Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Doktrina at mga Tipan 18–19
Ang Kahalagahan ng Bawat Kaluluwa
Pebrero 22–28
Bakit napakahalaga natin sa ating Ama sa Langit?
Kamakailan ay nadama ko na kailangan kong muling makipag-ugnayan sa isang pamilya na tinuruan namin ng kompanyon ko at nabinyagan noong bata pa akong missionary halos 40 taon na ang nakalipas, sa Brussels, Belgium. Medyo matagal na mula nang makausap ko ang sinuman sa kanila.
Sa pamamagitan ng kagila-gilalas na teknolohiya ngayon, hinanap ko ang ina ng pamilyang ito sa social media. Napakaganda ng pakikipag-video chat ko sa kanya. Ginunita namin ang mga sagradong karanasan namin maraming taon na ang nakalipas nang malaman ng kanyang pamilya ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Hindi naging maganda ang lagay ng kanyang kalusugan, at dahil sa sitwasyon ay nahiwalay siya sa kanyang pamilya. Habang nag-uusap kami, nadama ko ang matinding pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa butihing sister na ito. Nadama ko ang kanyang malaking kahalagahan sa walang-hanggan, kahit medyo napalayo siya sa Simbahan. Ipinahayag ko ang pagmamahal ko sa kanya at nagpatotoo ako na mahal at naaalala siya ng Diyos. Napuno ng luha ang aming mga mata nang ipahayag namin ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Nangako kaming mag-uugnayan pa nang mas madalas. Labis ang pasasalamat ko na isang mapagmahal na Diyos na nakaaalam sa lahat ng bagay ang nagpadama sa akin na tulungan ang mahal kong kaibigan noong araw na iyon.
Ang “Bakit” ng Pag-ibig ng Diyos
Nang tanungin ng isang anghel si Nephi tungkol sa pagpapakababa ng Diyos, mapagpakumbaba siyang sumagot, “Alam kong mahal Niya ang Kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17). Madalas kong iniisip kung paano naunawaan ni Nephi ang simple at magandang katotohanang ito: mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak. Malinaw na alam niya ang doktrina ni Cristo na itinuro ng kanyang “butihing mga magulang” (1 Nephi 1:1). Ngunit alam din niya ang “bakit” ng Tagapagligtas. At ano ang “bakit” na iyon?
Bakit handa ang Diyos na hayaang magsilbing hain ang Kanyang Anak? Bakit Niya tayo ipinadala rito para mapatunayan at masubukan? Dahil, tulad ng itinuturo sa isang gayundin kagandang katotohanan, “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10).
Bakit gayon tayo kahalaga sa Kanya? Siyempre, dahil tayo ay Kanyang mga anak, mahal Niya tayo. Ngunit sa susunod na ilang talata, inilarawan Niya ang dakilang regalong ibinigay sa bawat isa sa atin dahil sa Kanyang pagmamahal para sa atin—ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang dumanas ng “kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya. At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi” (Doktrina at mga Tipan 18:11–12). Sinasabi Niya sa atin, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Pagsisisi at Kagalakan
Kaya pala nakadarama ng malaking kagalakan ang Ama sa Langit kapag nagsisisi tayo. Ang kahandaan nating magsisi ay katibayan ng ating lubos na pasasalamat sa kahanga-hanga at walang-kapantay na kaloob ng Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. Sa pamamagitan lamang ni Jesucristo tayo magiging karapat-dapat na tumayo nang may tiwala sa harapan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45).
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdan na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin. …
“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”1
Inanyayahan na Tumulong
Maraming beses sa mga paghahayag sa mga huling araw, inaanyayahan ng Panginoon ang Kanyang mga anak na tulungan Siya at ang Kanyang Anak sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:14). Isipin ninyo iyan! Sa ating kalagayan na hindi perpekto, ang Diyos ng sansinukob ay nag-aanyaya sa atin na tulungan ang Kanyang mga anak, na mga napakahalaga, na makabalik sa Kanya. Alam Niya na mahirap ang gawain. Marami sa kanila ang hindi tatanggap sa ating paanyaya na “pakinggan Siya.” Gayunman, pinagtitibay Niya na Siya ang Diyos ng “isa[ng kaluluwa].” “At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (Doktrina at mga Tipan 18:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Maaaring itanong mo sa iyong sarili, “Ano ang magagawa ko para tulungan ang isang tao na lumapit kay Cristo, magsisi, at mapagpala ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?”
Ibinigay ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang payong ito tungkol sa pakikibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan: “Unawain na hindi ninyo trabaho na i-convert ang mga tao. Iyan ang papel ng Espiritu Santo. Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan.
“Kaya, huwag masiphayo kung hindi kaagad tatanggapin ng isang tao ang mensahe ng ebanghelyo. Hindi ninyo ito personal na kabiguan.
Ito ay sa pagitan ng tao at ng Ama sa Langit.
“Ang sa inyo ay mahalin ang Diyos at inyong kapwa.
“Maniwala, magmahal, at gumawa.
“Sundan ang landas na ito, at gagawa ang Diyos ng mga himala sa pamamagitan ninyo upang pagpalain ang Kanyang minamahal na mga anak.”2
Paglilingkod sa Magkabilang Panig ng Tabing
Ang paanyayang lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi ay hindi lamang para sa mga nabubuhay sa mundong ito. “Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 138:58). Ang gawain sa templo at family history ay mahahalagang aspeto ng pagtitipon ng nakalat na Israel sa magkabilang panig ng tabing. Makadarama tayo ng malaking kagalakan kapag ginawa natin ang gawain para sa mga namatay na nasa daigdig ng mga espiritu na nababatid na sa gayong kalagayan, tulad ng sabi ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98), “kakaunti lang, kung mayroon man, ang hindi tatanggap ng Ebanghelyo.”3 Walang dudang aasamin nila ang araw na maisasagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila sa bahay ng Panginoon.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag tinitipon natin ang mga kasaysayan ng ating pamilya at nagpupunta sa templo para sa mga ninuno natin, sabay na tinutupad ng Diyos ang marami sa mga ipinangakong pagpapala sa magkabilang panig ng tabing. Pinagpapala rin tayo kapag tinutulungan natin ang iba sa ating mga ward at stake na gawin din iyon. Ang mga miyembro na hindi malapit ang tirahan sa isang templo ay natatanggap din ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain ng family history, na tinitipon ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno para maisagawa ang mga ordenansa sa templo.”4
Napakagandang malaman na mahal ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Napakahalaga natin sa Kanya. Bawat isa sa atin ay may sagradong responsibilidad na maglingkod sa Kanyang mga anak sa magkabilang panig ng tabing at tulungan silang matanto ang kanilang malaking kahalagahan.
Tulungan Silang Makita ang Kahalagahan Nila
Inaanyayahan ko kayong tulungan ang mga taong naging bahagi ng inyong buhay at maaaring nalimutan na. Tulungan ang mga tumalikod sa landas ng tipan. Maglingkod sa mga nangangailangan ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Makipag-ugnayan sa mga tao na nasa kabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng gawain sa templo at family history, kabilang na ang indexing. Tulungan ang iba na madama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ninyo.
Tulad ng ipinangako namin sa isa’t isa, ako at ang mahal kong kaibigan na Belgian ay nag-usap tuwing Linggo sa loob ng mahigit na apat na buwan. Inanyayahan ko siyang mag-download ng Gospel Library app. Ipinaalam ko sa branch president sa kanilang lugar ang tungkol sa kanya, at bumisita ang mga full-time missionary at binigyan siya ng priesthood blessing. Nang sumunod na linggo, sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit na 30 taon, dumalo siya sa sacrament meeting. Nang huli kaming mag-usap, puspos siya ng galak dahil muling nakaugnay niya ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.
Sinabi rin niya sa akin na nakikibahagi pa rin sa Simbahan ang kanyang panganay na anak na babae. Agad akong nakipag-ugnayan sa anak niya sa pamamagitan ng video chat. Ipinakilala niya ako sa bawat isa sa kanyang apat na anak, at sinabi sa akin na pupunta sa kanilang tahanan ang mga full-time missionary sa gabing iyon para maghapunan. Napakalaking pagpapala ang makita na siya ay matapat na miyembro pa rin ng Simbahan!
Habang kausap ko siya, naunawaan ko, kahit paano, ang mensahe ng talatang ito: “At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (Doktrina at mga Tipan 18:16).
Dakila ang halaga ng bawat kaluluwa!