Ang Kaloob na Kapatawaran
Ang Tagapagligtas ay nakatayong bukas ang mga bisig upang patawarin ang lahat ng tunay na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at lumalapit sa Kanya.
Ang walang katapusang kaligayahan at kagalakan ay nagmumula sa pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Lahat ng mabuti at maganda, lahat ng banal at sagrado, ay nagmumula sa Kanila. Kabilang diyan ang kapatawaran, na nagpapasigla sa ating kaluluwa at pinagtitibay ang katayuan natin sa Kanila.
Sa daigdig bago tayo isinilang, nagalak tayo sa pagkakataong pumarito sa lupa, tumanggap ng mortal na katawan, at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Job 38:4–7). Gayunman, alam natin na daranas tayo ng kabiguan, karamdaman, sakit, kawalan ng katarungan, tukso, at kasalanan.
Ang mga hamong ito ay inasahan na sa plano ng pagtubos ng Ama, at tinawag Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na maging ating Manunubos at Tagapagligtas. Si Jesucristo ay paparito sa lupa na hindi tulad ng iba, at sa pamamagitan ng Kanyang kabutihan, kakalagin Niya ang mga gapos ng kamatayan. Kapag pinili nating sumunod sa Kanya at pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, inaalis Niya, sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, ang ating mga pagkakamali at kasalanan na nasa aklat ng buhay.
Panalangin at Pananampalataya
Ang ating pagsisisi, na sinusundan ng kapatawaran mula sa Tagapagligtas ng mundo, ang pundasyon ng ating mga panalangin at pagsisikap na makabalik sa ating tahanan sa langit. Para sa bawat isa sa atin na may pananampalataya kay Jesucristo, ang ating araw-araw na mga panalangin, pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas, regular na pakikibahagi sa sakramento kapag handa tayong taglayin ang Kanyang pangalan sa ating sarili ay nasasama sa hangarin nating talikuran ang mga paghatak ng mundo at paisa-isang hakbang tayong pinalalapit sa ating Tagapagligtas.
Gaya ng ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung pipiliin natin … ang landas ng pagkadisipulo, tayo … mula sa simpleng pagkilala kay Jesus ay hahangaan natin si Jesus, pagkatapos ay sasamba kay Jesus, at sa huli ay tutularan si Jesus. Sa prosesong iyan ng pagsisikap na maging higit na katulad Niya …, dapat tayong kumilos tungo sa pagsisisi.”1
Ang pagsisisi ay nagiging patuloy na kaisipan, patuloy na pagsisikap. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. …
“… Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.”2
Sa panalangin ay muli nating binabalikan ang mga pangyayari sa maghapon, na nagtatanong, “Saan ko nakita ang kamay ng Panginoon sa aking buhay? Paano nagpakita ng katapatan at pagiging di-makasarili ang aking mga kilos? Ano pa ba ang dapat na ginawa ko? Anong mga kaisipan at damdamin ang kailangan kong kontrolin? Paano ko dapat na nasunod nang mas mabuti ang halimbawa ng Tagapagligtas? Paano ako dapat naging mas mabait, mas mapagmahal, mas mapagpatawad, at mas maawain sa iba? Sa anong mga paraan ko hindi naabot ang nais ng aking Ama sa Langit na abutin ko?”
Pagkatapos ay titigil tayo at makikinig. Ang ating personal na mga dasal ang nagbubukas ng bintana upang makatanggap tayo ng personal na paghahayag mula sa ating Ama sa Langit.
Sa pagsampalataya kay Jesucristo, hayagan nating inaamin sa ating Ama sa Langit ang ating mga pagkakamali, maling pananaw, at kawalan ng konsiderasyon sa iba. Mapagpakumbaba tayong humihingi ng kapatawaran, nakikinig sa tahimik na mga pahiwatig ng Espiritu, at nangangako sa ating Ama sa Langit na mas magtutuon tayo ng pansin sa mga bagay na mapagbubuti natin. Ipinagtatapat natin ang ating mga kasalanan at tinatalikuran natin ang mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:43). Ibinabalik natin ang bagay na kaya nating ibalik sa mga taong nasaktan natin. Maaaring ito ay paghingi ng paumanhin sa asawa o sa anak, mensahe sa isang kaibigan o katrabaho, o pasiyang sundin ang napabayaang espirituwal na impresyon.
Ang pakikibahagi natin ng sakramento at madalas na pagdalo sa templo, kapag maaari, ay nagpapalaki at nagpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa hangarin nating sundin Siya.
“Lumapit sa Akin”
Sa 3 Nephi, kamangha-mangha kung gaano kadalas iniuugnay ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na si Jesucristo ang salitang “magsisi” sa mga salitang “lumapit sa akin.”
“Magsisi sa inyong mga kasalanan, at lumapit sa akin nang may pusong bagbag at nagsisising espiritu” (3 Nephi 12:19; idinagdag ang pagbibigay-diin).
“Magsisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob. …
“… Kung lalapit kayo sa akin ay magkakaroon kayo ng buhay na walang-hanggan. Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa akin” (3 Nephi 9:13–14; idinagdag ang pagbibigay-diin).
“Sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng isang maliit na bata, siya ay tatanggapin ko. … Kaya nga magsisi, at lumapit sa akin kayong mga nasa dulo ng mundo, at maligtas” (3 Nephi 9:22; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Binanggit din ni Jesus ang mga taong, dahil sa pagpili o sitwasyon, ay hindi na dumadalo sa mga lugar ng pagsamba. Sabi Niya, “Sa mga yaon kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila” (3 Nephi 18:32; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ipinahayag ni Pangulong Nelson, “Si Jesucristo … [ay] nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.”3
Mangyari pa, gusto nating gawin ang lahat ng makakaya natin. Ang ating pagsisisi, ang ating determinasyon na magbago, at ang ating bagbag na puso, nagsisising espiritu, at kalumbayang mula sa Diyos ay mahalaga. Hahangarin nating baguhin ang ating pag-uugali at makikipag-ayos sa mga nasaktan natin.
Ang Kapatawaran ay Isang Kaloob
Gayunman, kailangan nating tandaan na ang banal na kaloob na kapatawaran ay hindi kailanman mapagsisikapan; ito ay matatanggap lamang. Oo, kailangang sundin ang mga kautusan at gawin ang mga ordenansa para makatanggap ng kapatawaran, ngunit ang personal na pagsisikap, gaano man ito kalaki, ay hindi maikukumpara sa halaga ng pagtubos. Sa katunayan, hindi ito maaaring paghambingin.
Ang kapatawaran ay isang kaloob, at ang tanging makapagbibigay ng kaloob na ito ay ang Manunubos at Tagapagligtas ng sanlibutan, si Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Roma 5:1–12 at lalo na ang 15–18; tingnan din sa Mga Taga Roma 6:23; II Mga Taga Corinto 9:15; Mga Taga Efeso 2:8). Ibinibigay Niya ang Kanyang walang-katumbas na kaloob sa lahat ng bumabaling sa Kanya para matanggap ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:33).
Sabi nga ni Pangulong Nelson, “Ang Pagbabayad-sala [ng Tagapagligtas] [ay kayang] tubusin ang bawat kaluluwa mula sa kaparusahan ng sariling paglabag, sa mga kundisyong Kanyang itinakda.”4
Magalak tayo sa paglalakbay! Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang mga salitang ito ng katotohanan: “Kung kayo ay magsisisi, at hindi patitigasin ang inyong mga puso, sa gayon ako ay maaawa sa inyo, sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak; … [at kayo] ay magkakaroon ng karapatan sa awa sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak, tungo sa kapatawaran ng [inyong] mga kasalanan; at [kayo] ay papasok sa aking kapahingahan” (Alma 12:33–34).
Bilang isa sa mga Apostol ng Panginoon, ipinapangako ko sa inyo na ang mga salitang ito ng ating Ama ay totoo. Kapag tinanggap ninyo ang mga ito sa inyong buhay, habampanahong huhubugin ng Tagapagligtas ang banal na tadhanang naghihintay sa inyo.