Ministering
Limang Bagay na Ginagawa ng Mabubuting Tagapakinig
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Paglilingkod

Limang Bagay na Ginagawa ng Mabubuting Tagapakinig

Matutulungan ka ng tunay na pakikinig na malaman kung paano tugunan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan ng iba gaya ng nais ng Tagapagligtas.

Liahona, Hunyo 2018

Five Things Good Listeners Do
Five Things Good Listeners Do 2
two women talking

Larawang kuha mula sa Getty Images

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Marahil ay higit na mahalaga kaysa sa pagsasalita ang pakikinig. … Kung makikinig tayo nang may pagmamahal, hindi na natin iisipin kung ano ang sasabihin. Ibibigay ito sa atin—ng Espiritu.”1

Ang pakikinig ay isang skill o kasanayan na maaari nating pag-aralan. Ipinakikita ng pakikinig ang ating pagmamahal sa iba, tumutulong sa pagbuo ng malalakas na ugnayan, at inaanyayahan ang Espiritu na biyayaan tayo ng kaloob na makahiwatig upang matulungan tayong maunawaan ang mga pangangailangan ng iba.2 Narito ang limang paraan na maaari nating pagbutihin ang paraan ng ating pakikinig.

1. Bigyan Sila ng Panahon

Maraming tao ang kailangan ng oras para maisip ang gusto nilang sabihin. Bigyan sila ng panahon na mag-isip kapwa bago at pagkatapos nilang sabihin ang isang bagay (tingnan sa Santiago 1:19). Hindi dahil sa natapos na sila sa pagsasalita ay nasabi na nila ang lahat ng kailangan nilang sabihin. Huwag matakot sa katahimikan (tingnan sa Job 2:11–3:1 at Alma 18:14–16).

2. Pagtuunan ng Pansin

Mas mabilis tayong mag-isip kaysa sa pagsasalita ng iba. Labanan ang tukso na isiping alam na natin ang sasabihin o isipin agad ang sasabihin mo kapag natapos na sila (tingnan sa Mga Kawikaan 18:13). Sa halip, makinig nang may hangaring makaunawa. Mas magiging maganda ang sagot o tugon mo dahil mababatay ito sa malawak na pang-unawa.

3. Linawin

Huwag matakot na magtanong para linawin ang isang bagay na hindi mo naunawaan (tingnan sa Marcos 9:32). Ang paglilinaw ay nakababawas sa hindi pagkakaunawaan at nagpapakita ng iyong interes sa sinasabi ng tao.

4. Magnilay-nilay

Ulitin sa ibang salita ang narinig mo at kung paano mo nauunawaan ang damdamin ng iba. Tumutulong ito na malaman nila kung naunawaan sila at nagbibigay sa kanila ng pagkakataong magbigay-linaw.

5. Hanapin ang Magkatulad na Ideya Ninyo

Maaaring hindi ka sang-ayon sa lahat ng sinabi, ngunit sumang-ayon sa bagay na maaari mong sang-ayunan nang hindi nagbibigay ng maling palagay tungkol sa sarili mong damdamin. Ang pagsang-ayon ay makakatulong para maibsan ang pagkataranta at pagiging depensibo (tingnan sa Mateo 5:25).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na dapat tayong “matutong makinig, at makinig para matuto sa isa’t isa.”3 Sa pakikinig mo na ang layon ay malaman ang tungkol sa iba, ikaw ay malalagay sa mas magandang katayuan na maunawaan ang kanilang mga pangangailangan at marinig ang mga paramdam kung paano mo mapapangalagaan ang ibang taong nasa paligid mo gaya ng gagawin ng Tagapagligtas.

Ang Pakikinig ay Pagmamahal

family laughing

Isang kuwento mula kay Elder Holland ang naglalarawan sa bisa ng pakikinig:

“Dahan-dahang inilabas ng kaibigan kong si Troy Russell ang kanyang pickup truck mula sa kanyang garahe … Nadama niyang may nagulungan ang hulihang gulong niya. … Lumabas siya para lang makita ang kanyang pinakamamahal na siyam-na-taong gulang na anak, si Austen, na nakadapa sa semento … Wala na si Austen.

“Hindi makatulog at hindi mapanatag, hindi maalo si Troy. … Subalit sa panahong iyon ng matinding pagdurusa ay dumating … si John Manning.

“Hindi ko alam kung kailan bumisita si John at ang kanyang junior companion sa tahanan ng mga Russell. … Ang alam ko lang ay na noong huling tagsibol, tinulungan ni Brother Manning si Troy Russell na makabangon mula sa trahedyang naganap sa garaheng iyon na parang binubuhat din niya ang maliit na si Austen. Tulad ng dapat gawin ng … kapatid sa ebanghelyo, pinangalagaan at pinagmalasakitan ni John si Troy Russell. Nagsimula siya sa pagsasabing, ‘Troy, gusto ni Austen na magpatuloy ka sa buhay—pati sa paglalaro ng basketball—kaya pupunta ako rito tuwing alas-5:15 n.u. Maghanda ka. …’

“‘Ayokong pumunta,’ sinabi sa akin kalaunan ni Troy, ‘dahil palagi kong isinasama si Austen. … Pero nagpumilit si John, kaya pumunta ako. Simula noong unang araw na iyon, nag-usap kami—o …ako ang nagsalita at nakinig si John. … Noong una ay mahirap, ngunit nadama ko sa paglipas ng panahon na nanumbalik ang aking lakas dahil [kay John Manning, na] minahal ako at nakinig sa akin hanggang sa sumikat muli ang araw sa aking buhay.’”4

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Mga Saksi sa Akin,” Liahona, Hulyo 2001, 16.

  2. Tingnan sa David A. Bednar, sa “Panel Discussion” (pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, Nob. 2010), broadcasts.lds.org.

  3. Russell M. Nelson, “Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 23.

  4. Jeffrey R. Holland, “Mga Sugo sa Simbahan,” Liahona, Nob. 2016, 66–67.