Pinakikinggan pa rin ang Awit ni Itay
Nangulila nang husto si Leah sa kanyang ama.
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata” (Apocalipsis 21:4).
Ibinaba ni Leah ang schoolbag niya pagpasok niya sa kuwarto niya. Dahan-dahan siyang humiga sa kanyang kama at idiniin ang unan sa tiyan niya. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Ashley tungkol sa kanyang ama.
Nagpakamatay ang tatay ni Leah ilang buwan na ang nakalipas. Nangulila siya rito nang husto. Hinanap-hanap niya ang bantog na mga meatball nito. Hinanap-hanap niya ang pagpapasaya nito sa kanyang Inay. At hinanap-hanap niya ang panonood sa pagtugtog nito ng gitara.
Kung minsan kapag malungkot siya, pinakikinggan ni Leah ang musika nito. Pinadalhan din niya ito ng mga liham. Iningatan niya ang mga ito sa kahon ng mga alaala na nasa kabinet niya. Iyon din ang kahon kung saan niya itinabi ang salamin sa mata ni Itay, ang lumang sumbrero nito sa baseball, at iba pang mga bagay na gusto nito. Iyon ang paraan ng paggunita niya rito.
Pero parang walang gana si Leah na makinig sa musika o sumulat ng mga liham ngayon. Malungkot siya, pero medyo galit din. Idiniin niyang lalo ang unan at nagsimula siyang umiyak.
Marahang kumatok sa pinto si Inay. “OK ka lang ba?” tanong ni Inay.
Suminghot si Leah at umupo. Umupo si Inay sa kama sa tabi niya.
“May sinabi pong hindi maganda si Ashley,” sabi ni Leah. “Tungkol kay Itay.” Patuloy na pumatak ang mga luha mula sa mga mata ni Lea. “Sabi niya hindi makakapunta sa langit si Itay dahil sa paraan ng pagkamatay niya.”
“Naku, anak,” sabi ni Inay, at niyakap si Leah. “Hindi totoo iyan.” Pinahid nito ang ilang luha ni Leah. “Nang mamatay ang tatay mo, maysakit siya sa utak. Nauunawaan ng Ama sa Langit ang nadarama ni Itay noon at kung bakit siya nasasaktan.”
“Isa siyang mabuting tao,” sabi ni Leah. “Mahal siya ng Ama sa Langit at tinutulungan siya, tama ba?”
“Si Itay ay mabuting tao, Leah. Mahal na mahal ka niya.” Pinahid ni Inay ang sarili niyang luha. “At talagang mahal siya ng Ama sa Langit. Alam kong mahal Niya siya.”
“Pero paano ninyo nalaman?” tanong ni Leah.
“Dahil ipinagdarasal ko ito kung minsan,” sabi ni Inay. “At kahit nangungulila ako sa kanya at masakit, nakadarama rin ako ng mga sandali ng kapayapaan.”
Tumango si Leah.
“Nalulungkot ako na sinabi iyon sa iyo ni Ashley,” sabi ni Inay. “Alam ko na isa si Ashley sa matatalik mong kaibigan, at talagang masakit iyon para sa iyo.”
“Opo.” Tumahimik sandali si Leah. Pagkatapos ay itinanong niya, “Puwede po ba tayong magdasal nang sabay?”
“Siyempre naman.”
Lumuhod sina Inay at Leah. Pagkatapos ay nagsimulang magdasal si Leah. “Ama sa Langit, talaga pong nangungulila ako kay Itay. OK po ba siya? Tulungan po ninyong gumanda ang pakiramdam ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Iniunat ni Leah ang kanyang mga bisig at muling niyakap si Inay. Medyo gumanda ang pakiramdam niya. Talagang nalungkot pa rin siya, pero hindi na siya nag-aalala tungkol sa tatay niya. Alam niyang mahal ito ng Ama sa Langit, at alam niya na mahal din siya ng Ama sa Langit.
“Salamat po, Inay.” Huminga nang malalim si Leah. “Matutulungan po ba ninyo akong kausapin si Ashley?”
“Magandang ideya iyan,” sabi ni Inay. “Sa palagay ko hindi niya sinadyang saktan ang damdamin mo, pero makakabuting malaman niya kung bakit masakit ang sinabi niya. Tatawagan ko ang nanay niya at titingnan ko kung puwede silang pumunta bukas para magkausap tayo.”
“OK po,” sabi ni Leah. “Palagay ko matatahimik na ako ngayon.”
Tumango si Inay. “Sabihin mo sa akin kung may kailangan ka.”
Pinatugtog ni Leah ang musika ng tatay niya. Pumikit siya at nakinig sa tugtog ng gitara nito. Pagkatapos ay inilabas niya ang isang papel at sinimulang sulatan ito ng liham.