2021
May Alam Akong Kanta tungkol Diyan!
Abril 2021


May Alam Akong Kanta tungkol Diyan!

Ang awtor ay nakatira sa Leinster, Ireland.

girl in class raising hand

Tulad ng maraming bata sa Ireland, nag-aral si Annie sa isang paaralang Katoliko. Siya lamang ang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa klase niya.

May mabait na guro si Annie na nagturo tungkol sa maraming bagay. Itinuro pa niya ang tungkol kay Jesus. Gustung-gustong makinig ni Annie sa mga kuwento tungkol kay Jesus. Ang mga ito rin ang mga kuwentong natutuhan niya sa Primary at sa bahay.

Isang araw ay ikinuwento ng guro ni Annie sa kanyang klase noong naglakad si Jesus sa ibabaw ng tubig. Ngumiti si Annie. Iyan ang paborito niyang kuwento!

Natutuhan ni Annie ang awiting “Ang Himala” sa Primary. Sinasabi sa awiting iyon ang tungkol sa paglalakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig. Laging masaya ang pakiramdam ni Annie kapag kinakanta niya ito. Naisip niya ang mga salita sa awitin.

“Naglakad si Jesus sa tubig. Pinakalma Niya ang bagyo’t dagat.”

Gusto ring ipaalam ni Annie sa kanyang klase ang awitin! Nagtaas siya ng kamay at sinabing, “May alam akong awit tungkol diyan!”

Ngumiti ang kanyang guro. Hiniling niya kay Annie na ibahagi ito sa klase kinabukasan.

Tuwang-tuwa si Annie pag-uwi niya. Tinulungan siya ni Inay na hanapin ang awitin sa computer para matugtog ng guro ni Annie ang awitin para sa kanyang klase.

Kinabukasan ay nakinig sa awit si Annie at ang kanyang buong klase. Nadama ni Annie ang masayang pakiramdam na lagi niyang nadarama sa Primary. Masaya siya na naibahagi niya ang espesyal na awiting ito tungkol kay Jesus.

Friend Magazine, Global 2021/04 Apr

Mga paglalarawan ni Sinéad Poznanski