Ministering
Tumulong nang may Habag
Mga Alituntunin


Mga Alituntunin ng Paglilingkod

Tumulong nang may Habag

Sa pagsunod mo sa halimbawa ng pagkahabag ng Tagapagligtas, makikita mo na makagagawa ka ng kaibhan sa buhay ng ibang tao.

Liahona, Hulyo 2018

Christ healing the blind

Your Faith Has Made You Whole, ni Jorge Cocco

Ang pagkahabag ay pagkakaroon ng kamalayan sa pagkabalisa ng ibang tao na may kaakibat na hangaring pagaanin o ibsan ito. Ang tipan na sundin ang Tagapagligtas ay isang tipan ng pagkahabag na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” (tingnan sa Mosias 18:8). Ang atas na bantayan ang iba ay isang pagkakataon upang maglingkod na gaya ng Panginoon: nang may “kahabagan” (Judas 1:22). Iniutos ng Panginoon, “Magpakita ng kaawaan at ng kahabagan ang bawa’t isa sa kaniyang kapatid” (Zacarias 7:9).

Ang Pagkahabag ng Tagapagligtas

Ang pagkahabag ang puwersang nagtulak sa paglilingkod ng Tagapagligtas (tingnan sa sidebar: “Isang Mahabaging Tagapagligtas”). Ang Kanyang pagkahabag sa Kanyang kapwa-tao ang naging dahilan para tulungan Niya ang mga nasa paligid Niya sa maraming pagkakataon. Dahil nalalaman ang mga pangangailangan at hangarin ng mga tao, napagpapala Niya sila at natuturuan sila sa mga paraan na pinakamahalaga sa kanila. Ang hangarin ng Tagapagligtas na iangat tayo para mawala ang pagkabalisa ay humantong sa pagpapakita ng habag: ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa mga kasalanan at pagdurusa ng sangkatauhan.

Ang Kanyang kakayahang tumugon sa mga pangangailangan ng mga tao ay isang bagay na mapagsisikapan natin habang naglilingkod tayo. Sa pamumuhay natin nang matwid at sa pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu, mabibigyan tayo ng inspirasyon na tumulong sa makabuluhang mga paraan.

Ang Ating Tipan ng Pagkahabag

Nais ng Ama sa Langit na maging mahabagin ang Kanyang mga anak (tingnan sa I Corinto 12:25–27). Upang maging mga tunay na disipulo, kailangan tayong magkaroon at magpakita ng habag sa iba, lalo na sa mga nangangailangan (D at T 52:40).

Sa pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng ating tipan sa binyag, sumasaksi tayo na handa tayong magpakita ng habag. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na tinutulungan tayo ng kaloob na Espiritu Santo na gawin ito: “Kayo ay miyembro ng tipan ng Simbahan ni Jesucristo. …

“Kaya nga nadarama ninyo na gusto ninyong tulungan ang taong nahihirapan sa mabibigat na pasanin at pighati. Nangako kayong tutulungan ang Panginoon na mapagaan ang kanilang mga pasanin at mapanatag. Binigyan kayo ng kapangyarihang tulungan na mapagaan ang mga pasaning iyon nang matanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo.”1

Halimbawa, isang sister sa Russia ang nagkaroon ng mahirap na situwasyon sa pamilya na humadlang sa pagdalo niya sa simbahan nang mahigit isang taon. Isa pang sister sa branch ang may habag na tumulong sa kanya tuwing Linggo sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya para sabihin ang tungkol sa mga mensahe, lesson, mga tawag sa misyon, sanggol na isinilang, at iba pang balita sa branch. Nang malutas ang sitwasyon sa pamilya ng sister na ito na nasa bahay lamang, nadama niyang bahagi pa rin siya ng branch dahil sa lingguhang pagtawag ng kanyang kaibigan.

Tala

  1. Henry B. Eyring, “Ang Mang-aaliw,” Liahona, Mayo 2015, 18.