Mga Alituntunin ng Ministering
Ministering sa Pamamagitan ng Pangkalahatang Kumperensya
Sa lahat ng nakasisiglang mga sipi, tradisyon ng pamilya, at turo mula sa mga lingkod ng Panginoon, ang pangkalahatang kumperensya ay nagbibigay sa atin ng maraming paraan para makapag-minister o maglingkod—bago idaos, habang idinaraos, at matapos idaos ang pangkalahatang kumperensya!
Liahona, Abril 2020
Bilang mga guro sa klase ng mission-preparation o paghahanda para sa misyon, regular na hinahamon nina Susie at Tom Mullen ang mga miyembro ng klase na anyayahan ang isang tao na manood ng pangkalahatang kumperensya.
“Ang pag-anyaya sa isang tao na gumawa ng isang bagay ay mahalagang bahagi ng gawaing misyonero, at angkop din ito sa ministering,” sabi niya. “Regular na inirereport ng mga estudyante namin kung gaano kaganda ang kinalabasan niyon para sa kanila at gayon din sa taong inanyayahan nila.”
Narito ang ilan sa mga paraan ng pagtulong na inireport ng kanilang mga estudyante:
-
“Nagmi-minister o naglilingkod kami sa isang kaibigan na may ilang problemang nararanasan. Inanyayahan namin siyang makinig sa pangkalahatang kumperensya para sa mga sagot. Nang kausapin namin siya pagkatapos ng kumperensya, sinabi niya sa amin na napakarami niyang narinig na ideya na makakatulong.”
-
“Nagdaos kami ng party ng pangkalahatang kumperensya at nagdala ng makakain ang lahat na mapagsasalu-saluhan. Nakakatuwa kaya nagpasiya kaming ulitin iyon.”
-
“Inanyayahan ko ang isang kaibigan na manood kami ng pangkalahatang kumperensya. Nang magkausap kami tungkol doon, nagpasiya kaming gamitin ang kotse papunta sa meetinghouse para tingnan kung puwede naming panoorin iyon doon. Nanood nga kami, at iyon ang pinakamagandang karanasan doon!”
Tulad ng natutuhan ng mga Mullen at ng kanilang mga estudyante, maraming paraan para makapag-minister sa pamamagitan ng pangkalahatang kumperensya. Magandang paraan iyon para makapagbahagi ng nakasisiglang mga sipi, tradisyon ng pamilya, makabuluhang talakayan, at turo ng mga lingkod ng Panginoon!
Anyayahan ang Iba sa Inyong Tahanan
“Inutusan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga alagad na ‘kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa’ (Juan 13:34). Kaya tinitingnan natin kung paano Niya tayo minahal. … Kung gagawin natin Siyang huwaran, dapat ay palagi nating sikaping tumulong na maisali ang lahat.” —Pangulong Dallin H. Oaks1
Ilang taon na ang nakararaan napansin ng aming kahanga-hangang home teacher na si Mike na isang maliit na laptop lamang ang gamit namin ng tatlong anak ko sa panonood ng pangkalahatang kumperensya. Siya ay agad nag-anyaya na magpunta kami sa bahay niya para manood na kasama niya at ng asawa niyang si Jackie, na iginigiit na magugustuhan nilang makasama kami. Tuwang-tuwa ang mga anak ko na manood ng kumperensya sa totoong TV; labis kong pinasalamatan ang pagkakaroon ng suporta; at nagustuhan naming lahat ang pagkakataon na nagkasama-sama kami.
Pagkatapos niyon, naging tradisyon na ang panonood ng pangkalahatang kumperensya na magkakasama kami. Kahit noong magkaroon na kami ng sariling TV, masaya pa rin kaming nagpupunta kina Mike at Jackie na dala ang aming unan, notebook, at meryenda para sa pangkalahatang kumperensya. Ang pakikinig sa mga salita ng mga propeta nang magkakasama ay ginawa itong mas espesyal. Naging para kaming magkakapamilya. Nakasama sina Mike at Jackie sa matatalik kong kaibigan at naging pangalawa silang lolo’t lola sa mga anak ko. Ang pagmamahal at pakikipagkaibigan nila ay naging isang pambihirang pagpapala sa aking pamilya. Labis akong nagpapasalamat sa kahandaan nilang buksan ang kanilang tahanan at kanilang puso sa amin.
Suzanne Erd, California, USA
Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan
“Napansin”
Mapagmahal na nag-ukol ng panahon ang Tagapagligtas para makita ang mga pangangailangan ng iba at pagkatapos ay kumilos upang matugunan ang mga pangangailangang iyon (tingnan sa Mateo 9:35–36; Juan 6:5; 19:26–27). Magagawa rin natin iyan.
“Agad nag-anyaya”
Pagkatapos nating mapansin ang mga pangangailangan ng mga pinaglilingkuran natin, ang susunod na hakbang ay kumilos.“Ang pakikinig sa mga salita ng mga propeta”
Dapat tayong “madalas na nagtitipun-tipon” (Moroni 6:5) upang sama-samang matuto, sama-samang lumago, at mag-usap-usap tungkol sa mga espirituwal na bagay na pinakamahalaga sa ating kaluluwa.
Ang “Halina, tinig ng propeta’y dinggin, salita ng Diyos ay pakinggan”2 ay maaaring isa sa pinakamahahalagang paanyayang maipararating natin sa ating mga pinaglilingkuran.
“Pagmamahal at pakikipagkaibigan”
Para tunay na matulungan at maimpluwensyahan ang iba, kailangan tayong bumuo ng mga ugnayan nang may habag at “hindi pakunwaring pag-ibig” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41).
Magbahagi sa Internet
“Ang mga social media channel ay kasangkapang magagamit ng buong mundo na personal at positibong makakaapekto sa maraming tao at pamilya. At naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang mga inspiradong kasangkapang ito nang tama at mas epektibo upang patotohanan ang Diyos Amang Walang Hanggan, ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, at ang Kanyang anak na si Jesucristo, bilang Tagapagligtas ng mundo.” —Elder David A. Bednar3
Tinutulutan tayo ng internet na ibahagi ang ebanghelyo sa buong mundo. Gusto ko iyon! Nagbabahagi ako ng ilang aktibidad para sa pangkalahatang kumperensya, ngunit karaniwan ay sinisikap kong tulungan ang iba na gumawa ng isang talakayan mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Kadalasan ay maaaring makatulong na makita ang mga tanong ng iba para makita natin ang mga bagay-bagay sa isang bagong pananaw at makaisip tayo ng sarili nating magagandang tanong sa talakayan.
Natuklasan ko na kapag ikaw ay gumagamit ng mga tanong upang talakayin ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa mga pamilyang pinaglilingkuran mo, tinutulungan ka nitong makita ang kanilang mga kalakasan pati na ang kanilang mga pangangailangan. Ang isa sa mga paborito kong itanong ay, Ano sa palagay ninyo ang tema mula sa pinakahuling sesyon ng pangkalahatang kumperensya?
Ang sagot ay halos palaging nagpapakita sa iyo kung ano ang nangyayari sa kanilang buhay at kung ano ang mahalaga sa kanila. Tinutulutan ka nitong maging mas mahusay na ministering brother o sister dahil nakikita mo sila nang mas malinaw.
Camille Gillham, Colorado, USA
Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan
“Ibahagi ang ebanghelyo”
Nakipagtipan tayong “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).
“Lumikha ng talakayan”
Ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay maaaring maghikayat ng mga pag-uusap na kamangha-mangha, nauugnay, at espirituwal. At ang ganitong mga klase ng talakayan ay maaaring magpatibay ng inyong mga ugnayan, magpalago sa inyong patotoo, at magpagalak sa inyo! (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:22).
“Gumamit ng mga tanong”
“Ang magagandang tanong ay tutulong sa iyo na maunawaan ang mga interes, alalahanin, o tanong ng iba. Mapapaganda nito ang iyong pagtuturo, maaanyayahan ang Espiritu, at matutulungan ang investigator na matuto.”4