2021
Ang mga Pagpapala at Hamon ng Pag-aasawa Kalaunan sa Buhay
Pebrero 2021


Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda

Ang mga Pagpapala at Hamon ng Pag-aasawa Kalaunan sa Buhay

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ilang kuwento at payo para mapalakas ang pagsasama ng mag-asawa sa anumang edad.

couple walking on beach

Paglalarawan ni Malte Meuller; imahe ng mga singsing sa kasal mula sa Getty Images

Ang pag-aasawa kalaunan ay maaaring kabilangan ng ilang kakaibang pasikut-sikot at pagliko. Ngunit sa pagtahak ng mga mag-asawa sa landas na ito nang may pananampalataya, matutuklasan nila ang malaking kagalakan at magkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Narito ang tatlong aral sa buhay mula sa mga taong natagpuan ang tunay na pagmamahalan nang sila ay may edad na, na sinundan ng tatlong payo para sa pakikibagay sa mga pamilya. Umaasa ako na ang pagbabahagi nito ay makatutulong sa mga may edad na taong bagong kasal—o sa mga naghihintay pa rin na makapag-asawa—na matanto na hindi sila nag-iisa sa kanilang paglalakbay. Ang maiikling alituntuning ito ay maaaring maghikayat ng mga ideya para mapalakas ang alinmang pagsasama ng mag-asawa, kayo man ay 50 taon na o 5 buwan pa lang na magkasama.

Magkaroon ng Walang-Hanggang Pananaw

Hindi inisip ni Mona (binago ang pangalan) na makakakita siya ng makakasama sa kawalang-hanggan matapos ang dalawang bigong pagpapakasal. Pagkatapos ay lumipat siya sa isang retirement center at nakilala niya si Bob. Naging magkaibigan sila, at ibinahagi niya kay Bob ang ebanghelyo. Nang nakatakda na silang magpakasal, natuklasang may kanser si Bob. Tinanong niya si Mona kung gusto pa rin niyang magpakasal sa kanya.

“Siyempre naman,” sabi niya. “Magpapakasal ako sa iyo sa kawalang-hanggan, hindi para sa buhay na ito lamang.”

Nagpakasal ang magkasintahan, at nabinyagan si Bob. Pareho silang naka-wheelchair nang ibuklod sila sa templo. Sinabi ni Mona na may isang selestiyal na liwanag sa palibot ni Bob nang araw na iyon. Nabuhay pa siya ng anim na buwan, na nagagalak sa bawat araw na kasama ang kanyang minamahal. Ngayon ay hindi na makahintay si Mona na muli silang magkasama.

Praktisin ang Komunikasyon

Nang umibig si Cassie kay Albert, nag-alala siya na baka maging negatibo pa rin ang kanyang maging komunikasyon gaya sa kanyang unang kasal. Kaya’t magkasama silang dumalo sa marriage class, kung saan natuto silang:

  1. Maging mahusay sa pakikinig.

  2. Tapat na magsabi ng damdamin.

  3. Magtulungan, hindi makipagkumpetensya.

  4. Sumang-ayon sa hindi pagsang-ayon kapag kailangan.

  5. Talakayin ang paghawak ng pera.

“Ang pagkakaroon ng matagumpay na pagsasama ng mag-asawa ay kailangan ng praktis, ngunit sapat ang pagmamahal namin ang isa’t isa para maging maganda ang takbo ng aming pagsasama,” sabi ni Cassie.

Harapin ang mga Pagbabago nang May Pagmamahal

Nalito si Amanda sa kanyang patriarchal blessing. Sinabi rito na malaki ang magiging impluwensya niya sa kanyang mga anak at apo, pero may-edad na siya at hindi na magkakaanak at hindi pa siya nakapag-asawa kailanman. Pagkatapos ay nakilala niya si Patrick, na isang piloto. Masaya silang nakikinig sa musika at naglalaro ng golf nang magkasama. Di-nagtagal, nagpakasal sila.

Namatay ang unang asawa ni Patrick, at may tatlong anak siya dito. Bagama’t nalungkot sila sa pagkawala ng kanilang ina, kalaunan ay natutuhan nilang mahalin si Amanda. Lumipas ang mga taon.

Isang araw, nagpalipad ng eroplano si Patrick at hindi na bumalik. Pagkaraan ng ilang linggo ng paghahanap, natagpuan ang eroplano sa kalapit na lawa. Natanto ni Amanda na siya lamang ang tanging nabubuhay na magulang sa mga anak ni Patrick. Nagsikap siyang mabuti na matulungan sila at nakipag-ugnayan sa kanila, lalo na sa kanilang pagdadalamhati.

Ngayon ay malapit na malapit siya at ang mga anak ni Patrick. Tumatawag sila sa kanya para humingi ng payo at bumabaling sa kanya pagkatapos ng nakakapagod na maghapon. May pagpapakumbaba at pasasalamat na natanto ni Amanda na natutupad ang kanyang patriarchal blessing matapos ang lahat.

Tatlong Tip para sa Pakikibagay sa mga Pamilya

  1. Sama-samang maglaro. Sina Terry at Lucinda ay parehong nasa pangalawang kasal na nila. Mahilig maglaro ng golf ang stepson ni Terry, kaya nagpaplano sila ng golf date bawat linggo. Nag-ayos naman ni Lucinda ang isang espesyal na lugar na may mga aklat, laro, at puzzle para sa mga apo kapag bumibisita sila.

  2. Magtiyaga. Matapos ikasal sina Cassie at Albert, tumangging bumisita ang mga anak ni Cassie sa Pasko. Nagpasiya ang mag-asawa na ihatid pa rin ang mga regalo, at yakapin ang mga apo, at ipaalam sa lahat na pwede silang magpunta sa kanila anumang oras. Hindi nagtagal ay napamahal na sa buong pamilya si Albert at nagsimula na silang magtipon sa mga espesyal na mga kaganapan.

  3. Lalo pang sikaping makipag-ugnayan. Binabasahan ni Amanda ng mga kuwento ang kanyang mga bagong apo gamit ang computer at naghahanda pa siya ng madadaling aralin sa agham para sa kanila. Isa pang ina ang nangunguna sa isang online chat minsan sa isang buwan kasama ang mga kapamilya na nasa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang mahalin ang mga taong dumarating sa ating buhay—gaya ng bagong asawa at mga anak—ay maaaring hindi madaling gawin, ngunit maaaring palitan ng pag-aasawa at mga bagong pamilya ang kalungkutan ng kagalakan. Sa paghiling natin sa Ama sa Langit na biyayaan tayo ng pag-ibig sa kapwa, magagawa natin, sa anumang panahon, na maging mas karapat-dapat sa pagharap sa ating Tagapagligtas.