2021
Nagsalita si Eliza nang May Awtoridad
Pebrero 2021


Mga Naunang Kababaihan ng Pagpapanumbalik

Nagsalita si Eliza nang May Awtoridad

Tayo, tulad nina Eliza R. Snow, ay maaaring harapin ang ating mga pangamba at magsalita nang may tapang.

illustration of Eliza R. Snow

Paglalarawan ni Toni Oka

Noong Abril 18, 1884, isang matandang babae na mukhang malungkot at nag-aalala ang tumayo at nagsalita sa kababaihan ng Relief Society sa Utah. Ito ang Relief Society General President na si Eliza R. Snow, at isang pahayagan ang magrereport na, bagama’t 80 anyos na, siya ay “nagsalita nang may matinding kapangyarihan at sigasig, at ang kanyang tinig ay tila malakas at pinuno nito ang malaking gusali.”1

Nang binyagan si Eliza, nangako siya sa Diyos na “pupurihin niya ang Kanyang pangalan sa kapisanan ng mga banal.”2 Nanatili siyang tapat sa pangakong iyon, at nagbigay ng mahigit isang libong sermon noong siya ay nabubuhay. Subalit ang mga nagkaroon ng pribilehiyong marinig siya ay maaaring magulat na malaman na ang pagsasalita sa publiko ay talagang nagpapakaba sa kanya. Kahit habang nagtuturo sa eskwelahan sa Nauvoo at nagtatala ng katitikan ng mga miting ng Relief Society doon, nag-atubili siyang magsalita.

Ang paanyaya na harapin ang kanyang kinatatakutan ay dumating noong 1868, nang hilingin ni Pangulong Brigham Young kay Eliza na tumulong sa pag-organisa ng mga Relief Society sa buong Utah. “Gusto kong turuan mo ang kababaihan,” sabi niya. Ang ideyang iyon ay lubhang nakakatakot kaya inilarawan ni Eliza na tumigil saglit ang pagtibok ng kanyang puso.3 Ngunit nagkaroon siya ng lakas-ng-loob na gawin ang lahat sa abot-kaya niya, at sa paglipas ng panahon nalaman niya na ang pagtanggap sa mahihirap na tungkulin ay pumuspos sa kanya nang lakas na lampas sa kanyang kakayahan.

Sa isang grupo, ipinaliwanag ni Eliza na tinawag siya ng Pangulo ng Simbahan para magmisyon, at nagpatotoo siya na napakadaling “gawin sa salita ang hinihingi sa atin.”4 Sa isa pang grupo, inamin ni Eliza na hindi siya magaling magsalita. “Ngunit sa inyong pananampalataya at mga panalangin at sa espiritu ng Panginoon, maaari akong makapagsalita ng isang bagay na makapapanatag at magpapala sa inyo.”5 Natutuhan niya sa pamamagitan ng karanasan na hangarin ang Espiritu para makapagsalita siya nang may kapangyarihan.

Hinikayat ni Eliza ang kababaihan na magkaroon ng lakas-ng-loob na manindigan at ibahagi ang kanilang patotoo: “Sa pagbigkas sa inyong mga pinakamahusay na kaisipan madaragdagan ang kanilang kaalaman at lalakas.”6 Hindi lamang siya natutong magsalita nang may awtoridad, kundi tinuruan niya ang iba na harapin ang kanilang takot at ibuka ang kanilang bibig.

Mga Tala

  1. “Editorial Notes,” Woman’s Exponent, vol. 12, no. 23 (May 1, 1884), 180.

  2. Minutes of the Senior and Junior Co-operative Retrenchment Association, June 22, 1872, Church History Library, Salt Lake City.

  3. Tingnan sa Eliza R. Snow, “Sketch of My Life,” 35.

  4. American Fork Ward Relief Society minutes and records, Oct. 29, 1868, Church History Library.

  5. Lehi Ward Relief Society minutes and records, Oct. 27, 1868, Church History Library.

  6. Alpine Ward Relief Society minutes and records, Oct. 29, 1868, Church History Library.