Ang Mahalagang Panauhin
Ang mga awtor ay naninirahan sa Dar Es Salaam, Tanzania, at sa Utah, USA.
Paano matutulungan ni Ammon ang kanyang pamilya sa masayang pagtanggap sa kanilang mahalagang panauhin?
“Magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, … isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 88:119).
Sabado ng hapon noon. Gusto ni Ammon na maglibang nang kaunti.
“Mamma,” sabi niya, “puwede po ba akong lumabas at maglaro?”
“Linisin mo muna ang kuwarto mo,” sabi ni Mamma.
“Pero, Mamma,” sabi ni Ammon, “hindi po ba puwedeng makapaghintay ang kuwarto ko?”
“Gusto nating mag-anyaya ng isang mahalagang panauhin. Kaya gusto nating malinis at maayos ang bahay natin.”
“Isang mahalagang panauhin?” sabi ni Ammon. “Sa bahay natin?”
“Oo, at maaari kang makatulong na maanyayahan siya,” sabi ni Mamma. “Kaya’t kumilos ka na at maglinis ng kuwarto mo.”
Tuwang-tuwa si Ammon. Gustung-gusto niya na may mga panauhin. Inisip niya kung sino kaya ang magiging panauhin. Ang mayor ba? Ang headmaster mula sa paaralan? Baka ang bishop iyon!
Pumasok si Ammon sa kanyang kuwarto. Ang unang nakita niya ay ang kanyang maruruming medyas sa sahig. Inilagay niya ito sa lalagyan ng labada. Pagkatapos ay inilagay ni Ammon ang kanyang aklat sa mesa. Gusto niyang malaman ng panauhin na gustung-gusto niyang matuto ng mga bagong bagay.
Pumasok sa kuwarto ni Ammon ang kanyang ate Angel. “Ano ang ginagawa mo?” tanong nito.
“Sabi ni Mamma may darating tayong mahalagang panauhin,” sabi ni Ammon. “Nagpatulong siya sa akin na maging handa para sa panauhin.”
Pinuntahan nilang dalawa ang kanilang Mamma na nasa pintuan.
“Ano pa po ang puwede naming gawin para maging handa?” sabi ni Ammon. “Gusto naming maramdaman ng panauhin natin na masaya natin siyang tinatanggap.”
“Ano ba ang mga ideya ninyo?”
“Maaari nating sabihin ang karibu,” sabi ni Ammon. Sa Swahili ang ibig sabihin nito ay, “Masaya kang tinatanggap sa aming bahay. Maaari kang magsalita.”
“Makikinig kami,” sabi ni Angel. “Mahalagang makinig.”
“Magagandang ideya iyan,” sabi ni Mamma. “Tingnan natin kung ano ang sasabihin ni Baba (Itay) pag-uwi niya.”
Pagkalipas ng isang oras, dumating si Baba.
Naghihintay si Ammon. “Sabi po ni Mamma mag-aanyaya tayo ng isang espesyal na panauhin sa bahay natin. Naghahanda na po kami.”
Ngumiti si Baba. “Nakakatuwa naman. Halika. Maupo ka. Mag-usap tayo. Angel, halika rin dito.”
Nang magkakasama na silang lahat, sabi ni Baba, “pinag-uusapan namin ni Mamma ang espesyal na panauhin natin at ang maaari nating gawin para maramdaman niyang masaya natin siyang tinatanggap. Una, sasabihin ko sa inyo kung sino ang ating panauhin. Siya ang Espiritu Santo. Isa Siya sa mga pinakamahalagang panauhin sa lahat.”
Nagkatinginan sina Ammon at Angel. Hindi iyon ang inaasahan ni Ammon!
“At Siya ay panauhin na puwede nating anyayahan na makasama palagi,” sabi ni Mamma. “Angel, matapos kang binyagan, kinumpirma ka. At binigyan ng kaloob. Naaalala mo ba ang sinabi ni Baba sa basbas?”
“Sinabi niya po sa akin na tanggapin ang Espiritu Santo.”
“Tama,” sabi ni Mamma. “Inanyayahan kang tanggapin ang Espiritu Santo. Kaya, Ammon, nang sabihin ko sa iyong makatutulong ka sa pag-anyaya sa Kanya, ano ang ibig kong sabihin?”
Nag-isip si Ammon. Nagplano siyang gumawa ng kard para maanyayahan ang kanilang panauhin. Pero paano niya maaanyayahan ang Espiritu Santo? “Siguro po kapag ginagawa ko ang mga bagay na nagpaparamdam sa Kanya na masaya ko Siyang tinatanggap, inaanyayahan ko na Siya,” sabi ni Ammon.
“Tama!” sabi ni Baba. “Ang isang paraan para maanyayahan natin Siya sa ating tahanan ay gawin itong bahay ng kaayusan.”
“Kaya po ba gusto ni Mamma na linisin namin ang mga kuwarto namin?” tanong ni Ammon.
“Oo!” sabi ni Mamma. “Ano pa ang maaari nating gawin para maanyayahan Siya na mapasaatin?”
“Puwede po tayong magdasal,” sabi ni Ammon. “At magbasa ng mga banal na kasulatan.”
“Maaari tayong makinig ng magandang musika,” sabi ni Angel. “Maaari tayong kumanta ng mga himno nang magkasama.”
“Maaari tayong maging mabait at huwag mag-away-away,” sabi ni Ammon.
“Tama,” sabi ni Baba. “Kapag sinisikap nating gawin ang itinuro ni Jesucristo, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na makasama natin. At tutulungan Niya ang tahanan natin na maging lugar kung saan madarama natin ang pagmamahal at kapayapaan.”
Nag-isip sandali si Ammon. “Tama po kayo, Baba. Ang Espiritu Santo ay isa sa mga pinakamahalagang panauhin sa lahat!”