Ang Desisyon tungkol sa Droga
May dapat ba akong pagsabihan nito? tanong ni Alvin.
“Tama’y gawin, ang bunga’y makikita” (Mga Himno, blg. 144).
Narinig ang tunog ng bell sa buong palaruan. Tapos na ang recess. Itinabi ni Alvin ang kanyang basketball at nagpunta sa silid-aralan.
“Magsiupo na kayong lahat at kunin ang mga aklat ninyo sa Math,” sabi ng kanyang guro na si Gng. Hall.
Umupo na si Alvin at inabot ang kanyang bag. Maya-maya ay narinig niyang may kumatok sa pintuan ng silid-aralan. Binuksan ni Gng. Hall ang pinto at nakipag-usap sa isa pang guro.
Mga ilang desk ang layo mula sa kanya, narinig niyang nagbubulungan sina Blake at Jared.
“Pssst! “Tingnan mo ito!”
“Wow!”
“Gusto mong tikman natin mamayang uwian?”
Ano kaya ‘yun? tanong ni Alvin.
Halos hindi niya makita sina Blake at Jared sa sulok ng mata niya. Parang may dinudukot sa bulsa na maliit na plastik na bag ang isa sa kanila.
Sandali, mga droga ba ‘yun?!
Bumilis ang tibok ng puso ni Alvin. Kinausap silang magkakapatid noon ng kanyang mga magulang tungkol sa droga. Alam niya na ang mga droga ay labag sa Word of Wisdom at maaaring mapinsala nito ang katawan at utak. Alam din niya na mapanganib uminom ng gamot na hindi sa iyo.
Ano ang gagawin ko? naisip ni Alvin. Lumingun-lingon siya. Maaaring mapinsala ng mga drogang iyon ang isang tao! Tila wala ni isa sa iba pang mga bata ang nakakapansin. May dapat ba akong pagsabihan nito? O magkunwari na lang na hindi ko ito nakita?
Nahirapang magpokus si Alvin sa Math. Hindi siya makapokus sa oras ng pagbasa. Sa tanghalian, parang may nakadagan na bato sa dibdib niya.
“OK ka lang ba?” tanong ng kanyang kaibigang si Mitch.
Nagkibit-balikat si Alvin.
“Ano ang nangyayari? Sabihin mo sa amin,” sabi ng kaibigan niyang si Hazel.
Kaya sinabi sa kanila ni Alvin ang nakita niya. “Palagay ko kailangan kong sabihin kay Gng. Hall.”
“Pero paano kung malaman nila na ikaw ang nagsabi?” sabi ni Mitch. “Baka talagang magalit sila sa iyo.”
Sumang-ayon si Alvin. Pero naroon pa rin ang bigat sa dibdib niya. Sa huli ay nagdesisyon siya. Sasabihin na niya ito sa kanilang guro.
“Sasamahan kita,” sabi ni Hazel.
Natagpuan nina Alvin at Hazel si Gng. Hall sa kanyang silid-aralan.
“Gng. Hall?” tanong ni Alvin. “Puwede ko po ba kayong makausap nang sarilinan?”
“Oo naman,” sabi ni Gng. Hall. “Ano ang maitutulong ko sa iyo?”
“Um … ,” sabi ni Alvin. Magiliw na ngumiti si Gng. Hall. Lumakas ang loob niya dahil dito. “Nakita ko po sina Blake at Jared na may dalang droga sa klase natin kanina. Nadama ko po na kailangan kong sabihin sa inyo.”
“Tama ang ginawa mo,” sabi ni Gng. Hall. “Puwede mo akong kausapin kapag may nakikita kang problema. Ako ang bahala.”
Bumuntong-hininga si Alvin. Gumaan ang pakiramdam niya.
Nang hapong iyon, dumating sa klase nila ang assistant ng punong-guro at pinapunta sina Blake at Jared sa pasilyo.
Hindi bumalik sa klase ang mga batang lalaki nang tatlong araw.
Nang sa wakas ay bumalik na sila, kinabahan si Alvin na makita silang muli.
Paano kung malaman nila na ako ang nagsabi sa guro? naisip niya. Paano kung talagang magalit sila sa akin?
Pero naupo lang sila at nagbiruan, tulad ng dati.
“Saan kayo nanggaling?” tanong ng isa pang kaklase.
“Ah … uh … nahulihan kami ng masamang bagay sa paaralan,” sabi ni Blake. “Kaya pinauwi kami.”
Nag-usap-usap na ang lahat, at napanatag na rin sa wakas si Alvin. Masaya siya na sinabi niya ang tungkol sa mga droga para makatulong na manatiling ligtas ang iba. Gusto niyang piliin ang tama para mapanatiling ligtas at malusog ang kanyang katawan.