2021
Ang Malaking Tanong sa Bowling
Abril 2021


Kaibigan sa Kaibigan

Ang Malaking Tanong sa Bowling

Mula sa isang interbyu kasama si Sydney Squires.

boy bowling

Noong nasa ikaanim na grado ako, lumipat ng tahanan ang pamilya ko. Isa sa mga bago kong kaibigan ay hindi miyembro ng Simbahan.

Isang araw ng Linggo, tinawagan ako ng kaibigan ko. Gusto niyang sumama ako sa kanya at sa kanyang mga magulang nang hapong iyon. Minsan pa lang akong nakapaglaro ng bowling, at nasiyahan talaga ako rito. Talagang masayang maglarong muli ng bowling, lalo na at kasama ang bagong kaibigan ko. Agad akong nagtanong kay Inay.

“Naku,” sabi niya, “Linggo iyon, kaya palagay ko ay hindi ka dapat sumama. Pero maaari kang gumawa ng sarili mong desisyon.”

Nagulat ako! Akala ko ay hindi siya papayag. Sa halip ay pinapili niya ako. Kaya pinili kong sumamang mag-bowling sa kaibigan ko.

Hindi naglaon ang kaibigan ko, mga magulang niya, at ako ay nasa laruan na ng bowling. Talagang maganda ang naging laro ko! Naging masaya kami ng kaibigan ko. Ngunit sa buong panahon, nag-aalinlangan ako. Alam ko sa puso ko na tama ang inay ko. Nalaman ko sa simbahan at sa tahanan na mahalagang gawing banal na araw ang Linggo. Ang paglalaro ko ng bowling kasama ang kaibigan ko ay hindi pinakamainam na aktibidad sa Linggo.

Nang araw na iyon, may natutuhan akong mahalagang aral. Mabuting magsaya at makasama ang mga kaibigan! Pero ang pagpapasiyang gawing espesyal ang araw ng Linggo ay mas mahalaga.

Friend Magazine, Global 2021/04 Apr

Paglalarawan ni Jim Madsen