Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Olga Šnederfler
Unang Matron sa Templo mula sa Czechoslovakia
Alam ni Olga na pupunta siya sa templo balang-araw.
Tinitigan ni Olga ang larawan ng templo na nakasabit sa kanyang dingding. Bumuntong-hininga siya. Kung makakapunta lang sana ang pamilya niya sa templo! Pero walang malapit na templo sa kanila, at napakahirap umalis ng kanyang bansa.
Si Olga ay nabinyagan ilang taon na ang nakararaan. Pero napilitang lisanin ng mga missionary ang bansa. Hindi na pinapayagang magsimba ang mga miyembro ng Simbahan. Hindi man lang nila nakakausap ang iba tungkol sa kanilang pananampalataya.
Patuloy pa ring ipinamumuhay ni Olga ang ebanghelyo. Gayundin ang kanyang asawang si Jirí. Nanalangin sila at nagbasa ng mga banal na kasulatan. Nagkaroon sila ng home evening at tinuruan ang kanilang mga anak. Tuwing Linggo, nagdaraos sila ng sacrament meeting sa kanilang maliit na apartment. Nagsabit sila ng maraming larawan ng templo.
At nang malungkot si Olga at kanyang pamilya, inalala nila na may libu-libong miyembro ng Simbahan sa buong mundo.
Isang araw may isang nakatutuwang bagay na nangyari. Bumisita si Pangulong Russell M. Nelson, dating Sunday School General president, sa kanilang bansa. Ngumiti si Olga nang kamayan niya si Pangulong Nelson. Pagkatapos ay may sinabi ito sa kanya na espesyal na pangako. “Sister, balang-araw ay makakapunta ka sa templo.”
Sumigla ang puso ni Olga. “Salamat po!” sabi niya.
Lumipas ang mga buwan. At mga taon. Umaasam na nakatitig si Olga sa mga larawan ng templo na nakasabit sa mga dingding. Parang imposible nang makarating sa templo!
Pagkaraan ng apat na taon, inanyayahan sina Olga at Jirí na pumunta sa pangkalahatang kumperensya sa Salt Lake City, Utah, USA. Nag-alala si Olga na baka hindi sila makapunta. Mahirap pa rin ang mga bagay-bagay sa kanilang bansa. Kailangan ng maraming papeles para makapaglakbay. Pero naging maayos naman ang lahat. Kabadong-kabado si Olga nang lumipad na ang eroplano nila papuntang Estados Unidos. Isang himala iyon!
Nagpunta sina Olga at Jirí sa kumperensya at nakinig sa propeta. Nakita nila ang Temple Square at nakapunta sa visitors’ center. Pero ang pinakamaganda ay ang pagpasok sa templo!
Nakasuot ng puting damit, pakiramdam ni Olga ay nasa langit siya habang gumagawa ng espesyal na mga pangako sa Diyos. Naibuklod pa siya kay Jiri. Ang pangako ni Pangulong Nelson ay nagkatotoo!
Umuwi na sina Olga at Jirí. Sa paglipas ng panahon, mas bumuti ang mga bagay-bagay sa kanilang bansa. Sa huli ay nakapunta na sila sa simbahan, at makakapagturo nang muli ang mga missionary.
Isang araw tumunog ang telepono. Si Pangulong Thomas S. Monson iyon. Tinawag niya si Olga na maging matron ng Freiberg Germany Temple. Si Jirí ang temple president.
Nakangiti si Olga habang nakatayo suot ang kanyang mahaba at puting damit sa loob ng Freiberg Temple. Dati tila napakalayo ng templo. Pero ngayon maaari niya itong namnamin araw-araw! Napakagandang pangarap iyon na natupad.