2021
Ganap na Kagalakan
Pebrero 2021


Ganap na Kagalakan

Mahirap ilarawan ang kamangha-manghang kagalakang pumuspos sa aking kaluluwa nang lisanin ko ang klinika nang araw na iyon.

girl wearing a medical mask

Habang nakaupo sa silid ng isang medical clinic, napansin ko ang isang ina na kasama ang kanyang anak na babae. May suot na face mask ang bata at maraming beses na umubo. Lubog ang kanyang mga mata, at maputla ang kanyang mukha. Hindi ko maiwasang hindi maawa sa kanya. Mukhang pagod na ang nanay niya.

Maliit lang ang waiting room, kaya narinig ko ang lahat ng sinabi niya. Matapos niyang bayaran ang kanilang pagkonsulta, ipinaalala sa kanya ng receptionist ang malaking balanse na mahigit doble sa halaga ng kanyang kasalukuyang pagkonsulta.

Ipinaliwanag ng babae, na nahihirapang pigilan ang kanyang damdamin, na wala siyang sapat na pera hanggang sa susunod na buwan. Sinabi niya na halos sapat lang ang pera niya para mabayaran ang kanyang upa sa bahay. Sinabi ng receptionist sa kanya na dapat niyang sikaping bayaran kaagad ang kanyang balanse. Pagkatapos ay dinala ang babae at ang kanyang anak sa likod ng opisina para sa kanilang appointment.

Habang nakaupo ako roon, patuloy kong naiisip ang tungkol sa babae at ang kanyang sitwasyon. Hindi naman ako mayaman, pero nang inisip ko kung gaano kabuti ang Panginoon sa akin at sa aking pamilya, nakadama ako ng matinding hangaring tulungan ang babaeng ito at ang kanyang anak.

Lumapit ako sa receptionist, na iniisip kung puwede ba ang gusto kong gawin. Ipinaliwanag ko na narinig ko ang sitwasyon ng babae at gusto kong mabayaran ang natitirang balanse niya. Nagulat ang receptionist pero natutuwa ring pinagbigyan ang aking kahilingan.

Hiniling ko sa kanya na sabihin sa babae na nabayaran na ang balanse at hindi na niya kailangang mag-alala tungkol dito. Sinabi ko rin sa receptionist na huwag sabihin kung sino ang nagbayad nito. Pagkatapos ay binayaran ko ang balanse at nagpatuloy ako sa aking appointment. Hindi ko na nakita ang babae o ang kanyang anak, ngunit ipinagdasal ko na sana ay bumuti na ang kalagayan nila.

Mahirap ilarawan ang kamangha-manghang kagalakang pumuspos sa aking kaluluwa nang lisanin ko ang klinika nang araw na iyon. Kaya pala nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa pagkakaroon ng ganap na kagalakan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:13). Higit kailanman, alam ko na gusto kong maging higit na katulad ng aking Tagapagligtas at mas madalas pang madama ang galak na nagmumula sa paglilingkod sa Kanya.