Mga Alituntunin ng Ministering
Ministering sa pamamagitan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paano ka matutulungan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na makagawa ng kaibhan sa buhay ng ibang tao?
Ikaw man ay kasama ng iyong pamilya, nasa isang klase sa Sunday School bilang isang guro o estudyante, o nasa paaralan, trabaho, o kung saanman, ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay naghahandog ng maraming pagkakataon upang makapag-minister sa ibang tao. Ang pagtuturo, kung tutuusin, “ay higit pa sa pamumuno sa isang talakayan sa araw ng Linggo; kasama rito ang paglilingkod nang may pagmamahal at pagpapala sa iba sa pamamagitan ng ebanghelyo.”1
Pagkonekta sa mga Estudyante
Nang tawagin si Ofelia Trejo de Cárdenas upang magturo sa mga young adult sa kanyang ward sa Mexico City, naramdaman niya na ang pagiging malapit sa bawat isa sa kanyang mga estudyante sa Sunday School ay makadaragdag sa kanyang kakayahan na turuan at palakasin sila.
“Kung hindi ako malapit sa aking mga estudyante at kung hindi nila nararamdaman ang aking pagmamahal, maaaring hindi sila maniwala sa akin kapag ako ay nagtuturo sa klase o nagbabahagi ng aking patotoo,” sabi niya. “Maaaring maramdaman nila na ako ay isa lamang guro sa Sunday School.”
Ngunit paano magiging malapit si Sister Cárdenas sa kanila kung isang beses kada dalawang linggo lamang siya nagtuturo? Nakahanap siya ng sagot sa pamamagitan ng teknolohiya. Gamit ang mobile phone application na WhatsApp, siya at ang kanyang mga estudyante ay nagkakaroon ng araw-araw na koneksyon sa pamamagitan ng text at mga voice message. Ngayon, bawat araw bago ang susunod na lesson sa Sunday School, isang estudyante ang nagboboluntaryo na magpadala sa ibang miyembro ng klase ng isang talata ng banal na kasulatan mula sa susunod na lesson kalakip ang isang kaugnay na kaisipan. Matapos basahin ang talata at ang kaisipan, tumutugon ang mga miyembro ng klase gamit ang kanilang mga sariling kaisipan.
“Kapag tapos na nilang basahin ang banal na kasulatan, nagpapadala sila ng nakangiting emoji upang malaman ko na nabasa at napag-aralan na nila ang banal na kasulatan at napagnilayan na nila ito,” sabi ni Sister Cárdenas. Kapag oras na para sa susunod na lesson sa araw ng Linggo, handa ang mga estudyante na makibahagi.
Kamakailan lamang ay napagpala ng araw-araw na koneksyong ito ang isang young adult na ang mga magulang ay hindi aktibo sa Simbahan.
“Natutuwa ako kapag nakikita ko siya na nagsisimba dahil alam ko na upang magawa iyon, marami siyang hamon na kailangan malampasan,” sabi ni Sister Cárdenas. “Natitiyak ko na ang mga banal na kasulatan at kaisipan na ipinadala ng kanyang mga kaklase at ang mga banal na kasulatan at kaisipan na ipinadala niya noong nagboluntaryo siya ay nagpalakas sa kanya nang husto.”
Sabi ni Sister Cárdenas ang ministering sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan ay hindi natatapos sa kanyang mga lesson sa araw ng Linggo at sa araw-araw na koneksyon ng kanyang klase gamit ang mga banal na kasulatan.
“Kabilang sa aking paghahanda ang pananalangin para sa aking mga estudyante,” sabi niya. “Iniisip ko sila hindi lamang kapag araw ng Linggo kundi araw-araw buong linggo. Ang bawat isa sa kanila ay mayroong natatangi at kakaibang pangangailangan. Ang bawat isa ay anak ng Diyos. Iniisip ko sila habang naghahanda ako ng aking mga lesson.”
At kapag siya ay nagtuturo, nakikinig siya—kapwa sa kanyang mga estudyante at sa Espiritu Santo.
“Ang guro ay ang Espiritu,” na madalas niyang naririnig sa mga tinig ng kanyang mga estudyante. “Kailangan ko silang pagtuunan ng pansin dahil ang sinasabi nila ay ang paghahayag na ibinibigay sa kanila ng Espiritu.”
Ang Aming Klase ay “Parang Home Evening”
Nararamdaman ni Carla Gutiérrez Ortega Córdoba na pinagpala siyang maging miyembro ng klase ni Sister Cárdenas sa Sunday School dahil isa itong lugar na puno ng pangangalaga at ministering. Ayon kay Carla, ito ay naging ganoong klase ng lugar dahil sa ilang salik, kabilang na ang:
-
Paghahanda: Ang pagbabahagi ng mga banal na kasulatan at kaisipan ay nakatutulong sa mga estudyante na makapaghanda para sa susunod na klase. “Ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nagpapalakas sa atin at nagpapalawak ng ating kaalaman,” paliwanag niya.
-
Pakikibahagi: “Lahat kami ay nagsasalita. Tinutulutan ako nito na mas makilala ang aking mga kaklase, bilang mga kaibigan at kapatid.”
-
Pagmamahal: “Ginagabayan kami ni Sister Cárdenas. Ang aming klase ay parang home evening, kasama ang maraming kapatid. Napakaespesyal nito.”
-
Ang Espiritu Santo: “Mayroon kaming nakalulugod at nagkakasundong diwa sa aming klase dahil kasama namin ang Espiritu.”
-
Patotoo: “Nakatulong sa akin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na maging handang ibahagi ang aking patotoo. Mayroon akong mas malalim na kaalaman tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Biblia. Tinutulutan ako niyon na ibahagi kung ano ang natututuhan ko sa aking mga kaklase sa paaralan at sa aking mga kasamahan sa trabaho.”
Ministering sa mga Espirituwal na Pangangailangan
Nang basahin nina Greg at Nicky Christensen, mula sa Kentucky, USA, ang tungkol sa tipang Abraham sa mga banal na kasulatan kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki, nahirapan silang ipaliwanag ito. Nagpasiya sila bilang isang pamilya na mag-isang pag-aaralan ng bawat isa sa kanila ang tipang Abraham at pagkatapos ay ibabahagi nila kung ano ang nalaman nila.
“Nagkaroon kami ng ilang nakawiwiling komento,” sabi ni Greg. “Nalaman ng aming walong taong gulang na anak na ang dating pangalan ni Abraham ay Abram. Naging Abraham ang kanyang pangalan dahil nangako siya sa Panginoon na tatalikuran niya ang kanyang mga kasalanan at mamumuhay siya nang matuwid. Talagang nagulat ako na naisip niya iyon.”
Lahat sila ay mayroong bagong natutuhan at nagkaroon ng magandang talakayan tungkol sa kung ano ang tipang Abraham at ang kahulugan nito para sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon.
“Dati, naghahalinhinan lamang ang lahat ng nasa silid sa pagbabasa ng mga talata para sa pag-aaral ng aming pamilya ng banal na kasulatan,” sabi ni Nicky. “Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay mas nakatuon sa pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Ngayon, kapag magkakasama kaming nag-aaral, nakararamdam ako ng mga pahiwatig mula sa Espiritu na iakma ang aming mga talakayan batay sa mga pangangailangan ng aming pamilya.”
Ang paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay hindi lamang nakatulong sa kanilang pamilya na mas makibahagi at mas maging interesado sa pag-aaral ng ebanghelyo bilang isang pamilya, kundi nakatulong din ito kina Greg at Nicky na mag-minister sa mga espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga anak.
“Nakatutulong sa akin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na turuan ang aking mga anak,” sabi ni Nicky. “Nakatutulong din ito sa akin na makayanan ang iba’t ibang hamon na kinakaharap ko kung minsan na nauugnay sa aking mga anak. Nagiging mas sensitibo ako sa Espiritu, nakikinig ako nang mas mabuti, at nakatatanggap ako ng mga pahiwatig kung paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga anak.”
Ikinasisiya ni Greg ang mas mahahabang talakayan ng ebanghelyo na nakatutulong ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na mapasimulan sa pamilya. “Ang aming mga anak na lalaki ay mayroong magkakaibang antas ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo,” sabi niya. “Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nagbibigay-daan upang matulungan namin ang bawat isa sa kanila na matuto batay sa kanilang mga pangangailangan. Isang kahanga-hangang pagpapala na makitang lumalago ang kanilang pagmamahal para sa ebanghelyo at natutuklasan nila kung paano gamitin ang kaalaman tungkol sa ebanghelyo sa kanilang mga buhay.”