2021
Makikita Kong Muli ang Aking Kapatid
Abril 2021


Isinulat Mo

Makikita Kong Muli ang Aking Kapatid

girl hugging Primary teacher

Kaarawan ng nakababata kong kapatid na si Gabriel noong isa pang linggo. Pitong taon na sana siya, pero mayroon siyang cerebral palsy at pumanaw dalawang taon na ang nakararaan. Sa Primary ay inawit namin ang “Getsemani.” Malinaw at makahulugan ang mga salita. Napuspos nito ang silid ng Espiritu.

Matapos ang awitin, nagpatotoo si Sister Webster tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mas pinuspos nito ng Espiritu ang silid. Pagkatapos ay ikinuwento niya kung paano pumanaw ang kanyang kapatid ilang taon na ang nakalipas. Naisip ko si Gabriel, at halos napaiyak ako. Naisip ko ang huling pagkakataon na hinawakan ko si Gabe. Nalungkot ako, pero nakadama rin ako ng kapayapaan.

Ikinuwento ni Sister Webster kung paano siya natuwang malaman na muli niyang makikita ang kanyang kapatid. Sinabi niya na alam niya na makikita nating lahat ang mga mahal natin sa buhay na pumanaw na.

Pagkatapos ng Primary ay niyakap ko si Sister Webster. Magkasama kaming umiyak nang ilang minuto. Napakalakas ng Espiritu. Sinabi niya sa akin na makikita kong muli ang nakababata kong kapatid. Sinabi niya na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay hindi lamang para sa masasama kundi para din sa mga nasaktan. Itinanong niya kung ano ang pinakanami-miss ko kay Gabe, at sinabi ko na talagang nami-miss ko ang kanyang pagtawa.

Sinabi ko kay Sister Webster na nalulungkot ako dahil kaarawan ni Gabriel noong linggong iyon at kailangan ko talagang malaman na muli kong makikita ang kapatid ko. Sinabi niya sa akin na ang mga luhang iniiyak namin ay mga luha ng kagalakan. Nadama ko ang Espiritu, at alam kong totoo ang sinabi niya. Sigurado ako na makikita kong muli si Gabriel, at nagpapasaya iyon sa akin. Mahal ko siya. Alam ko na dahil mahal ako ni Jesucristo, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para makita kong muli si Gabriel.

Friend Magazine, Global 2021/04 Apr

Paglalarawan ni Judy Bloomfield