Digital lamang: Maging Kabilang
Kapag Hindi Mo Alam Kung Ano ang Sasabihin
Nang magpakamatay ang aming anak, naroon ang mga inspiradong taong tumulong para panatagin kami.
Pitong taon na ang nakararaan, nagpakamatay ang anak naming si Daniel.
Noong araw na mamatay siya, hindi namin alam kung nasaan siya. Tinawagan namin ang lahat ng kaibigan niya, ospital, at pulis, pero walang nakakita sa kanya. Matagal nang may depresyon si Daniel at limang taon niyang inisip na magpakamatay, kaya kinutuban na kaming mag-asawa kung ano ang maaaring nangyari. Sa huli, nakontak ng asawa kong si Celi ang mga kasama niya sa kuwarto, na nakita siya sa kuwarto niya.
Kabilang Sila na Nagdadalamhati
Sa palagay ko ang mawalan ng anak ang maaaring pinakamasakit na mangyari sa isang magulang. At walang makakapawi sa sakit na iyan, ngunit malaki ang magagawa ng mga tao sa paligid mo para tulungan kang malagpasan ang kalungkutan mo. Sa napakalagim na panahong iyon, naroon ang aming pamilya, mga kaibigan, at tulong. Sa unang gabi mismo na nalaman naming nawawala siya, agad tumulong ang mga tao. Nagdatingan ang aming mga kapitbahay, mga kaibigan ni Daniel, at mga lider namin sa Simbahan. Naghatid ng pagkain ang kababaihan ng Relief Society, at nag-ambag nang sapat para sa aming mga pangangailangan ang di nagpakilalang mga donor.
Kalaunan ay sinabi sa amin ng aming bishop na maraming taong gustong tumulong pero hindi nila alam kung paano. Kaya tinanong nila siya, “Ano ang magagawa namin para sa mga Hunt?”
Hindi ito madalas mangyari, pero kung minsan kapag narinig ng mga tao ang tungkol kay Daniel, hindi nila alam kung ano ang sasabihin o kung paano kami pakikitunguhan. Palagay ko katulad ito ng sitwasyon na hindi natin alam kung paano lapitan ang isang taong iba ang wikang sinasalita. Hindi natin alam kung ano ang sasabihin natin o nag-aalala tayo na baka mali ang masabi natin, kaya sa halip ay hindi na lang natin sila kinakausap. Pero sana sikapin nating tumulong. Malungkot mawalan ng mahal sa buhay at maaaring madama natin na nag-iisa tayo dahil dito. Ang katotohanan na napalibutan kami ng napakaraming tao na talagang tumulong ay gumawa ng malaking kaibhan.
Hindi Kami Nag-aalala para kay Daniel
Ang isang bagay na pinasalamatan namin ay ang maraming kuwentong narinig namin tungkol sa aming anak. Hindi kami nag-aalala para kay Daniel. Alam namin kung anong klaseng bata siya. Alam naming maysakit siya, at alam naming “ang Panginoon ay tumitingin sa puso” natin (1 Samuel 16:7). At napakabait ni Daniel. Alam namin iyan. Ngunit ang marinig ang sariling kuwento ng ibang mga tao tungkol kay Daniel ay kamangha-mangha.
Isa si Nate Olsen sa mga kaibigan ni Daniel. Magkaibigan na sila mula pa noong grade one sila. Nang mapaaga ng uwi ni Nate mula sa kanyang misyon dahil sa problema sa kalusugan, agad siyang niyaya ni Daniel sa tanghalian. Sinabi sa amin ni Nate na naroon si Daniel para makinig, magmahal, at magpalakas ng loob—sa panahong balisa at malungkot si Nate. Tulad ng sabi ni Nate, si Dan ang klase ng tao na talagang nagmamalasakit sa mga tao.
Maaari Nating Ipaalam sa Ibang Tao ang nasa Puso’t Isipan Natin
Mahalagang ipakita kung ano talaga ang pagkatao mo at tanggapin na ikaw ay tao lamang. Kung minsan kailangan nating humingi ng tulong at lumapit sa ibang tao—kahit tayo mismo ang nasasaktan. Maaari nating ipaalam sa iba ang nasa puso’t isipan natin at ipakita sa kanila kung sino tayo.
Makalipas ang pitong taon, mahirap pa ring makalimot. May mga pagkakataon na bigla na lang iiyak si Celi at sasabihing, “Nami-miss ko ang anak ko. Miss ko ang anak ko.” Pero nasabi niya na nakatanggap siya ng pag-alo sa mga sandaling iyon—espirituwal na pag-alo. Ang espirituwal na pag-alo ay ganap na pakikipag-ugnayan. Ang paghahanap ng espirituwal na pag-alo ang pinakamagandang paraan para madama na ganap kang kabilang. At kabilang sa espirituwal na kaaliwang ito ang mga taong anghel na nakadarama ng inspirasyong lumapit at tumulong.
Ikinuwento minsan ni Sheri L. Dew, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang isang General Authority na nagtanong kung paano masasabi na ang isang tao ay tunay na alagad ni Jesucristo. Nalito ako sa sagot noong una, pero lubos na akong sumasang-ayon ngayon: “Ang paraan na masasabi ninyo kung ang isang tao ay tunay na nagbalik-loob kay Jesucristo ay kung paano pinakikitunguhan ng taong iyon ang iba.”1 Ang paraan ng pakikitungo sa iba na katulad ni Cristo ay may paggalang, pagmamahal, at habag—sinuman tayo o anuman ang ating pinagdaraanan.