Ministering
Ministering sa pamamagitan ng Sacrament Meeting
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering sa pamamagitan ng Sacrament Meeting

Ang sacrament meeting ay nagbibigay ng pagkakataon na makipag-ugnayan at maglingkod sa iba.

people seated in a heart shape

Mga paglalarawan ni Edward McGowan

Ang sacrament meeting ay oras para sa espirituwal na paglago at personal na pagmumuni tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sa pagtanggap natin sa sakramento bawat linggo, tayo ay sama-samang napapabanal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:110). Ngunit ang ilan sa mga miyembro ng ating mga ward at branch ay may mabibigat na pasanin o maaaring hindi dumadalo.

Narito ang ilang mga pagkakataon kung paano natin gagamitin ang sagradong oras na iyon upang maglingkod sa iba at gumawa ng kaibhan sa kanilang buhay.

Tumulong na Gawing Mas Mabuti ang Sacrament Meeting para sa mga Pinaglilingkuran Mo

Ang unang hakbang sa ministering ay ang pagkilala sa mga indibiduwal o pamilya at pagtukoy sa kanilang mga pangangailangan. Ang isang paraan na makatutulong ka na gawing mas mabuti ang karanasan nila sa sacrament meeting ay sa pamamagitan lamang ng pag-alam pa tungkol sa kanila.

Para kay Mindy, isang bata pang ina ng kambal na bata, ang simpleng pagsisikap ng kanyang ministering sister ay may malaking kaibhan na idinulot sa karanasan niya sa sacrament meeting kada linggo.

“Dahil sa iskedyul ng trabaho ng asawa ko, dinadala ko ang aming kambal na anak na babae sa Simbahan nang mag-isa tuwing Linggo,” paliwanag ni Mindy. “Talagang napakahirap dumalo sa buong sacrament meeting nang may kasamang dalawang makulit na maliliit na bata, pero inako ng aking ministering sister sa kanyang sarili ang pagtulong sa akin.

“Umuupo siya sa tabi namin at inaalagaan ang aking mga anak na babae bawat linggo. Ang pagtabi niya sa akin ay malaking tulong talaga at binabawasan nito ang pagka-aburido ko sa mga pagkakataong may sumpong o malikot sila. Sa tingin ko hindi niya malalaman kung gaano kalaki ang epekto ng kanyang mga kilos sa panahong ito ng buhay ko. Nakita niya ang aking pangangailangan bilang isang bata pang ina, at puno ng pangamba, at tinutulungan niyang gawing mapayapa at masayang lugar ang simbahan para sa aming lahat.”

Mga Ideya sa Pagtulong sa mga Taong may Partikular na Pangangailangan

  • Sumangguni sa mga lider ng elders quorum at ng Relief Society tungkol sa mga pangangailangan ng mga miyembro.

  • Nagpaplano ang mga lider ng mga mensahe sa sacrament na tutulong sa pagtugon sa pangangailangan ng mga miyembro. Kung may mensahe na makakabuti sa iyong pinaglilingkuran, ibahagi ang iyong ideya sa mga lider.

  • Kung may kakilala ka na may kapansanan o allergy sa pagkain na pumipigil sa kanila sa pagtanggap ng mga biyaya ng sakramento, tanungin sila tungkol sa mga detalye at mga maaaring gawin upang mas mapabuti ang kanilang karanasan sa pagsamba. Ibahagi ang impormasyong ito sa iyong mga lider.1

  • Kung mayroon kang pinaglilingkuran o may kakilala ka na hindi makalabas ng bahay, permanente man ito o panandalian lamang, tanungin ang iyong bishop kung maaari silang mabigyan ng sakramento sa kanilang tahanan. Maaari ka ring magtala ng mga sinasabi sa sacrament meeting at ibahagi ang mga ito sa pamamagitan ng telepono, email, o personal na pagbisita.

  • Kung mayroon kang pinaglilingkuran na may maliliit pang anak, maaari kang mag-alok ng tulong sa kanila sa sacrament meeting.

  • Kung ang mga pinaglilingkuran mo ay hindi madalas pumunta sa sacrament meeting, subukan silang intindihin at mag-isip ng mga paraan kung paano ka makatutulong. Kung kailangan nila ng transportasyon, maaari kang mag-alok na ihatid sila. Kung pakiramdam nila ay hindi sila suportado ng kanilang pamilya, maaari mo silang anyayahan na tumabi sa iyo. Maaari kang gumawa ng espesyal na mga imbitasyon upang matulungan silang maramdaman na tanggap sila at nais ng iba pa na dumalo sila sa sacrament meeting.

people sitting together

Tandaan, Malayo ang Mararating ng mga Simpleng Paglilingkod

Sa pagsasalita tungkol sa ministering, itinuro ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President, “Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang ‘maituring’ ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili.”2

Sa isang maliit na ward sa Belgium, nag-aalok si Evita na maging interpreter o magsaling-wika para sa mga bisita o miyembro na nagsasalita ng Espanyol sa mga miting ng Simbahan. Isang beses, si Evita ay ipinakilala sa isang taong mula sa Dominican Republic na nag-aaral tungkol sa Simbahan. Kaunti lang ang alam niyang Ingles, pero Espanyol ang wikang kinagisnan niya. Kaya nag-alok si Evita na tahimik na magsalin sa kanyang wika sa oras ng sacrament meeting upang maging mas komportable siya.

“Minsan mas nagiging abala ang aking Sabbath dahil sa pag-interpret o pagsasaling-wika,” sabi ni Evita. “Pero ang pagsunod sa mga pahiwatig na magtanong sa iba kung kailangan nila ng taong maaaring mag-interpret para sa kanila ay talagang nagdudulot sa akin ng kaligayahan dahil sa kaalaman na natutulungan ko silang maramdaman ang Espiritu at magalak sa kanilang mga miting.”

Mga Ideya sa Pagtulong sa pamamagitan ng mga Simpleng Paglilingkod

  • Makipag-usap sa iyong mga lider upang malaman kung sino ang maaaring mangailangan ng kaunting paglilingkod sa sacrament meeting o kung may kakilala kang ganito ang sitwasyon, siguraduhing ipaalam ito sa mga lider.

  • Maupo nang tahimik habang naghihintay na magsimula ang miting. Ito ay makakatulong sa “iba pang bagbag na puso at nagdurusang espiritu na nakapaligid sa atin”3 na nangangailangan ng kapayapaan na dumarating sa pamamagitan ng pagpipitagan sa banal na lugar.

  • Sa Linggo ng pag-aayuno, isaalang-alang na ilaan ang iyong pag-aayuno at panalangin para sa isa sa mga pinaglilingkuran mo na maaaring nangangailangan ng karagdagang kapanatagan.

  • Magdasal upang malaman kung may taong makikinabang sa iyong pagtabi o pag-upo nang malapit sa kanya sa sacrament meeting o kung may iba pang paraan na makakatulong ka.

Ang Sacrament Meeting ay Maaaring Maging Isang Lugar na Tanggap ang Lahat

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), “Ang sacrament meeting ay ang pinakasagrado, pinakabanal, sa lahat ng pulong ng Simbahan.”4 Kung kaya’t mahalaga na masiguro na nadarama ng lahat ng dumadalo sa sacrament meeting na sila ay tanggap at napapakain sa espirituwal na paraan—lalo na ang mga bagong miyembro o mga miyembro na matagal nang hindi dumadalo.

Kinaibigan ni Merania mula sa New South Wales, Australia, ang isang babaeng nag-aaral tungkol sa Simbahan sa kanyang ward. “Siya ay isa na sa mga matalik kong kaibigan ngayon,” sabi ni Merania. “Gustung-gusto kong tinatabihan siya sa sacrament meeting bawat linggo, at lagi kong tinatanong kung kumusta na siya o kung may maitutulong ako sa kanya.” Makalipas ang ilang panahon, nabinyagan ang kaibigan ni Merania. Ang pagsisikap ng mga miyembro sa ward, gayundin ang pakiramdam na tanggap ang lahat sa sacrament meeting, ay may malaking papel na ginampanan sa kanyang desisyon.

Mga Ideya sa Pagminister sa mga Muling Bumabalik o Bagong Miyembro

  • Kapag magsasalita ka sa sacrament meeting, maaari mong imbitahan ang iyong mga kaibigan, pamilya, at iba pa na pumunta at makinig sa iyong mensahe.

  • Maaari mong hanapin at batiin ang mga taong mag-isa o maaaring nangangailangan ng tulong. Tanungin kung maaari kang tumabi sa kanila o anyayahan sila na tumabi sa iyo.

  • Kapag natapos na ang miting, maaari mong anyayahan ang mga pinaglilingkuran mo at ang iba pa sa mga magaganap na aktibidad sa Simbahan, sa templo, o sa isang aktibidad na para sa pakikisalamuha.

  • Kung may pinaglilingkuran ka na medyo matagal nang hindi dumadalo sa sacrament meeting, tanungin sila kung may mga tanong sila tungkol sa itinuro sa kanila. Sabihin sa kanila na maaari silang lumapit sa iyo kung may salita, kuwento, o bahagi ng doktrina na hindi nila naintindihan. Maaari ninyong hanapin ang sagot nang magkasama kung kailangan.

Mga Tala

  1. Isiping basahin ang “4 na Paraan para Mapaglingkuran ang mga Pamilyang May mga Kapansanan” (digital lamang na artikulo), Liahona, Hunyo 2018; o “Pangangasiwa sa mga Allergy sa Pagkain sa Simbahan” sa isyung ito sa pahina 22.

  2. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104.

  3. Jeffrey R. Holland, “Narito, ang Cordero ng Dios,” Liahona, Mayo 2019, 46.

  4. Joseph Fielding Smith, sa Conference Report, Okt. 1929, 60–61.