Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang Payo Ko sa Paghahanap ng Trabaho Pagkatapos ng Kolehiyo
Hindi laging madali ang buhay pagkatapos ng graduation, pero kapag may pananampalataya tayo, matutulungan tayo ng Ama sa Langit na makita ang mga oportunidad sa ating paligid.
Nabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Nigeria kasama ang aking mga magulang noong 10 taong gulang ako. Nang lumaki na ako, sinimulan kong tulungan ang mga lokal na missionary sa kanilang gawain. Nagulat ako na kahit kadalasan ay walang mga college degree, nagawa ng mga missionary na ito na makipag-usap sa lahat ng klase ng tao, at ginawa nila ito nang may kapangyarihan, awtoridad, at pananalig, at walang takot.
Nakatulong ang halimbawa nila para matanto ko na gusto kong magmisyon, pero gusto ko ring mag-aral sa kolehiyo. Nahirapan akong makapasok sa kolehiyo, kaya nag-apply at isinumite ko ang papeles ko sa misyon noong panahon ding iyon. Sabay na dumating ang admission letter ko at ang mission call ko. Alam kong gusto kong mag-aral sa kolehiyo, pero pinili kong maglingkod sa Panginoon kaya inuna ko ang pagmimisyon.
Kahit sakripisyo iyon, sulit na unahin ang pagmimisyon kaysa pag-aaral sa kolehiyo. Marami akong natutuhang mahahalagang kasanayan—tulad ng disiplina sa sarili, pagtutuon ng pansin, komunikasyon, pamumuno, at pagsalig sa Panginoon. At lahat ng natutuhan ko ay nakatulong sa pag-aaral ko kalaunan. Hinding-hindi ko pagsisisihan na inuna ko ang Panginoon.
Ang Aking Paglalakbay Pagkatapos ng Graduation
Para sa akin, ang edukasyon ay parang susing nagbubukas ng mga pintuan sa oportunidad. At ang edukasyon sa BYU–Pathway Worldwide’s PathwayConnect program sa Ghana ay nagbigay sa akin ng oportunidad na dagdagan pa ang aking kaalaman. Ang kaalaman ay kapangyarihang mapaunlad ang buhay ng mga miyembro ng sarili kong pamilya at ng mga nakapaligid sa akin.
Nang maka-graduate ako sa isang BYU–Idaho online degree program, nag-intern ako sa isang financial company sa Ghana at nagsimulang magtrabaho nang full-time sa kanila. Nagustuhan ko ang ginagawa ko, at nagustuhan nila ang mga serbisyo ko. Pero di nagtagal, nalugi ang kompanya, at nawalan ako ng trabaho.
Nakakapanghihina iyon ng loob, pero patuloy kong ipinamuhay ang natutuhan ko sa paaralan at sa aking misyon. Nagpasiya akong gamitin ang mga kasanayang natutuhan ko sa dati kong trabaho at nagsimula ng sarili kong negosyo sa pagbibigay ng financial services.
Ang buhay ko pagkatapos ng graduation ay napuno ng saya at lungkot, pero hindi ko pinagsisisihan na inuna ko ang pag-aaral. Kung wala ito, hindi ko makakayang patakbuhin ang negosyo ko ngayon.
Kapag Mahirap Maghanap ng Trabaho
Maraming young adult akong nakausap na nag-iisip na kapag may college degree ka, awtomatikong magkakatrabaho ka. Pero ang pinakamalaking hamon sa akin ay ang paghahanap ng isang employer na nagpapahalaga sa aking degree na tulad ng pagpapahalaga ko rito. Kung nahihirapan kang maghanap ng trabaho o hindi mo alam ang gagawin pagkatapos ng kolehiyo, hindi ka nag-iisa. Narito ang ilang bagay na ginawa ko sa paghahanap ng trabaho na maaari mo ring gawin:
-
Mag-aral kang mabuti sa paaralan. May kasabihan sa Africa na kailangan kang mag-aral na mabuti kaysa pumasok lang sa klase. Kapag nag-aaral ka nang may layunin (at hindi mo lang ginagawa iyon nang hindi ka nag-iisip), magkakaroon ka ng tunay na kaalaman at mga kasanayan na mapapansin ng mga employer—at kapag natanggap ka sa trabaho, magagawa mo nang maayos ang trabaho mo.
-
Kausapin ang puwede mong kausapin. Sa paghahanap mo ng trabaho, lumabas ka, kausapin mo ang lahat, at paramihin mo ang mga kakilala mo na makakatulong sa iyo.
-
Magtiwala sa sarili. Magtiwala na kwalipikado ka sa trabaho. Magtuon sa iyong mga pangarap at mithiin at maniwala sa iyong sarili. Madaling mawalan ng kumpiyansa kapag hindi ka natanggap sa trabaho, pero huwag mawalan ng pag-asa. Mahahanap mo rin kalaunan ang tamang employer o oportunidad sa negosyo.
-
Samantalahin ang bawat oportunidad. Mahahanap ang oportunidad sa lahat ng lugar. Kapag binubuksan natin ang ating isipan at nagpapasalamat tayo sa mga oportunidad na ibinibigay sa atin ng Panginoon, makikita at makakakilos tayo ayon sa mga oportunidad na inilalagay Niya sa ating landas.
-
Palibutan ang sarili mo ng mga taong kapareho mo ang mga pinahahalagahan at humihikayat sa iyo na tuparin ang mga mithiin mo. Mas madaling sumulong kapag napapalibutan ka ng mga tamang tao—mga taong kapareho mo ang pinagtutuunan ng pansin. Ang lipunan ay puno ng panghihina ng loob, pero ang mga taong kapareho mo ang mga pinahahalagahan at pangarap ay laging palalakasin ang loob mo at hihikayatin kang matupad ang iyong mga mithiin.
-
Manampalataya. Kung minsan maaaring gumigising ka sa umaga na batid na wala ka pa ring trabaho at wala kang pambili ng pagkain. Pero ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay magpapagaan ng iyong mga pasanin at iibsan ang panghihina ng loob mo habang gumagawa ka ng mga hakbang para makamit ang iyong mga mithiin.
Sa huli, laging tandaan na may walang-hanggang plano ang Ama sa Langit para sa iyo. Kahit hindi nakaayon sa ngayon ang mga bagay sa inaasahan mo, hindi ibig sabihin nito na hindi na mangyayari iyon. Maganda ang pagkasabi rito ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hinihikayat ko kayong maniwala na labis-labis na mas gaganda ang inyong buhay kung aasa kayo na gagabayan kayo ng Diyos sa inyong mga hakbang. May alam Siyang mga bagay na posibleng hindi ninyo alam, at may inihanda Siyang kinabukasan para sa inyo na hindi ninyo sukat akalain.”1
Maliwanag ang hinaharap, at ang patuloy mong paghahangad ng kaalaman at edukasyon ay hindi masasayang. Manampalataya at patuloy na sumulong. Aakayin ka ng Panginoon kung saan lubos na mapagpapala at magagamit ka Niya maging ang iyong mga talento upang pagpalain ang ibang tao.
Tuklasin ang Iba Pa
Makakahanap ka ng iba pang mga artikulo tungkol sa pagharap sa mga pagbabago sa buhay sa bahaging Mga Young Adult ng Pebrero 2021 Liahona.
Tingnan ang Lingguhang YA, na nasa bahaging Mga Young Adult sa ilalim ng Audiences sa Gospel Library, para sa bago at nagbibigay-inspirasyong nilalaman para sa mga young adult bawat linggo.
Maaari mong ipadala ang sarili mong artikulo, mga ideya, o feedback sa liahona.ChurchofJesusChrist.org. Nais naming makarinig mula sa iyo!