangan na mas dapat unahin kaysa iba. Makakaya nating tumulong sa ilan; sa iba naman ay maaari nating kailanganing humingi ng tulong sa iba. Sa pagsisikap nating matugunan ang mga temporal na pangangailangan, huwag kalimutan na kasama sa ating tawag na maglingkod ang pagtulong sa iba na sumulong sa landas ng tipan, sa paghahanda at pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa kadakilaan.
Bukod pa sa pagpapayo tungkol sa pangangailangan ng isang indibiduwal o pamilya, hangarin nating malaman ang kanilang mga kalakasan. Sa anong mga bagay sila hindi nangangailangan ng tulong? Ano ang mga kakayahan at kaloob nila na maaaring magpala sa iba? Paano sila angkop na partikular na tumulong sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos? Ang mga kalakasan ng isang tao ay maaaring mahalaga ring maunawaan na katulad ng kanyang mga pangangailangan.
-
Pagsangguni sa Ama sa Langit
Ang isa sa mga pangunahing doktrina ng ating pananampalataya ay na nangungusap ang Ama sa Langit sa Kanyang mga anak (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Kapag tumanggap tayo ng bagong tungkulin na maglingkod sa isang tao, dapat tayong humingi ng payo sa Ama sa Langit sa panalangin, na naghahangad ng kaalaman at pag-unawa sa kanilang mga pangangailangan at kalakasan. Dapat magpatuloy ang prosesong iyon ng paghingi ng payo sa pamamagitan ng panalangin sa buong ministering natin.
-
Pagsangguni sa mga Indibiduwal at Pamilya
Maaaring mag-iba-iba kung paano at kailan natin lalapitan ang mga indibiduwal at pamilyang pinaglilingkuran natin depende sa sitwasyon, ngunit ang tuwirang pagpapayo sa indibiduwal o pamilya ay mahalaga sa pagpapatatag ng relasyon at pag-unawa sa kanilang mga pangangailangan, pati na kung paano nila gustong matulungan. Dapat mo sigurong ipagpaliban ang pagtatanong ng ilang bagay hanggang sa magkaroon kayo ng makabuluhang relasyon. Samantalang wala namang iisang tamang paraan para magawa iyan, isipin ang mga sumusunod:
-
Alamin kung paano at kailan nila gustong magpakontak.
-
Alamin ang kanilang mga interes at pinagmulan.
-
Magpunta nang may mga mungkahi kung paano ka makakatulong, at hingan sila ng mga mungkahi.
Habang kinukuha natin ang kanilang mga loob, isiping pag-usapan ang mga pangangailangan ng indibiduwal o pamilya. Magtanong ayon sa pahiwatig ng Espiritu Santo.1 Halimbawa:
-
Ano ang mga hamon na kinakaharap nila?
-
Ano ang mga mithiin nila o ng kanilang pamilya? Halimbawa, gusto ba nilang maging mas mahusay sa pagdaraos ng regular na family home evening, o mas makaasa sa sarili?
-
Paano natin sila matutulungan sa kanilang mga mithiin at hamon?
-
Anong mga ordenansa ng ebanghelyo ay dumarating sa kanilang buhay? Paano natin sila matutulungang maghanda?
Alalahaning mag-alok ng partikular na tulong, tulad ng, “Kailan kami makakapaghatid ng hapunan sa inyo sa linggong ito?” Ang isang malabong alok, gaya ng, “Sabihin lang ninyo kung may maitutulong kami,” ay hindi talaga nakakatulong.
-
-
Pagsangguni sa Ating Kompanyon
Dahil maaaring hindi kayo palaging magkasama ng iyong kompanyon kapag nakipag-ugnayan kayo sa indibiduwal o pamilya, mahalagang mag-ugnayan at magsanggunian habang naghahangad kayo ng inspirasyon bilang magkompanyon. Narito ang ilang ideyang isasaalang-alang.
-
Paano at gaano kadalas kayo mag-uusap bilang magkompanyon?
-
Paano magagamit ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kalakasan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng pamilya o indibiduwal?
-
Ano ang mga natutuhan ninyo, ano ang naging mga karanasan ninyo, at anong mga pahiwatig ang natanggap ninyo mula nang huli kayong magsalita tungkol sa indibiduwal o pamilya?
-
-
Pagsangguni sa Iba pang Inatasan
Makakabuti sigurong kausapin paminsan-minsan ang iba pang inatasang maglingkod sa indibiduwal o pamilyang pinaglilingkuran ninyo.
Mag-usap para Malutas ang mga Hamon
Inangkop ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu ang isang salaysay mula sa Marcos 2 sa ating panahon para ilarawan kung paano nakatulong sa apat na tao ang pagsasanggunian para malaman kung paano papayagang makalapit ang isang lalaking lumpo kay Jesus.
“Parang ganito iyan,” sabi ni Elder Wong. “Apat na katao ang ginagawa ang iniutos ng kanilang bishop na bisitahin ang isang lalaking lumpo sa tahanan nito. … Sa pinakahuling ward council, matapos pag-usapan ang mga pangangailangan sa ward, sinabi ng bishop kung sino ang mga ‘sasagipin.’ Naatasan ang apat na ito na tulungan ang lalaking lumpo. …
“[Pagdating nila sa gusaling kinaroroonan ni Jesus,] maraming tao sa silid. Hindi sila makapasok sa pintuan. Tiyak ko na sinubukan nila ang lahat ng bagay na naisip nila, pero hindi talaga sila makapasok. … Pinag-usapan nila kung ano ang susunod na gagawin—kung paano nila dadalhin ang lalaki kay Jesucristo para mapagaling. … Nagkasundo sila sa gagawin—hindi ito madali, pero ginawa nila.
“… ‘Binakbak [nila] ang bubungan ng kaniyang kinaroroonan: at nang yao’y kanilang masira, ay inihugos nila ang higaang kinahihigan ng lumpo’ (Marcos 2:4). …
“… ‘At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya ay sinabi sa lumpo, Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan’ (Marcos 2:5).”2
Paanyayang Kumilos
Hinimok ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Payuhan ang isa’t isa, gamitin ang lahat ng makukuhang tulong, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo, hingin ang pagsang-ayon ng Panginoon, at ihanda ang sarili at kumilos.
“Ipinapangako ko sa inyo na kung tutularan ninyo ang paraang ito, kayo ay makatatanggap ng gabay o patnubay sa kung sino ang tutulungan, ano ang itutulong, kailan, at saan tutulong sa paraan ng Panginoon.”3