2021
Isang Bagong Kaibigan para kay Wellington
Abril 2021


Isang Bagong Kaibigan para kay Wellington

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Rio de Janiero, Brazil. Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Ang lahat dito ay mas matanda sa akin! Paano ko sila kakausapin?”

“Pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).

boy and his dad carrying boxes

Hawak ni Wellington ang isang kahon sa kanyang kandungan habang nagmamaneho noon ang tatay niya sa Rio de Janeiro, Brazil. Dinaanan nila ang matitingkad na kulay asul, berde, at dilaw na mga bahay. Ipinarada ni Itay ang kotse sa labas ng isang malaking gusali na kulay brown. Bumaba ng sasakyan si Wellington at kinuha ang iba pang mga kahon. Puno ang mga ito ng sabon, tisyu, at iba pang mga suplay.

Bumibisita sila ng kanyang ama sa isang bahay-kalinga para magbigay ng mga suplay sa matatanda na nakatira doon. Noong una, sabik na sabik si Wellington. Pero ngayon ay medyo kinakabahan siya. Ano kaya ang daratnan niya sa mga tao? Masungit kaya sila? Ano ang sasabihin niya sa kanila?

Nasa likod ng kanyang tatay si Wellington nang pumasok sila sa gusali. Napakaraming tao sa bahay-kalinga. Ang ilan ay naglalakad gamit ang mga andador. Ang ilan ay nakaupo sa mga wheelchair, naglalaro ng chess. Ang iba ay mag-isa lamang na nakaupo.

Kinalabit ni Wellington sa braso si Itay. “Itay, hindi ko po alam ang gagawin ko,” bulong niya. “Ang lahat dito ay mas matanda sa akin! Paano ko sila kakausapin?”

Ngumiti si Itay at lumuhod sa tabi ni Wellington. “Alam ko na mas matanda rito ang mga tao, at baka iba ang hitsura nila. Pero lahat ng narito ay anak ng Diyos, tulad mo! Marahil ay mayroon silang nakatutuwang kuwento.”

Pinag-isipan iyon ni Wellington. Gusto niyang magkaroon ng mga bagong kaibigan sa paaralan at sa Primary. Baka puwede rin siyang magkaroon ng mga kaibigan dito!

Habang namimigay ng mga kahon si Itay, lumibot si Wellington at nakipag-usap sa mga taong nakaupo sa silid. Inawit niya sa kanila ang ilan sa mga paborito niyang awitin sa Primary. Hindi naglaon ay marami sa mga tao ang nagtatawanan at kumakanta. Napakasaya nito!

Tumingin sa paligid si Wellington. Napansin niya ang isang babaeng nakaupo nang mag-isa sa sopa. Mayroon siyang kulay abong buhok at maraming kulubot sa mukha.

Naglakad siya palapit dito at naupo sa sopa. “Hi!” sabi niya. “Wellington po ang pangalan ko. Kayo po, ano po ang pangalan ninyo?”

Tumingin ito sa kanya at ngumiti. “Ako si Mariana,” sabi nito.

Kinakabahan si Wellington, kaya itinanong niya ang unang bagay na naisip niya. “Ano po ang paborito ninyong pagkain?”

Nag-isip ito sandali. “Gustong-gusto ko talaga ang pão de queijo [tinapay na makeso],” sabi ni Mariana.

“Iyan din ang paborito ko!” sabi ni Wellington. Gustung-gusto niya ang maliliit na tinapay na makeso.

Sinimulan nilang pag-usapan ang kanilang mga paboritong awitin, isports, at alaala. Ikinuwento sa kanya ni Mariana ang masasayang bagay na nakasanayan niyang gawin noong bata pa siya.

“Salamat sa pagpunta ninyo ngayon,” sabi niya. “Wala akong pamilya na maaaring pumunta at dumalaw sa akin, at mahirap magkaroon ng mga bagong kaibigan.” Napuno ng lungkot ang mga mata ni Mariana. “Kung minsan pakiramdam ko ay nag-iisa ako.”

Hindi sigurado ni Wellington kung ano ang sasabihin. Inisip niya kung gaano siya kalungkot kung wala siyang mga kaibigan o pamilya na makakausap. Pagkatapos ay naisip niya kung ano ang sinabi ng kanyang tatay tungkol sa lahat ng tao bilang anak ng Diyos.

Ngumiti siya at tumingin kay Mariana. “Kapag nalulungkot ako, gusto kong magdasal sa Ama sa Langit. Natutulungan Niya akong gumaan ang pakiramdam ko. Alam kong hindi ako nag-iisa dahil lagi ko Siyang makakausap. Siguro po puwede ninyo ring subukang magdasal.”

Ngumiti si Mariana at niyakap si Wellington. “Salamat. “Palagay ko ay magandang ideya iyan.”

Hindi naglaon ay lumabas si Itay para lapitan si Wellington at tinapik siya sa braso. “Tayo na,” sabi niya.

“Talaga po?” sabi ni Wellington.

Natawa si Itay. “Huwag kang mag-alala. Puwede tayong bumalik sa susunod na linggo.”

Napasaya nito si Wellington. Mabilis siyang tumayo mula sa sopa. “Sa susunod po muli!” sabi niya kay Mariana.

Ngumiti siya habang kumakaway sa kanyang bagong kaibigan. Nasasabik na siyang makabalik!

Friend Magazine, Global 2021/04 Apr

Mga paglalarawan ni Liz Brizzi