2021
Pamumuhay ayon sa Tipan: Isang Gabay para sa mga Returned Missionary
Pebrero 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pamumuhay ayon sa Tipan: Isang Gabay para sa mga Returned Missionary

Paano ako makakapag-adjust sa pamumuhay na muli sa aming tahanan?

dalagitang nakaupo sa upuan na hawak ang mga banal na kasulatan

Itinatanong ng lahat ng missionary sa kanilang sarili, “Paano ko pananatilihing malakas ang aking patotoo pagkatapos ng aking misyon?” Walang sinumang nagpaplanong umuwi at kalimutan ang katotohanang pinahalagahan at itinuro nila araw-araw sa kanilang misyon. Napakaganda ng mga karanasan ng mga missionary habang ipinamumuhay ang mga patakaran na nasa maliit na puting hanbuk.

Ngunit ang istruktura ng isang misyon ay hindi katulad ng istruktura sa tahanan.

Kapag umuwi ang isang missionary, maaari siyang manibago sa buhay na minsang naging pamilyar ngunit ngayo’y ganap nang kakaiba! Kung gayon, paano makasusumpong ng balanse ang isang returned missionary sa pagitan ng pagbitaw sa pamumuhay sa misyon at pananatiling tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo? Gustuhin man ninyo o hindi, ang paggising nang alas-6:30 n.u. araw-araw, pagkakaroon ng kompanyon sa loob ng 24/7, at pagpapatotoo sa bawat taong masalubong ninyo sa kalye ay malamang na hindi na mangyayari kapag inalis na ninyo ang inyong name tag at bumalik na kayo sa dating buhay pagkatapos ng misyon.

Nagmisyon ako sa Arkansas, USA. Mga isang buwan bago ako umuwi, sinabi ng mission president ko: “Hindi kayo magiging mga full-time missionary magpakailanman. Sa katunayan, napakaliit na bahagi lang ng buhay ninyo ang pagiging full-time missionary ninyo. Ngunit responsibilidad ninyo na palaging tuparin ang mga tipan magpakailanman.”

Binago ako ng mga salitang ito. Nang inisip ko ang mangyayari sa hinaharap, natanto ko na ang paghahandang umuwi ay hindi tungkol sa kung paano ko matatanggap na kailangan nang alisin ang name tag ko—tungkol ito sa paggamit ng natutuhan at naranasan ko sa misyon para ipamuhay ang aking mga tipan.

Nang matanto ko ito, nagdasal ako at nagsimulang gumawa ng listahan. Ginuhitan ko pababa sa gitna ang isang papel. Sa kaliwang panig isinulat ko ang “Buhay at mga Patakaran sa Misyon.” Sa kanang panig naman isinulat ko ang “Pamumuhay ng Aking mga Tipan.” Gumawa ako ng mga koneksyon sa pagitan ng dalawang listahan kaya binuo iyon ng iba-ibang gagawin ko na may kaugnayan sa isa’t isa. Sa huling araw ng aking misyon, kinuha ko ang papel at pinutol ito sa gitna. Binasa ko ang mga patakarang lubos kong nagamit sa buong misyon ko, at pagkatapos ay itinupi at itinapon ko ito. Itinago ko ang panig ng papel na sinulatan ko ng mga tipan at isinabit ito sa dingding ng bahay namin.

Natulungan ako ng listahang ito na isaisip ang aking mga tipan araw-araw habang nag-aadjust ako sa pag-uwi mula sa aking misyon. Ang listahan sa ibaba ay naglalaman ng mga ideyang personal na nakatulong sa akin, at maaari ring makatulong sa inyo:

Buhay at mga Patakaran sa Misyon

Mga Ideya sa Pamumuhay ng Aking mga Tipan

Gumising nang alas-6:30 n.u. araw-araw.

Sinisikap kong mamuhay ng isang buhay na nakalaan sa Diyos. Dapat akong gumising nang maaga para magugol ko ang araw nang may layunin.

Bisitahin ang mga investigator at di-gaanong aktibong mga miyembro araw-araw.

Sisikapin kong makidalamhati sa mga nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw. Kikilalanin, bibisitahin, at mamahalin ko ang mga taong nasa paligid ko.

Isusuot ko ang aking name tag at damit na pang-missionary.

Biniyayaan ako ng aking endowment ng temple garment. Magbibihis ako sa paraang may respeto sa aking garment at matutuwang muling magsuot ng karaniwang damit.

Dumalo sa mga missionary meeting linggu-linggo.

May pagkakataon akong panibaguhin ang aking mga tipan bawat linggo kapag naghahanda at tumatanggap ako ng sakramento.

Makipag-usap at magpatotoo sa lahat ng taong nakakasalamuha mo.

Nakipagtipan ako na sisikapin kong tularan ang aking Tagapagligtas. Pinangakuan ako na kapag inaalala ko Siya at sinusunod ang Kanyang mga utos, laging mapapasaakin ang Kanyang Espiritu. Sisikapin kong pakitunguhan ang lahat bilang mga anak ng Diyos at susundin ang Espiritu upang malaman kung paano ko sila matutulungan at mapaglilingkuran.

Walang pakikipagdeyt (o anumang uri ng romantikong relasyon).

Maaari kong pagsikapang matamo ang mithiin kong mabuklod sa templo sa pakikipagdeyt sa mga taong kapareho ko ang mithiin at pagbuo ng makabuluhang mga ugnayan sa iba.

Walang social media, TV, sine, pakikipagbarkada, atbp.

Gagamit ako ng mabuting media para matuto, mapalakas ang iba, at maging masaya sa buhay.

Pag-aralan ang mga banal na kasulatan dalawang oras sa isang araw.

Mahal ko ang Espiritu at ang kaalamang nagmumula sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. Pag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan kahit 10 minuto lang bawat araw.

Inihanda ako ng misyon ko sa mga paraang mahirap ilarawan para ipamuhay ang aking mga tipan. Ginagawa ko na ngayon ang kailangan kong gawin para manatiling matatag ang aking patotoo. Ang mga misyon ay hindi isang finish line o isang bagay na kalilimutan pagkauwi ninyo. Ang mga misyon ay maaaring maging tuntungang magpapasulong sa buhay ninyo bilang isang taong tumutupad ng tipan at bilang disipulo ni Cristo habambuhay. Mag-ukol ng panahon na itanong sa sarili kung talagang nauunawaan, pinagtutuunan ng pansin, at ipinamumuhay mo ang iyong mga tipan. Ang mga tipang iyon ay nagbibigkis sa atin sa Ama sa Langit, nagbibigay sa atin ng lakas mula sa kalangitan, at nagbibigay ng napakalaking liwanag sa ating buhay araw-araw.