Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Julia Mavimbela
Lider ng Komunidad sa South Africa
“Ang pag-ibig ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba.”
Pinunasan ni Julia ang kanyang noo. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang pala at nagsimulang maghukay. Sa ngayon, ang lupa sa paligid niya ay tumpok ng lupa. Pero hindi magtatagal ay magiging magandang hardin ito.
Mahirap ang panahong iyon para sa mga Itim na tao sa South Africa. Ang mga batas doon ay pinanatiling magkahiwalay ang mga Itim at Puti. Maraming Itim na mga tao ang napilitang lisanin ang kanilang tahanan at mamuhay sa ilang partikular na lugar na malayo sa mga Puting tao, at hindi sila makaboto. Nagkaroon ng karahasan sa bayan kung saan nanirahan si Julia, at isinara ang mga paaralan dahil doon. Kung minsan ay mapanganib lumabas.
Pero hindi nito napigilan si Julia. May nais siyang gawin para magdala ng kabutihan sa kanyang komunidad. Iyon ang dahilan kung bakit siya nagsimulang bumuo ng isang hardin.
Nakita ng ilang bata si Julia na nagtatrabaho. “Maaari po ba kaming tumulong?” tanong nila.
“Siyempre naman,” sabi ni Julia. Iniabot niya sa bawat isa sa kanila ang pala. Ipinakita niya sa kanila kung paano kalkalin ang lupa at bunutin ang damo.
“Hukayin natin ang lupa ng kapaitan, magsaboy ng binhi ng pagmamahal, at tingnan kung anong mga bunga ang maibibigay nito sa atin,” sabi niya. “Ang pag-ibig ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba.”
Lumipas ang mga linggo, at mas maraming halaman ang tumubo. Nagpunta ang ibang tao para magtrabaho sa hardin. Binunot nila ang matataas na damo. Nagtanim sila ng mas maraming binhi. Diniligan nila ang mga halaman. Nasiyahan si Julia na makita na tumutulong ang napakaraming tao.
Isang araw ay nakilala ni Julia ang dalawang binata. Nagulat si Julia dahil bihirang pumunta sa kanyang lugar ang mga Puting tao. Sinabi nila na sila ay mga missionary. Inanyayahan niya silang magbahagi ng isang mensahe sa kanyang tahanan.
Nang marinig ng anak ni Julia na darating sila, nagulat siya. “Bakit mo sila inanyayahan?” sabi niya. “Mga Puti sila. Delikado.”
Ngunit nagtiwala si Julia sa mga missionary. “Iba ang mga lalaking ito,” sabi ni Julia. “Sila ay nangangaral ng kapayapaan.”
Nang dumating ang mga missionary, pinatuloy sila ni Julia. Napansin ng isa sa kanila ang isang retrato sa tsimineya. Kuha iyon sa kasal ni Julia.
“Sino iyan?” tanong ng missionary, na nakaturo sa retrato.
“Ang asawa kong si John.” Tumungo si Julia. “Namatay siya sa isang aksidente.”
Tumango ang missionary. “Naniniwala kami na ang mga pamilya ay maaaring magkasama nang walang-hanggan, kahit pagkamatay nila.”
Napuspos ng kapayapaan si Julia. Masaya siyang malaman ang tungkol sa plano ng Diyos at patuloy na nakipag-usap sa mga missionary. Lumago sa puso ni Julia ang pagmamahal sa ebanghelyo, tulad ng mga halaman sa kanyang hardin. Hindi nagtagal ay nagpasiya siyang magpabinyag.
Sa simbahan, maraming bagong nakilala si Julia. Ang iba ay Itim. Ang iba ay Puti. Ngunit lahat sila ay magkakasamang naglingkod at natuto.
Ipinakita ni Julia sa mga bata sa Simbahan kung paano tumulong sa kanyang hardin. “Kailangang maging malambot ang ating puso, tulad nitong lupa,” sabi niya. “Kailangan nating bigyan ng puwang ang ebanghelyo sa ating puso. Dapat tayong magbigay ng puwang o lugar para sa pagmamahal.”