2021
Ang Solo ng Magkapatid
Abril 2021


Ang Solo ng Magkapatid

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“At si Cristong Diyos, Kanyang dinig, tahimik kong himig” (Mga Himno, blg. 141).

Mahirap marinig ang lahat ng nota. May sapat bang lakas-ng-loob si Sophie para umawit?

girl with cochlear implant singing with sister

Gustung-gustong kumanta ni Sophie. Kumakanta siya sa paaralan, sa tahanan ng mga kaibigan niya, at sa bahay. Ang simbahan ang paborito niyang lugar para umawit.

“Inay,” tanong ni Sophie isang araw, “Gusto ko pong matutong kumanta nang mas mahusay. Sa palagay po ba ninyo ay maaari akong kumuha ng mga lesson?”

“Mukhang magandang ideya iyan,” sabi ni Inay. “Titingnan ko kung ano ang malalaman ko.”

Hindi laging madali ang pagkanta para kay Sophie. Bingi siya at hindi marinig nang mag-isa ang halos lahat ng tunog. Mayroon siyang maliit na espesyal na kagamitan sa likod ng kanyang tainga para matulungan siyang makarinig. May kaunting pagkakaiba ang mga naririnig niya kumpara sa mga naririnig ng ibang tao. Ngunit mahilig pa ring kumanta si Sophie.

“Magandang balita, Sophie!” sabi ni Inay makalipas ang ilang araw. “Nakahanap ako ng klase na maaari mong salihan. Ito ay isang koro kasama ang iba pang mga bata na nag-aaral na kumanta nang sabay-sabay. Sinabi ng guro na makapagsisimula ka na bukas!”

Sumayaw nang kaunti si Sophie. Sabik na sabik siya!

Ngunit nang gabing iyon, nagsimula siyang kabahan.

“Gustung-gusto mo na bang pumasok sa klase mo bukas?” tanong ng ate niyang si Kayla.

Tumango si Sophie. “Oo. Pero medyo natatakot din ako. Sana hindi ko kailangang pumunta nang mag-isa.”

“Kaya mo ‘yan!” sabi ni Kayla. “Pero makakatulong ba kung sasama ako sa iyo? Maaari tayong mag-aral kumanta nang magkasama.”

Niyakap ni Sophie si Kayla. “Okay iyon.”

Kinaumagahan, gumigising nang maaga sina Sophie at Kayla upang magpunta sa klase nila. Kabadong-kabado si Sophie habang sumasakay siya sa kotse. Paano kung hindi niya maunawaan ang guro? Paano kung mahiya siyang makipagkaibigan? Paano kung pagtinginan siya ng mga tao?

Inihinto ni Inay ang kotse sa paradahan at pumihit para tumingin kay Sophie. Nagpadausdos si Sophie sa kanyang upuan.

“Hindi ko po sigurado kung gusto ko pang umalis,” sabi niya.

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Inay. “Sabik na sabik ka noon.”

Hindi umimik si Sophie. Tumingin lang siya sa lupa at kumuyakoy.

Ngumiti si Inay. “Hindi mo kailangang pumunta kung ayaw mo. Pero kung kinakabahan ka, maaari kang magdasal sa Ama sa Langit, at tutulungan ka Niya! Saka nandoon din si Kayla.”

Mahigpit na hinawakan ni Kayla ang kamay ni Sophie. “Kaya natin ito!” sabi niya.

Napalunok si Sophie. Parang puno ng kaba ang sikmura niya, pero bumaba pa rin siya mula sa kotse. Mahigpit siyang kumapit sa kamay ni Kayla habang naglalakad sila papasok sa silid-aralan.

Sa mga unang araw ng klase, laging nakaupo si Sophie sa tabi ni Kayla. Pagkatapos isang araw ay napansin ni Sophie ang isang batang babae na laging nakaupo nang mag-isa. Siguro ay natatakot rin ito. Lumapit si Sophie at naupo sa tabi nito.

“Hi!” sabi ni Sophie. “Puwede ba akong maupo rito?” Tumango ang batang babae. Hindi nagtagal ay nagtatawanan na sila at nag-uusap. Natuwa si Sophie na may sapat siyang lakas-ng-loob para magkaroon ng bagong kaibigan.

Napakasayang kumanta kasama ang grupo! Gustung-gusto ni Sophie na pag-aralan ang mga nota at sabayan ng padyak ng mga paa ang saliw ng musika. Naturuan pa niya ang ilan sa mga bata kung paano sambitin ang mga salita gamit ang sign language.

Isang araw ay may mahalagang pahayag ang guro. Lahat sa klase ay aawit ng tatlong solo sa isang espesyal na programa. Sa bahay, nagsikap nang husto sina Kayla at Sophie na magsanay para sa kanilang mga solo. Hindi magtatagal at maaawit na ni Sophie ang kanyang unang dalawang solo. Ngunit ang huling solo ay talagang napakahirap! Hindi niya marinig ang lahat ng nota. Paano niya ito makakanta nang mag-isa sa harap ng napakaraming tao?

Naalala ni Sophie ang sinabi ni Inay tungkol sa pagdarasal sa Ama sa Langit para humingi ng tulong. Lumuhod siya. “Ama sa Langit, napakahirap po para sa akin ang huling awiting ito. Maaari ba ninyo akong tulungang makahanap ng paraan na awitin ito at hindi masyadong kabahan?”

Sa kanyang sumunod na klase sa pagkanta, lumapit kay Sophie ang kanyang guro. “Alam kong kinakabahan ka sa pangatlo mong solo. Gusto mo bang awitin iyon kasama si Kayla? Maaari itong maging isang solo ninyong magkapatid!”

Ngumiti si Sophie. Nakadama siya ng sigla at saya. Alam niya na sinasagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin.

Sa pagtatanghal, inawit ni Sophie ang kanyang unang dalawang solo nang may tiwala. Nang oras na para sa kanyang ikatlong solo, tumayo siya at hinawakan ang kamay ni Kayla. Umakyat sila sa entablado at inawit ang sister solo nang malakas at may pagmamalaki. Hindi kinabahan o natakot si Sophie! Sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin sa paraang hindi niya inasahan, ngunit lubos na nagpasalamat siya na lagi Niya siyang naririnig.

Friend Magazine, Global 2021/04 Apr

Mga paglalarawan ni Alyssa Petersen