Ministering
Ministering sa Pamamagitan ng Programang Mga Bata at Kabataan
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering sa Pamamagitan ng Programang Mga Bata at Kabataan

Ang diwa ng ministering ay pag-anyaya sa iba na lumago at pagtulong sa kanila sa gitna ng paglalakbay.

young man playing keyboard

Larawang kuha ni Tom Garner

Maraming pagkakataong mag-minister sa pamamagitan ng programang Mga Bata at Kabataan. Maaaring may mga bata o kabataan sa sarili mong tahanan. Maaaring isa kang lider sa programa o nagmi-minister ka sa mga pamilyang may mga bata at kabataan. O maaaring may kakilala kang ilang bata at kabataan (makikitang kabilang na tayong lahat sa paglalarawan na iyan). Anuman ang iyong sitwasyon, maraming paraan para magamit ang programa o ang mga alituntunin nito para mapagpala ang mga buhay ng iba.

Sama-samang Pagpapaunlad sa Ating mga Sarili

Ang sentro ng Mga Bata at Kabataan ay nakatuon sa pagsisikap bawat araw na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, na naglingkod nang perpekto. Natutuhan ng marami sa mga nakibahagi na sa programa na habang lalo kang umuunlad sa iba’t ibang aspeto ng iyong buhay, nagkakaroon ka ng higit na kakayahang tumulong o mag-minister sa iba.

Ngunit sa programang Mga Bata at Kabataan, hindi kailangang maghintay na may matutuhan ka bago mo mapagpala ang iba. Ang pag-aaral mismo ay nagbibigay ng mga pagkakataong mag-minister.

Para sa isang binatilyong nagngangalang Prophet na naninirahan sa Ghana, simula pa lang ang pagtatakda ng mithiin sa Mga Bata at Kabataan na matutong tumugtog ng piano. “Mithiin ko na matulungan din ang ibang tao na malaman ang natututuhan ko,” sabi ni Prophet.

Bagama’t siya ay hindi pa isang guro, lumago na ang kanyang mithiin nang higit pa sa inakala niya. Ngayon ay may 50 estudyante nang nag-aaral tumugtog ng piano sa meetinghouse kasabay ni Prophet. At sino naman ang nagtuturo kay Prophet at sa 50 pang estudyanteng iyon? Sina Alexander M. at Kelvin M., kapwa edad 13. “Nais naming magpakita ng kabutihan sa ibang tao,” sabi ni Kelvin.

Tatlong araw sa isang linggo, nagtuturo ng mga libreng basic piano lesson ang dalawang binatilyong ito sa lahat ng pumupunta para matuto. May dagdag pang pakinabang ang mga piano lesson. Ang ilan sa mga estudyanteng nakakilala sa Simbahan sa pamamagitan ng mga piano lesson ay nag-aral ng ebanghelyo at nagpasiyang magpabinyag kalaunan.

Kapag nagsisikap tayong paunlarin ang ating mga sarili, maaari tayong mag-minister sa iba sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na sumama sa atin.

woman preparing food

Larawang kuha ni Jonas Rebicki

Isang Panalong Resipe para sa Ministering

Bilang isang stake Primary president, nakita na ni Sabrina Simões Deus Augusto ng Curitiba, Brazil kung paano pinagpapala ng mga aspeto ng personal na pag-unlad ng programa ang mga bata at kabataan sa kanyang stake. Ngunit nakakita rin siya ng maraming paraan para magamit ang natutuhan niya tungkol sa personal na pag-unlad sa kanyang tungkulin bilang isang ministering sister.

“Kapag nagkaroon ako ng isang talento,” sabi ni Sister Augusto, “magagamit ko ang talentong iyon para mapagpala ang isang taong mini-minister ko.”

Tinuruan ni Sister Augusto ang isa sa mga sister na itinalaga sa kanya kung paano gumawa ng chocolate truffles. Ang sister na iyon ay gumagawa at nagbebenta na ngayon ng truffles para madagdagan ang kita ng kanyang pamilya. “Pagkaraan ng ilang buwan, napagpala ako nang turuan ako ng isa pang sister kung paano gumawa ng honey bread na maaari kong ibenta,” sabi ni Sister Augusto. “Ang pagkakaroon at pagbabahagi ng mga talento ay maaaring magpala sa buhay ng bawat isa at magpalalim sa ating mga relasyon bilang mga ministering sister.”