Ministering
Paano Kayo Matutulungan (at Tutulungan) ng Espiritu Santo na Mag-minister
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Paano Kayo Matutulungan (at Tutulungan) ng Espiritu Santo na Magminister

Kabilang sa gawain ng priesthood na mag-minister, na ibinigay sa kalalakihan at kababaihan ay ang karapatang makatanggap ng paghahayag.

Liahona, Setyembre 2019

Ang tawag na mag-minister at maglingkod pati na rin ang magmahal tulad ng Tagapagligtas ay mahirap kung minsan—lalo na kapag kasama rito ang pagtulong sa mga taong hindi natin gaanong kilala. Sa napakaraming paraan para mag-minister, pinag-iisipan natin kung paano malaman ang pinakamagandang paraan na matutulungan ang mga itinalaga sa atin.

Hindi natin dapat pang pag-isipan ito nang matagal dahil ang tapat na mga pagsisikap natin ay magagabayan ng Espiritu Santo.

“Ang sagradong tungkulin ninyo sa ministering ay nagbibigay sa inyo ng banal na karapatan para sa inspirasyon,” sabi ni Sister Bonnie H. Cordon, Young Women General President. “Maaari ninyong hangarin ang inspirasyong iyon nang may tiwala.”1

Kapag hinangad nating maglingkod na tulad ng paglilingkod ng Tagapagligtas, magagabayan tayo ng Espiritu na gumabay din sa Kanya. Totoo ito lalo na kapag gumaganap ng tungkulin, tulad ng ministering, na ginagawa sa ilalim ng awtoridad ng mga susi ng priesthood na hawak ng bishop. Narito ang anim na mungkahi para mag-minister nang may patnubay ng Espiritu.

Paano Mapapasaakin ang Espiritu Kapag Nagmi-minister?

man praying and man running

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

  • Humingi ng Gabay. Nais ng Ama sa Langit na makipag-ugnayan tayo sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang naglalapit sa atin sa Kanya, kundi tinitiyak din nito “ang mga pagpapalang nais ipagkaloob ng Diyos, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap.”2 “Kapag nanalangin at nagsikap tayong unawain ang nilalaman ng kanilang puso,” sabi ni Sister Cordon, “pinatototohanan ko na gagabayan tayo ng Ama sa Langit at papatnubayan tayo ng Kanyang Espiritu.”3

  • Huwag Maghintay ng Pahiwatig. Magkusa. Maging “sabik sa paggawa” (Doktrina at mga Tipan 58:27), at makikita ninyo na magagabayan at mapapaigting ang inyong mga ginagawa. “Ang pagsulong sa ating paglilingkod at paggawa ay mahalagang paraan para maging karapat-dapat sa paghahayag,” sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Sa aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan napansin ko na karamihan sa paghahayag sa mga anak ng Diyos ay dumarating kapag sila ay kumilos, hindi habang sila ay nagpapahinga sa kanilang tirahan at naghihintay na sabihin sa kanila ng Panginoon ang unang hakbang na gagawin.”4

Paano Ko Madarama ang mga Pahiwatig na Mag-ministeryo?

lightbulb and woman diving
  • Sundin ang payo ni Mormon. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng oras sa kaiisip kung pahiwatig ba o hindi ang natanggap natin. Hindi natin kailangang gawin ito dahil nasa atin na ang madaling solusyong ibinigay ni Mormon para malaman ito: Kung may naisip ka na naghihikayat sa iyo na gumawa ng mabuti at maniwala o tulungan ang iba na maniwala kay Cristo, malalaman mo na ito ay sa Diyos (tingnan sa Moroni 7:16).

  • Huwag Mo Itong Alalahanin. “Basta tumulong lang kayo sa mga nangangailangan,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Puntahan ninyo ang mga nangangailangan. Huwag kayong urong-sulong sa kaiisip kung anong klaseng paglilingkod ang dapat ninyong ibigay. Kung susunod tayo sa mga pangunahing alituntuning naituro na, mananatiling nakaayon sa mga susi ng priesthood, at hahangarin ang paggabay ng Espiritu Santo, hindi tayo mabibigo.”5

Ano ang Pinakamainam na Paraan ng Pagsunod sa Pahiwatig?

fist and man climbing mountain
  • Kaagad. Si Sister Susan Bednar (asawa ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol) ay magandang halimbawa ng pagsunod sa mga pahiwatig. Matapos manalangin “na magkaroon siya ng espirituwal na mga mata para malaman kung sino ang mga nangangailangan,” nililibot niya ng tingin ang kongregasyon at kadalasang “[nadarama] ang espirituwal na [pahiwatig] na bisitahin o tawagan ang isang tao,” ang kuwento ni Elder Bednar. “At kapag nadarama iyon ni Sister Bednar, agad siyang tumutugon at sumusunod. Madalas mangyari na kasasabi pa lang ng ‘amen’ sa pangwakas na panalangin, kakausapin na niya o yayakapin ang isang miyembrong babae o, pag-uwi niya, agad siyang tatawag sa telepono.”6

  • Buong Tapang. Ang takot na matanggihan at pagiging mahiyain, kakulangan ng kakayahan, o kahirapan ng gagawin ay makakahadlang sa atin sa pagsunod sa pahiwatig na mag-minister. “Sa iba’t ibang panahon at paraan, nakadarama tayong lahat ng kakulangan, kawalan ng katiyakan, at marahil ng hindi pagiging karapat-dapat,” sabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Gayunman sa ating matapat na pagsisikap na mahalin ang Diyos at mag-minister sa ating kapwa, maaari nating madama ang pagmamahal ng Diyos at ang inspirasyong kailangan para sa kanila at sa ating buhay sa bago at mas banal na mga paraan.”7

    Isang brother sa Simbahan ang nagkuwento kung paano siya nagdalawang-isip na kausapin ang asawa ng isang babae na nagtangkang magpakamatay. Pero sa huli ay niyaya niyang mananghalian ang lalaki. “Nang sabihin kong, ‘Nagtangkang magpakamatay ang asawa mo. Mabigat siguro iyan para sa iyo. Gusto mo bang ikuwento ang tungkol dito?’ hayagan siyang tumangis,” ang kuwento niya. “Magiliw at matalik ang naging pag-uusap namin at ilang minuto lang ay naging malapit na kami at nagtiwala sa isa’t isa.”8

Mga Tala

  1. Bonnie H. Cordon, “Pagiging Isang Pastol,” Liahona, Nob 2018, 76.

  2. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin.”

  3. Bonnie H. Cordon, “Pagiging Isang Pastol,” 76.

  4. Dallin H. Oaks, “Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 24.

  5. Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 77.

  6. David A. Bednar, “Mabilis Magmasid,” Liahona, Dis. 2006, 17.

  7. Gerrit W. Gong, “Ang Ating Siga ng Pananampalataya,” Liahona, Nob 2018, 42.

  8. Tingnan sa Bonnie H. Cordon, Pagiging Isang Pastol, 76.