2021
Ang Lakas para Sumulong
Pebrero 2021


Ang Lakas para Sumulong

Dama kong hindi ako karapat-dapat at labis ang nadama kong galit. Ano ang magagawa ko para magpatuloy na sa buhay?

Karina Guerra and children

Nang mawala sa aming mag-asawa ang unang anak namin, sinabi sa amin ng mga doktor na hindi na ako magkakaanak kailanman. Nanlumo ako. Nagdalamhati ako at naghanap ng mga sagot. Nagdalamhati rin ang asawa ko. Nagdasal kami at alam namin kung gaano kahalaga na maging walang-hanggang pamilya. Sa huli, nabuklod kami sa Los Angeles California Temple.

Sinisikap ko pa ring maunawaan kung bakit nangyari ang pagkawalang ito nang maalala ko ang aking patriarchal blessing. Sinimulan kong basahin ang aking patriarchal blessing at nakita ko ang isang bahagi na nalimutan ko na. Sabi roon bibiyayaan ako ng mga anak na lalaki at babae. Naisip ko na malamang na may mali sa sinabi sa akin ng mga doktor. Nagpunta ako sa doktor at sinabihan akong muli na hindi ako magkakaanak.

Mga limang taon matapos mawala ang aming unang anak, nagpasiya kaming subukan ang in vitro fertilization. Sa unang appointment, positibo ang naging resulta ng isang pregnancy test. Hindi ako makapaniwala. Maraming test pa silang ginawa at kinumpirma na buntis ako. Makalipas ang siyam na buwan, dumating sa aming pamilya ang aming anak na babae. Ngayon, ako ay ina ng apat na kahanga-hangang mga bata.

Isa pang hamon ang dumating ilang taon na ang nakalipas nang nagdiborsyo kami ng aking asawa. Nagulat ako dito. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Akala ko perpekto ang munting pamilya ko. Nag-aaral din ako noon sa dental school. Tumigil ako sa pag-aaral para magtuon ng pansin sa mga anak ko. Nadama ko na ito ang pinakamabuting gawin. Hindi ko iyon pinanghihinayangan. Pero puno ako ng galit. Paano nagawang basta na lamang iwanan ng isang tao ang pagsasama ng mag-asawa at apat na kahanga-hangang mga anak?

Natakot din ako sa mangyayari sa akin at sa mga anak ko, umiyak ako at nakadama ng panik, iniisip kung nakabuklod pa rin sila sa akin. Kinausap ko ang aking bishop, at sinabi niya na nangako ang Ama sa Langit na nakabuklod kami sa buong kawalang-hanggan, ngunit ang aming kalayaan ang magpapasiya kung magkakasama-sama kami magpakailanman. Napanatag ako na malaman na ang mga anak ko ay nakabuklod pa rin sa akin.

Ngunit dama ko pa rin ang galit at nadama ko na hindi ako karapat-dapat na makapunta sa templo. Paano ka makakapunta sa templo nang may labis na galit? Ayaw ko ring pumunta sa templo dahil diborsyada ako. Nadama ko na hindi ako karapat-dapat dito dahil dapat ay may-asawa pa rin ako.

Muli kong kinausap ang bishop ko, at sinabi niya sa akin na ayaw ni Satanas na bumalik ako sa templo. Gusto niyang maging miserable ako at madama na hindi ako karapat-dapat. Napakaganda nang muli akong nakapasok sa templo. Ang pagpunta sa templo ay nagbibigay sa akin ng pakiramdam na mas mabuti at malakas ako. Ang kaalaman na tinutulungan ako ng Ama sa Langit na maging ina, na hindi ako nag-iisa, at hindi Niya ako iiwan kailanman o ang aking pamilya ay nagbibigay sa akin ng lakas. Ngayon tinitiyak ko na laging aktibo ang temple recommend ko.

“Alam kong kailangan ko lang patuloy na sumulong at mas mapalapit sa Ama sa Langit sa bawat araw. Sa ganitong paraan makakasama ko ang mga anak ko magpakailanman.”

Kahit hindi na namin kasama ang tatay nila, lagi kong sinasabi sa mga anak ko na narito ako para sa kanila. Nagsisimba kami, ginagawa namin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at nagdarasal kami. Nauunawaan namin kung gaano kahalaga ang pamilya at na kailangan naming patawarin ang isa’t isa, suportahan ang isa’t isa, at palakasin ang loob ng isa’t isa.

Tinatanong ako ng mga tao kung ano ang gagawin ko kung may sobrang oras ako sa bawat araw. Matutulog kaya ako? Kakain ba ako? Ano ang gagawin ko? Mag-uukol ako ng 15 minuto ng makabuluhang oras sa bawat isa sa mga anak ko.

Mahal na mahal ko ang mga anak ko na sa kabila ng matinding sakit ng kalooban mula sa relasyon ko sa kanilang ama, sulit ang maging mga anak ko sila. Ganyan sila kahalaga sa akin.

Ang pagtiyak na malakas ang aming pananampalataya ang dahilan kaya nagpapatuloy kami bilang pamilya. Kung gagawin namin ang aming bahagi, ibibigay ng Panginoon ang Kanyang mga pagpapala at pangako. Iyan ang panuntunan ko sa buhay, at lubos akong pinagpapala.

Larawang kuha ni Christina Smith