Mga Alituntunin ng Ministering
Ang Itinuturo sa Atin ng Kuwento ng Pasko Tungkol sa Ministering
“Ang panahong kinagigiliwan, Pasko na ating inaabangan. Pagsilang ni Jesus ay ik’wento, nang, bilang sanggol, ay pumarito” (“Awit ng Kapanganakan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 32).
Liahona, Disyembre 2019
Ang Kapaskuhan ay isang masayang panahon kung kailan ang mga tupa, pastol, sabsaban, at bituin ay nagkakaroon ng bagong kahulugan. Nagiging mahalaga ang papel nila sa muling pagkukuwento ng isa sa pinakamamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng sangkatauhan: ang pagsilang ni Jesucristo. Maraming pamilya ang nagdidispley ng belen sa kanilang tahanan. Sinisiguro naman ng iba pa na mabasa ang kuwento ng Kanyang pagsilang o lumahok sa isang pageant. Tulad ng lahat ng kuwento tungkol kay Cristo, ang kuwento ng Kanyang pagsilang ay puno ng mga aral na matututuhan natin tungkol sa ministering, tungkol sa pagbabahagi ng Kanyang liwanag para maging ilaw ng sanglibutan. “Ang kuwento ng Pasko ay kuwento ng pag-ibig,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.
“… Sa mga kuwento ng pagsilang ni Cristo, makikita at madarama natin kung sino Siya noon at ngayon. Nagpapagaan iyan sa ating pasanin sa ating paglalakbay. At aakayin tayo nito na kalimutan ang ating sarili at pagaanin ang pasanin ng iba.”1
“Wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan” (Lucas 2:7)
Hindi nabigyan ng puwang ng katiwala sa bahay-tuluyan ang Tagapagligtas, ngunit hindi natin kailangang gawin ang pagkakamaling iyan! Mabibigyan natin ng puwang ang Tagapagligtas sa ating puso sa pamamagitan ng pagbibigay ng puwang sa ating mga kapatid sa ating hapag kainan, sa ating tahanan, at sa ating mga tradisyon. Maraming tradisyon ng pamilya ang mas mapapatamis at mas di-malilimutan kapag isinasama ang ibang mga tao. Tradisyon na ni Daiana at ng kanyang pamilya na mag-imbita ng isang tao para gugulin ang Pasko sa piling nila. Tuwing Disyembre, nag-uusap-usap at nagpapasiya sila kung sino ang gusto nilang imbitahan.2 Siguro maaaring simulan ng inyong pamilya ang isang tradisyong tulad nito. Marahil ay gugustuhin ng isang taong pinaglilingkuran ninyo na sumama sa inyong pamilya sa pagkanta ng mga pamaskong awitin. Maaari din kayong magbigay ng puwang sa inyong Pamaskong hapunan para sa isang taong maaaring walang kapamilya sa lugar.
Ano ang mas mainam na paraan para maipagdiwang ang Tagapagligtas kaysa sundan ang Kanyang halimbawa na magsama ng ibang tao? Tandaan na inaanyayahan Niya ang “lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil” (2 Nephi 26:33). Magbigay ng puwang at magsama ng iba.
“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan” (Lucas 2:8)
Tila angkop na makasama ang mga pastol sa mga unang bumati sa sanggol na Tagapagligtas. Tinukoy ng mga propeta noong unang panahon si Jesucristo na “pastor ng Israel” (Awit 80:1) at “Pastol sa buong mundo” (1 Nephi 13:41). At sinabi ni Cristo mismo, “Ako ang mabuting pastor, at nakikilala ko ang [aking mga tupa]” (Juan 10:14). Ang pagkilala sa ating mga tupa at pagbabantay ay mahalagang bahagi ng paggabay at pagmiministeryo na tulad ng Tagapagligtas.
Sa kumukutitap na mga ilaw at magagarbong dekorasyon, maraming makikita sa Kapaskuhan. Ngunit ang pinakamaganda marahil sa panahong ito ay matatagpuan kapag naaalala nating magtuon sa mga pinaglilingkuran natin at palaging bantayan ang sarili nating kawan. Ang pagbabantay ay maaaring pagpansin sa paboritong pagkain ng isang tao o pagtatanong kung ano ang mga plano ng isang tao para sa Pasko. Nagbabantay tayo kapag nakikita at natutugunan natin ang mga pangangailangan ng iba—kapwa ang halata at ang di-gaanong halata.
Nang biglang mamatay ang asawa ni Cheryl na si Mick, talagang nalungkot siya. Nang papalapit na ang unang Pasko niya na wala ang asawa, tumindi ang kalungkutan. Mabuti na lang at naroon ang ministering sister niyang si Shauna. Inimbitahan ni Shauna at ng asawa niyang si Jim si Cheryl sa maraming pamamasyal nila tuwing bakasyon. Napansin nila ang lumang jacket ni Cheryl at ipinasiya nilang palitan iyon. Ilang araw bago sumapit ang Pasko, ibinili nina Shauna at Jim si Cheryl ng isang Pamaskong regalo: isang magandang bagong jacket. Batid nila ang pisikal na pangangailangan ni Cheryl sa makapal na jacket ngunit batid din nila ang emosyonal na pangangailangan nitong mapanatag at makasama sila. Kumilos sila para matugunan ang mga pangangailangang iyon hangga’t kaya nila at nagpakita ng magandang halimbawa kung paano rin tayo maaaring manatiling nakabantay sa ating kawan.3
“Ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem” (Lucas 2:15)
Ang “magsiparoon nga tayo ngayon” ay isang masayang paanyaya! Hindi ipinalagay ng mga pastol na masyado nang pagod ang kanilang mga kaibigan para maglakbay. Hindi sila tahimik na tumuloy sa Betlehem na mag-isa. Masaya silang bumaling sa isa’t isa at sinabing, “Magsiparoon nga tayo ngayon!”
Hindi man natin maanyayahan ang ating mga kaibigan na sumama para makita ang sanggol na Tagapagligtas, maaari natin silang anyayahang damhin ang diwa ng Pasko (o ang diwa ni Cristo) sa pamamagitan ng paglilingkod na kasama natin. “Ang paraan upang maragdagan ang diwa ng Pasko ay bukas-palad na tumulong sa mga nakapaligid sa atin at ibigay ang ating sarili,” sabi ni Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President.4 Kunwari’y may hawak kayong kandila. Tiyak na nakikita at napapakinabangan ng iba ang liwanag mula sa inyong kandila, ngunit isipin ang init na nadarama nila kung gagamitin ninyo ang inyong kandila para sindihan ang kanilang kandila at hayaan silang hawakan mismo ang liwanag nito.
Itinuro ni Cristo mismo na ang mga sumusunod sa Kanya ay magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan (tingnan sa Juan 8:12). Ang paglilingkod na tulad Niya ay isang paraan na masusunod natin Siya at matatamasa ang ipinangakong liwanag na iyon. Kaya ibahagi ang liwanag sa pag-anyaya sa iba na maglingkod na kasama ninyo! Paano kayo magkasamang maglilingkod ng inyong mga pinaglilingkuran? Maaari kayong sama-samang maghanda ng inyong paboritong pagkain o kaya naman ay sorpresahin ang isang tao at bigyan siya ng munting regalo o munting liham. Magkasama ninyong madarama pareho ang liwanag na nagmumula sa pagsunod sa halimbawa ng paglilingkod ni Cristo.
“Inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito” (Lucas 2:17)
Madaling isipin ang masayang pagkasabik ng mga pastol nang ibahagi nila ang kamangha-manghang balita ng pagsilang ni Cristo sa maraming tao hangga’t kaya nila. Ibinalita ng mga anghel, dumating na ang ipinropesiyang Mesiyas! Naparito Siya! Sa katunayan, ang pagbabahagi ng mabuting balita ng Tagapagligtas ay isang malaking tema ng kuwento ng pagsilang ni Jesus. Umawit ang mga anghel. Itinuro ng bituin ang daan. At ipinaalam ito ng mga pastol sa ibang bansa.
Maidaragdag natin ang ating boses sa kuwento ng Pasko sa pagbabahagi ng mabuting balita at pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas. “Kapag mayroon kayong pribilehiyo na katawanin ang Tagapagligtas sa inyong mga pagsisikap na maglingkod sa ministering, tanungin ang inyong sarili, ‘Paano ko maibabahagi ang liwanag ng ebanghelyo sa tao o pamilyang ito?’” pagtuturo ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President. “Ano ang ipinadarama ng Espiritu na gawin ko?”5
Narito ang ilang mungkahing pag-iisipan ninyo sa pagsisikap na malaman kung paano ninyo maibabahagi ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo:
-
Maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan na nagsasaad ng inyong damdamin tungkol sa Tagapagligtas o nagpapahayag kung bakit kayo nagpapasalamat sa Kanya. Ibahagi ito sa mga pinaglilingkuran ninyo.
-
Magpadala ng text o mensahe sa social media na may video na Pamasko. May ilang kamangha-manghang mensaheng ganito sa ChurchofJesusChrist.org!
-
Ikuwento sa isang kaibigan ang isang espesyal na alaala o tradisyon na nagpapaalala sa inyo kay Cristo.
Manampalataya na patototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng inyong patotoo, tulad noong patotohanan Niya kina Simeon at Ana na ang sanggol na si Jesus ang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 2:26, 38).
“Para tunay na maigalang ang pagparito [ng Panginoon] sa mundo, kailangan nating gawin ang Kanyang ginawa at tumulong nang may habag at awa sa ating kapwa,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Magagawa natin ito araw-araw, sa salita at sa gawa. Gawin nating tradisyon sa Pasko, saanman tayo naroon—na maging mas mabait, mas mapagpatawad, di-gaanong mapanghusga, mas mapagpasalamat, at mas mapagbigay sa pagbabahagi ng ating kasaganaan sa mga nangangailangan.”6