2021
Ministering o Paglilingkod sa mga Taong Nakabilanggo
Pebrero 2021


Ministering sa mga Taong Nakabilanggo

Ang kahalagahan ng kaluluwa ng isang tao ay hindi nababawasan dahil sa krimen.

man in prison

Larawan ng mga rehas na kuha ni Peggy Marie Flores; larawan ng mag-asawang naglalakad na kuha ni Nancy Ann Kirkpatrick; iba pang mga larawan mula sa Getty Images

Sa ngayon, mahigit 10 milyong mga tao ang nakapiit sa mga bilangguan o kulungan sa buong mundo.1 Si Jesucristo, na nagmamahal sa bawat tao at nakauunawa sa bawat paghihirap, ay hinihiling sa atin na paglingkuran ang lahat ng mga anak ng Ama sa Langit—kabilang na ang mga nakabilanggo. “Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang … nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:37–40).

Paano natin magagawa ang ipinagagawa ng Tagapagligtas at ligtas na mag-minister o maglingkod sa mga nakabilanggo? Ang artikulong ito ay nagbibigay ng mga pangunahing alituntunin bilang panimula. Mapanalanging talakayin sa mga lokal na lider ng Simbahan kung ano ang angkop at matalinong gawin sa inyong lugar.

Kapwa mga Anak ng Diyos

Kahit magkakaiba ang mga sistema ng hustisya, ang hamon na pagkabilanggo ay pare-pareho sa mga bansa at kultura. Si Doug Richens ang namamahala sa outreach o pagtulong sa mga nakabilanggong miyembro ng Simbahan. Nakikipag-ugnayan din siya sa iba pang mga relihiyon at grupo sa komunidad para tulungan ang mga naapektuhan ng pagkabilanggo, anuman ang kanilang pinagmulan o pananaw sa relihiyon.

“Ang isang karaniwang kaisipan hinggil sa mga nakabilanggo ay na silang lahat ay hindi mapagkakatiwalaan, marahas, at mapanganib,” sabi ni Brother Richens. “Gayunman, natuklasan ko na hindi ganyan ang karamihan. Pinagsisisihan ng karamihan ang kanilang mga ginawa. Sinisikap nilang mangibabaw sa mga maling pasiya ng nakaraan at mamuhay nang mabuti.”

Sa ilang bansa, halos kalahati ng lahat ng mga mamamayan ay may malapit na kapamilya na nakulong.2 Ang mga nakabilanggong kapatid, magulang, at mga anak na ito—ay bukod sa anumang kaugnayan sa mundo—kapwa mga anak ng Diyos.

Mortal at Walang-Hanggang Kahatulan

Kahit kailangan sa buhay na gumawa tayo ng mga paghatol, ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang tanging ganap na makahahatol sa isang tao batay sa kanilang sitwasyon, kilos, at mga hangarin (tingnan sa I Samuel 16:7). Ang ganap na paghatol na iyon ay tiyak na isasaalang-alang ang mga kalagayan ng mga tao noong sila ay isinilang na malamang na dahilan ng pagkabilanggo, tulad ng trauma ng pamilya, patuloy na kahirapan sa mga henerasyon, kultura ng paggamit ng droga, atbp. Marami pang ibang kadahilanan na maaaring makaimpluwensya sa kakayahan ng isang tao na gumawa ng mabubuting pasiya, pati na ang kanilang kalusugan at kapakanan.3 Kahit mahalagang ipatupad ng lipunan ang mga batas na nagpapanatiling ligtas sa mga komunidad, magagawa natin ito nang may habag at walang-hanggang pananaw, natatanto na marami tayong hindi nauunawaan.

“Isipin ninyo kung ano ang madarama ninyo kung kayo ay hinatulan nang panghabambuhay batay sa pinakamasamang nagawa ninyo,” sabi ni Tanja Schaffer, isang miyembro ng Simbahan na nagtrabaho sa isang legal office bago nagtatag ng isang prisoner-advocacy group o grupong tumutulong sa mga bilanggo. “Bahala ang Diyos kung sino ang gusto Niyang patawarin, ngunit inuutusan Niya tayo na patawarin ang lahat” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:10).

Ang alituntunin ng perpektong paghatol ng Diyos ay maaari ding pagmulan ng kapanatagan para sa mga biktima ng krimen. Kung minsan ang mga taong nakasakit sa iba ay hindi napaparusahan sa mundo. Ang mga biktima ay maaaring nagdurusa pa rin kahit tapos nang magdusa sa kulungan ang maysala. Maraming taong naapektuhan ng pagkabilanggo ang kapwa naging biktima at maysala sa iba’t ibang pagkakataon, na nagpapaalala sa atin na ang buhay ay masalimuot na mga ugnayan at desisyon na may epekto sa iba. Mapapanatag tayo sa pagtitiwala na nauunawaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat ng ito. Ang kanilang paghatol ay magiging perpekto. Ang pagpapagaling na iniaalok Nila—kapwa para sa inosente at nagsisisi—ay makukumpleto (tingnan sa Apocalipsis 21:4).

Ang Mapagmahal na Halimbawa ng mga Lider

Inilarawan ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang miting kung saan nakasuot ng puting damit ang lahat ng nakapaligid sa kanya. May kantahan at pagdarasal, at sagana ang pag-ibig ng Diyos.4 Taliwas sa maaaring iniisip ng marami sa atin, hindi ito isang miting sa templo. Ito ay isang ministering na pagbisita sa isang bilangguan kung saan mga puting jumpsuit ang uniporme.

“Ang mga lider ng Simbahan ay nagmamalasakit sa lahat ng naapektuhan ng krimen at pagkabilanggo,” pagpapatotoo ni Brother Richens, na inilarawan kung paano ibinibigay ng isang lider ang sarili niyang kopya ng magasin ng Simbahan sa isang taong binibisita niya sa bilangguan bawat buwan. “Madalas nilang bisitahin ang nakabilanggo, sinusuportahan ang kanilang pamilya, at magiliw na pinangangalagaan ang mga biktima.”

Ang mga correctional ministry ay responsibilidad ng stake president, na nakikipagtulungan sa mga lider ng ward para tugunan ang mga pangangailangan ng mga nasa lugar nila. Ano ang ginagawa ng mga lider sa inyong stake para mag-minister sa at magbahagi ng nakasisiglang mga mensahe sa mga miyembrong nakabilanggo? Sa ilang lugar, maaaring tawagin ang mga miyembro ng Simbahan para bisitahin at turuan ang mga taong nakabilanggo. Sinabi ni Brother Richens na madalas ay kabado ang mga miyembrong iyon na magbigay ng suporta sa una, ngunit pagkatapos ay nakikita nilang napakahalaga ng tungkulin kaya hindi na nila gustong ma-release.

“Dalisay na relihiyon ito,” sabi niya (tingnan sa Santiago 1:27).

Bagama’t hindi tayo dapat napipilitan lang na bisitahin ang mga taong nakabilanggo na hindi natin kilala, may iba pang mga paraan na maaari tayong ligtas na maglingkod. Narito ang ilan:

  • Isama sa iyong mga panalangin ang mga taong nakabilanggo, lalo na ang sinumang alam mo ang pangalan. Mabisa ang panalangin!

  • Alamin sa mga kulungan o bilangguan sa inyong lugar kung kailangan nila ng mga donasyon. Ang pagbabasa, mga sining tulad ng crocheting, art project o proyekto sa sining, at pagsasaliksik sa family history ay pinapayagan sa maraming pasilidad.

  • Kung may kilala kang isang tao na nakakulong, isiping sulatan sila ng nakasisiglang mga liham. Gumawa ng ligtas at matatalinong desisyon habang nakikipag-ugnayan. Sundin ang Espiritu at panatilihin ang angkop na hangganan.

  • Tratuhin ang mga miyembro ng pamilya ng mga taong nakakulong—lalo na ang mga bata—nang may pagmamahal, paggalang, at ipadama sa kanila na kabilang sila. Alalahanin na ang mga miyembro ng pamilya ay karaniwang mga inosenteng biktima rin. Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman kung paano pinakamainam na mag-minister sa lahat ng miyembro ng pamilya.

letter in an envelope

Ang Espiritu Santo ay Hindi Limitado

Ang pagkabilanggo ay maaaring napakahirap na panahon sa buhay ng isang tao. Ngunit ang Espiritu Santo ay hindi nililimitahan ng mga pader, rehas, o kadena. Ang panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagpapakumbaba ay maaaring mag-anyaya sa Kanyang nakaaaliw na presensya sa isang piitan na tulad ng sa labas ng piitan. Dahil dito, ang bilangguan ay maaaring maging isang lugar ng mga himala.

Si Portia Louder, isang miyembro ng Simbahan na sumulat ng mga blog post habang nakakulong, ang naglarawan dito bilang isang mahirap na paglalakbay ng pananampalataya at pagtuklas sa sarili. “Dumanas ako ng matitinding problema sa buhay, pero nadama ko na pinagagaling ako dahil sa pagmamahal na hindi mailarawan,” pagsulat niya mula sa bilangguan. “Anumang hamon na kinakaharap mo ngayon, saanman ka man naroon sa sarili mong paglalakbay, sana ay huwag kang sumuko!”

Inilarawan ni Garff Cannon, na naglingkod bilang branch president sa isang piitan, kung paano siya nahikayat ng Espiritu na magsalita sa isang lalaking nakabilanggo na matigas ang puso, na nagkaroon ng mahirap na buhay. “Ang sinabi mo sa akin ay ang pinakamagiliw na mga salitang nasabi sa akin sa buhay ko,” sabi ng lalaking ito. “Hindi ko maalala na may kumausap sa akin nang may gayong kabaitan at malasakit. Salamat.” Tinapos nila ang kanilang pag-uusap sa unang panalangin na narinig ng lalaking ito sa loob ng maraming taon.

“Oo, ang Espiritu Santo ay tiyak na nasa mga correctional facility,” pagpapatotoo ni Brother Cannon. “Naroon ang mga anak ng Diyos, at nais Niyang makabalik sila.”

Ang Diyos ay may makapangyarihang mga pangako sa lahat ng pinipiling sumunod sa Kanya, una man nating natutuhan ang tungkol sa kanya sa Sunday School o sa bilangguan. Sabi nga sa Ezekiel 36:26, “Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo.”

Ang Muling Pakikihalubilo sa Lipunan ay Napakahirap

Ang kahalagahan ng kaluluwa ng isang tao ay hindi nababawasan ng krimen (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). Kapag nais ng isang tao na magbago o magpakabuti, tinutulutan ba natin silang lumago at mapatawad?

“Malaki ang biyaya at pagkahabag ng Diyos,” sabi ni Brother Richens. “Kung minsan nadarama ng mga taong nakakulong na matagal na silang pinatawad ng Panginoon bago pa sila mapatawad ng gobyerno, lipunan, o ng ilang miyembro ng Simbahan.”

Ang pagbalik sa lipunan matapos ang pagkabilanggo ay mahirap. Ang mga nakulong ay kadalasang nahihirapang magkaroon ng trabaho o tirahan. Matutulungan natin silang makahanap ng seguridad sa kaiga-gayang mga lugar at magkaroon ng mabubuting libangan. Marahil ang pinakamahalagang magagawa natin ay maging positibo at nagpapalakas na kaibigan. Nang magsalita si Joseph Smith tungkol sa reporma sa bilangguan habang tumatakbo sa pagkapangulo ng Estados Unidos, itinuro niya na ang “paghigpit at paghiwalay sa mga tao ay hindi kailanman makagagawa ng pagbabago sa mga taong ito tulad ng magagawa ng pakikisalamuha at pakikipagkaibigan.”5

Gumagawa ng Kaibhan ang Pagkahabag

Hinikayat ni Judas ang mga banal na “maawa” (Judas 1:22). Inuulit ng kanyang mga salita ang pakiusap ng Tagapagligtas na alalahanin ang mga nasa bilangguan. Paano tayo tutugon sa mga paanyayang ito? Sikapin nating pangalagaan ang mga taong dumaranas ng pagkabilanggo—at ang kanilang pamilya—sa pamamagitan ng kabutihan ng Diyos. Ang ating pagkahabag ay makagagawa ng kaibhan.

Mga Tala

  1. Tingnan ang “World Prison Population List: Eleventh Edition,” National Institute of Corrections, nicic.gov.

  2. Tingnan ang “Half of Americans Have Family Members Who Have Been Incarcerated,” Dec. 11, 2018, Equal Justice Initiative, eji.org/news.

  3. Tingnan ang “Traumatic Brain Injury in Criminal Justice,” University of Denver, du.edu/tbi.

  4. Pamaskong debosyonal ng Priesthood and Family Department, Disyembre 2019.

  5. “Joseph Smith as a Statesman,” Improvement Era, May 1920, 649.

Larawan ng mga rehas na kuha ni Peggy Marie Flores; larawan ng mag-asawang naglalakad na kuha ni Nancy Ann Kirkpatrick; iba pang mga larawan mula sa Getty Images

Larawan ng sinulid na kuha ni Auralie Jones