Isang Piyano para kay Prophet
Ang kuwentong ito ay naganap sa Greater Accra, Ghana.
Isang batang nangngangalang Prophet ang may dalawang mahalagang mithiin.
“Ang musika ay isang wikang maunawaan ng lahat” (Aklat ng mga Awit Pambata, iii).
Mahilig si Prophet sa musika. Mas lalong gusto niya ang mga awitin sa Primary at ang mga himno ng Simbahan. Buong maghapon niyang hinihimig ang mga awitin. Nakikita niya ang kanyang sarili na nakaupo sa piyano at tinutugtog ang mga paborito niyang awitin. Nakikita rin niya ang kanyang sarili na nagtuturo sa ibang tao kung paano patugtugin ito.
Pero may isa nga lang problema. Wala siyang piyano.
Isang araw ay ininterbyu si Prophet ng kanyang bishop.
“May nagawa ka bang mga mithiin para sa programa na mga Bata at Kabataan?” tanong ng bishop.
“Opo,” sabi ni Prophet. “Gusto ko pong matutong tumugtog ng piyano.”
“Magandang mithiin iyan,” sabi ng bishop.
“At kapag nakamit ko ang mithiing iyan,” sabi ni Prophet, “may isa pa akong mithiin. Nais ko pong magturo sa 20 pang tao kung paano tumugtog.”
“May dalawa kang magagandang mithiin,” sabi ng bishop.
“At may problema po ako,” sabi ni Prophet. “Wala po akong piyano.”
“Hmm, tingnan natin kung ano ang magagawa natin.”
Sa simbahan nang sumunod na Linggo, sinabi ng bishop kay Prophet na nakahanap siya ng isang mag-asawang missionary na makapagtuturo sa kanya. Ihahatid nila ang kanilang piano keyboard para pagsanayan niya at ng iba pa. Gusto nilang magturo sa napakaraming tao kung paano tumugtog ng piyano.
Nakipag-usap ang bishop sa mga tao. Nakipag-usap si Prophet sa mga tao. Kinausap ng pamilya ni Prophet ang mga tao. Hindi naglaon ay pinag-uusapan na ng buong ward ang mga lesson sa piyano. Gayundin ng iba pa.
“Marami sa mga kaibigan kong hindi miyembro ang gusto ring matuto,” sabi ni Prophet sa bishop.
“Tatanggapin sila, siyempre,” sabi ng bishop. “Bibigyan ka ng mga missionary ng aklat at tutulungan kang matutunan ang mga aralin. At pagkatapos mong matuto, matutulungan mo silang turuan ang iba.”
“Iyan ang ikalawang mithiin ko!” sabi ni Prophet.
Hindi naglaon ay nagpapraktis na si Prophet kasama ng mga missionary. Gustung-gusto niyang malaman kung ano ang kahulugan ng bawat nota at pakinggan silang bumuo ng isang awitin. Ang dalawa sa kanyang mga kaibigan mula sa simbahan na sina Kelvin at Alexander ay nag-aaral din. Pagkaraan ng isang buwan, lahat silang tatlo ay nagsimulang magturo din.
Araw-araw, nagturo ang mga bata ng mga keyboard class sa gusali ng Simbahan. Sa simula ay may 10 estudyante, at pagkatapos ay 20, pagkatapos ay 50!
“Ang saya nito!” sabi ni Kelvin isang araw nang matapos ang klase.
“Palagay ko ay masaya ang Ama sa Langit dahil tinutulungan natin ang iba na matuto,” sabi ni Alexander.
Tumango si Prophet. Ang kanyang mithiin ay tumutulong na sa napakaraming tao.
Ngunit may isa pang bagay na nagpasaya kay Prophet. Habang nagsasanay ang mga estudyante ng mga awitin sa Primary, nalalaman din nila ang tungkol sa Ama sa Langit. Si Prophet ay tinanong ng ilan sa kanila kung maaari pa silang matuto tungkol sa Simbahan.
At sa katunayan, ang ilan sa mga tao na unang nakaalam tungkol sa Simbahan dahil sa pag-aaral ng piyano ay nabinyagan kalaunan.
“Ngayon sa mga miting,” sabi ni Prophet, “magkakasama kaming lahat at kumakanta ng mga awiting gustung-gusto namin.”