2021
Kapanatagan mula sa Kaibigan
Agosto 2021


Isinulat Mo

Kapanatagan mula sa Kaibigan

girl with cast sitting in bed and reading Friend magazine

Isang araw nagbisikleta ako pauwi mula sa paaralan. Habang papalapit ako sa bahay namin, nakita kong hawak ng nanay ko ang aming bagong tuta. Tuwang-tuwa akong makita sila, kaya mabilis akong bumaba sa bisikleta. Bigla akong nakarinig ng malakas na lagutok! Naramdaman ko agad na sumakit ang kanang braso ko. Halos hindi ko ito maitaas.

Isinugod ako ng nanay ko sa ospital. Pagdating namin, in-X-ray ng doktor ang braso ko. Sinabi niya sa amin na may bukol sa buto ko. Hindi ko alam kung ano iyon, kaya ipinaliwanag niya. “Nagkakaroon ng bukol sa buto kapag napuno ng likido o tubig ang guwang sa buto,” sabi ng doktor. “Kaya’t napakadaling mabali nito.”

Sinabi ng doktor na baka kailanganing operahan ako. Nakakatakot iyong pakinggan. Sinabi niya sa amin na kakausapin niya kami pagkalipas ng ilang linggo para magpasiya kung kailangang operahan ako o hindi. Bago sumapit iyon, kakailanganin kong magsuot ng sling para sa aking braso. Habang pauwi, panay ang dasal ko sa isipan ko. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong maging matapang. Talagang nakakatakot po ito. Tulungan po Ninyo akong magtiwala sa sarili ko.

Makalipas ang isang buwan, pumunta ako sa doktor para malaman kung kailangan akong operahan. Natatakot pa rin ako. Kalalabas pa lang ng magasin na Kaibigan para sa buwang iyon, at sinimulan ko itong basahin. Ang komiks na Matt at Mandy ay kuwento tungkol sa kung paano nabali ang braso ni Matt (Okt. 2019). Kinailangan siyang operahan. Katulad ko!

Matapos kong basahin ito, napayapa ako. Nagdasal ako para pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagsagot sa aking panalangin. Alam ko na maaari akong maging matapang anuman ang mangyari. Nagpasalamat din ako sa Ama sa Langit sa laging pakikinig sa akin at na nariyan Siya para sa akin, tulad ng isang tunay na kaibigan.

Paglalarawan ni Katie Kath