2021
Ang Paalala ng CTR
Abril 2021


Ang Paalala ng CTR

Ang awtor ay naninirahan sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Naganap ang kuwentong ito sa Philippines.

“At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon” (Deuteronomio 6:18).

“Alalahanin kung sino ka at ano ang pinaninindigan mo,” sabi ni Sister Aquino.

girl in dress looking at her CTR ring

Ngumiti si Raish habang palabas siya ng chapel. Narinig niya ang musika ng piyano na nagmumula sa bulwagan. Oras na para sa Primary!

“Tamang landas ay piliin at ligaya ay kakamtin,” pag-awit ni Raish kasama ang iba pang mga bata. “Tamang landas ay piliin.”

Matapos ang oras ng pag-awit, tumayo si Sister Aquino sa harapan ng silid. “Mayroon pa rin ba sa inyong may singsing na CTR?” tanong niya.

Itinaas ni Raish ang kanyang kamay. “Ako po!” sabi niya. “Nakatago po yung sa akin sa lalagyan sa bahay.”

“Magaling, Raish,” sabi ni Sister Aquino. “Naaalala ko noong bata pa ako, laging sinasabi sa akin ng aking inay, ‘Alalahanin mo kung sino ka at kung ano ang pinaninindigan mo.’ Umaasa ako na lahat kayo ay gagawin ang lahat para piliin ang tama.”

Nang makauwi si Raish mula sa simbahan, tumakbo siya papunta sa kahon ng kanyang aparador at inilabas ang kanyang singsing na CTR. Gusto niyang isuot ito nang mas madalas para maalala niyang piliin ang tama.

Kinabukasan sa paaralan, dinala ni Raish ang kanyang tanghalian sa mesa kung saan laging nakaupo ang mga kaibigan niya. Gustung-gusto niyang makipag-usap kina Julia at Bituin!

Nagtatawanan sina Raish at ang kanyang mga kaibigan dahil sa paborito nilang pagtatanghal nang lumapit ang isang bagong batang babae. Umupo siya sa tabi ni Julia. “Hi,” mahina niyang sinabi. “Ako si Imelda.”

“Um, teka nga!” sabi ni Julia. “Mesa namin ito.”

Tumayo si Imelda. “Ah,” mabilis niyang sabi. “Sori.” Tumingin siya sa lupa at lumakad palayo.

Napakunot ng noo si Raish. “Bakit mo sinabi iyan?” tanong niya kay Julia. Dapat maging mabait tayo sa kanya. Bago pa siya at baka kailangan niya ng mga kaibigan.”

“Pero mesa natin ito,” sabi ni Julia.

“Oo,” sabi ni Bituin.

Tiningnan ni Raish ang kanyang pagkain. Nalungkot siya para kay Imelda. Pero takot siyang magsalita pa. Paano kung magalit sina Julia at Bituin sa kanya?

Nang gabing iyon, patuloy na iniisip ni Raish si Imelda. Nagpasiya siyang magdasal. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong malaman kung ano ang gagawin tungkol sa mga kaibigan ko. Tulungan po Ninyo akong piliin ang tama.”

Sa paglipas ng linggo, hinanap ni Raish si Imelda araw-araw sa oras ng tanghalian. At araw-araw, nakita niyang mag-isang nakaupo si Imelda. Nalungkot si Raish para sa kanya. Nais niyang imbitahan si Imelda na maupo sa kanilang mesa, pero kaya ba niyang manindigan kina Julia at Bituin? Hindi talaga alam ni Raish kung ano ang gagawin.

Isang araw ay nakita ni Raish si Imelda na dumaan sa kanilang mesa. “Tingnan mo yung bagong bata,” malakas na sabi ni Julia. “Nakabalot lang sa dahon ng saging ang tanghalian niya. Ha!”

Tumawa si Bituin. “Wala man lang pera ang pamilya niya para makabili ng baunan.”

Napakagat ng labi si Imelda. Nagsimula siyang maglakad nang mas mabilis.

Tiningnan ni Raish ang singsing na CTR sa kanyang daliri. Gusto niyang piliin ang tama. Pagkatapos ay mayroong biglang pumasok sa kanyang isipan. Iyon ang sinabi ni Sister Aquino sa Primary. Tandaan kung sino ka at ano ang iyong pinaninindigan. Gusto niyang maging mabait palagi at manindigan sa tama.

Bumaling si Raish sa kanyang mga kaibigan. “Tumigil na kayo,” sabi niya. “Walang ginagawa si Imelda sa inyo. Hayaan n’yo na lang siya.”

Tiningnan nang masama ni Julia si Raish.

Tumayo si Raish. “Mauupo ako sa tabi ni Imelda,” sabi niya. Dinala niya ang kanyang pagkain sa bakanteng mesa kung saan nakaupo si Imelda. Nagulat si Imelda.

“Hi,” sabi ni Raish. “Sori hindi kami naging mabait sa iyo. Gusto kitang maging kaibigan.”

Ngumiti si Imelda. “Salamat,” marahan niyang sabi.

Gumanti ng ngiti si Raish. Natuwa siya na puwede siyang maging kaibigan ni Imelda. At natuwa siya na pinili niya ang tama.

Friend Magazine, Global 2021/04 Apr

Mga paglalarawan ni Jennifer Eichelberger