Pinangunahan ni Braden ang Daan
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Naganap ang kuwentong ito sa Louisiana, USA.
Maganda ang buhay sa alagaan ng mga buwaya. Ngunit may isang bagay na kulang.
“Ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya” (1 Timoteo 4:12).
Dinala nina Braden at Itay ang mabibigat na timba ng mga pakain papunta sa pakainan. Lumitaw sa tubig ang mga tuktok ng mga ulo ng mga buwaya at lumangoy palapit sa kanila. Nang makarating sina Braden at Itay sa pakainan, binuksan ng ilan sa mga buwaya ang kanilang bunganga.
Pero hindi takot si Braden. Ang magtrabaho kasama si itay sa alagaan ng mga buwaya ay napakasaya.
“Oras na para magpakain!” sabi ni Braden. Sumandok siya ng isang tabo ng pakain at inihagis ang mga ito sa tubig.
Chomp. Chomp. Splash.
Ang ilan sa mga pakain ay nakuha ng mga buwaya sa ere. Ang iba naman ay kinain ang mga ito nang tumama sa tubig. Patuloy na nag-iitsa ng pagkain sina Braden at Itay hanggang sa wala nang laman ang kanilang mga timba.
“Salamat at tinulungan mo ako,” sabi ni Itay. “Tayo na. Parating na ang mga missionary.”
Nagsimulang makipag-usap si Braden at ang kanyang pamilya sa mga missionary ilang buwan na ang nakararaan. Gusto niya ang mga missionary! At gusto niyang matuto tungkol sa Simbahan. Miyembro ng Simbahan si Itay, pero hindi na siya gaanong nagsisimba. Hindi pa nabinyagan sina Inay at Braden.
“Noong nakaraang linggo nagtakda ka ng mithiin na basahin ang Mosias 18,” sabi ni Sister Cox nang gabing iyon. “Kumusta, ano ang kinalabasan noon?”
Nagtinginan sina Inay at Itay at sandaling tumahimik. “Abala kami ngayong linggo,” sabi ni Inay.
“Binasa ko po ito!” sabi ni Braden.
“Ang galing!” Sabi ni Sister Blood, na itinaas ang kamay para makipag-apir. “Ano ang naramdaman mo matapos mo itong mabasa?”
Malaki ang ngiti ni Braden. “Talagang mabuti. At ipinagdasal ko na mabinyagan ako. Gusto ko po talaga.”
“Maganda iyon! Alam kong pinasasaya nito ang Ama sa Langit,” sabi ni Sister Cox. Bumaling siya sa Inay ni Braden. “Ano ang nararamdaman ninyo tungkol dito?”
“Hindi pa rin ako sigurado. Siguro ay kailangan ko ng kaunting panahon pa,” sabi ni Inay.
Bahagyang nalungkot si Braden sa natitirang bahagi ng lesson. Nais niyang maging parehong miyembro ng Simbahan ang kanyang mga magulang. At gusto rin niyang maging miyembro ng Simbahan!
Nang umalis ang mga missionary, sinabi niya sa kanyang mga magulang na seryoso siya sa sinabi niya. “Gusto ko po talagang magpabinyag. At … ,” huminga nang malalim si Braden. “Nais ko pong si Itay ang magbinyag sa akin.”
Matapos ang ilang sandali, nagsalita si Itay. “Gusto ko rin iyon.”
Tahimik si Inay. “Ipagdasal natin ito.”
Lumuhod si Braden kasama ang kanyang pamilya at itinanong sa Ama sa Langit kung siya at si Inay ay dapat binyagan. Nakadama siya ng saya at pagmamahal.
Nang sumunod na ilang linggo, binasa ni Braden ang mga banal na kasulatan at nanalangin araw-araw. Noong una, palaging siya ang nagtatanong sa kanyang mga magulang kung magdarasal sila at magbabasang kasama niya. Ngunit hindi nagtagal, sila na ang nagtatanong sa kanya. Kapag pinapakain nila ni Itay ang mga buwaya, nag-uusap sila tungkol sa mga banal na kasulatan o kung ano ang natutuhan nila sa simbahan. Pag-uusapan nila ni Inay ang tungkol sa mga missionary lesson. Araw-araw, tila mas masaya sina Inay at Itay.
Isang araw habang nagtuturo ng lesson ang mga missionary, sinabi ni Inay ang mga salitang hinihintay ni Braden: “Gusto kong magpabinyag.”
Nang mga sumunod na linggo, pakiramdam ni Braden ay parang nakalutang siya sa mga ulap.
Sa wakas, ito na ang araw ng binyag nina Inay at ni Braden. Nang umahon si Braden mula sa tubig, nadama niya ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanya at sa kanyang pamilya. Niyakap niya nang mahigpit si Itay.
Mahigpit na niyakap ni Itay si Braden at bumulong, “Maraming salamat sa pagiging mabuting halimbawa at pagtulong sa amin. Mahal kita.”