2021
Pagtulong sa mga Bata na Maghanda para sa Binyag
Pebrero 2021


Pagtulong sa mga Bata na Maghanda para sa Binyag

Maaari tayong maging madasalin, may layunin, at matiyaga sa pagtulong sa ating mga anak sa paggawa nila ng hakbang na ito sa landas ng tipan.

illustration of baptism

Mga paglalarawan ni Bryan Beach

Ang mabinyagan at makumpirma ay nakasasabik na pangyayari para sa mga bata sa Simbahan. Bagama’t marami ang umaasam sa mga ordenansang ito, karaniwan rin sa mga bata ang kabahan o matakot.

Bilang manunulat para sa Kaibigan, na magasin ng Simbahan para sa mga bata, marami akong narinig na kuwento tungkol sa mga bata na natatakot na baka hindi sila handang gawin ang tipang ito. Ang ilan ay nag-aalala na hindi sapat ang lakas ng kanilang patotoo. Ang ilan ay takot sa tubig. At ang ilan ay nakadarama ng matinding pressure na maging perpekto.

Narito ang ilang paraan para matulungan ang inyong anak na madama na siya ay handa at hindi natatakot na gawin ang susunod na hakbang sa landas ng tipan.

Sadyang Itinuturo

Maaaring madaling isipin na ang binyag ay seremonya ng pagpasok o isang bagay na nangyayari kapag ang inyong anak ay walong taong gulang na. Ngunit ang totoo, ang binyag ay isang sagradong pagpili, na ibig sabihin ay kailangan nilang maunawaan kung bakit ito mahalaga. Ang sadyang pagtuturo sa kanila ay makatutulong para maging mas makabuluhan ang binyag (at di-gaanong nakakatakot). Turuan sila sa paraan ng pagtuturo ninyo sa sinumang nag-aaral ng tungkol sa Simbahan bago sila mabinyagan.

Mahalaga na ituro natin sa mga bata ang mga tipang gagawin nila sa binyag. At ang magandang balita ay hindi ito isang bagay na kailangan (o dapat) nating sikaping gawin nang magdamag lamang o sa loob ng isang linggo. Ang pag-aaral ng ebanghelyo sa paglipas ng panahon bilang pamilya ang pinakamainam na paraan para matulungan ang inyong anak na maghandang gawin ang tipang ito. May ilang mga bagay na talagang mahalagang pagtuunan ng pansin habang papalapit ang binyag ng inyong anak:

  • Sa simpleng pamamaraan, talakayin kung paanong ang ibig sabihin ng magpabinyag ay pangangakong sundin si Jesucristo.

  • Basahin ang tungkol sa pagbibinyag sa mga banal na kasulatan, tulad ng Mosias 18:8–10. Ipaliwanag ang mga talata para maunawaan ito ng inyong anak at magawa niyang muling ituro sa inyo ang mga ideyang nakapaloob dito. Halimbawa, isang bagong binyag na batang babae sa Hawaii, USA, ang naglarawan sa “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” bilang “tulungan ang lahat kapag kailangan nila ng tulong.”

  • Tiyaking kausapin sila tungkol sa kaloob na Espiritu Santo, at magbahagi ng mga karanasan ninyo nang pinagpala ng Espiritu Santo ang inyong buhay.

Maaaring mag-alala ang ilang bata tungkol sa binyag dahil iniisip nila na hindi sapat ang lakas ng kanilang patotoo. Tulungan ang inyong anak na maalala ang magagandang pakiramdam nila habang gumagawa ng kabaitan, kumakanta sa Primary, o nagsasalita tungkol sa ebanghelyo. Hikayatin silang mag-isip ng mga paraan na alam nila na mahal sila ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na lahat ng ito ay simula ng patotoo at ang kanilang patotoo ay lalago sa paglipas ng panahon sa paggawa nila ng mabubuting pagpili.

Ipakita Kung Ano ang Aasahan

Kung kabado ang iyong anak na magpabinyag—o kahit parang hindi naman sila kabado—makatutulong ang pag-usapan kung ano ang aasahan. Magandang simulan ito sa paghahanda sa kanila para sa interbyu nila sa kanilang bishop o branch president. Ang pagtulong sa inyong anak na sagutin ang mga tanong na, “Bakit mahalaga ang binyag?” at “Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo?” ay makatutulong sa kanila na maging handa para sa talakayang ito. Tulungan ang inyong anak na tandaan na nariyan ang bishop para tulungan silang maging handa, hindi para bigyan sila ng test o ipahiya sila. At tandaan, masasamahan ninyo ang inyong anak sa interbyu, kung gusto ninyo.

Ang isa pang paraan na maihahanda ninyo ang inyong anak ay sabihin kung ano ang pisikal na inaasahan sa araw ng binyag. Ipakita sa kanila kung paano tumayo kapag nasa bautismuhan sila. Maaari din ninyong anyayahan ang mayhawak ng priesthood na magbibinyag sa inyong anak na praktisin ang pagbibinyag habang wala pa sa tubig, para alam ng inyong anak kung ano ang pakiramdam ng ilubog at muling itayo. Ipaliwanag ang mangyayari sa kumpirmasyon.

Kung takot ang iyong anak na ilubog sa tubig, mapanalanging isaalang-alang ang mga paraan na matutulungan mo siyang mapaglabanan ang takot na iyon habang papalapit ang kanilang binyag. Maaari kayong magkasamang manood ng binyag ng ibang tao para makita na saglit lang siyang ilulubog sa tubig. Maaari kayong magpraktis ng anak mo ng pagpisil sa inyong ilong at paglubog ng inyong mukha sa tubig nang magkasama nang ilang segundo. Maaaring may isang tao sa inyong lugar na nagtuturo sa mga bata na lumangoy na maaaring magbigay ng kaunting payo. Anuman ang gawin mo, tiyaking gagawin mo ito nang may pagmamahal at tiyaga.

Kapag mas handa ang isang bata tungkol sa pisikal na mga detalye ng binyag, mas mapapanatag sila at makapagtutuon sa espirituwal na tipan na ginagawa nila.

illustration of temple

Magtuon sa Pag-unlad, Hindi sa Pagiging Perpekto

Kung minsan, siguro dahil masyado nating pinag-uusapan ang tungkol sa nakalilinis na aspeto ng binyag, mali ang pagkaunawa ng mga bata at iniisip na dapat ay perpekto sila pagkatapos ng ordenansa. Isa sa mga pinaka-karaniwang kuwentong naririnig natin sa Kaibigan ay ang takot na nararanasan ng isang bata kapag sila ay nagkamali sa unang pagkakataon matapos mabinyagan. Matapos madama na napakalinis at napakadalisay, ang pakikipagtalo sa isang kapatid o pagkalimot na gawin ang isang gawaing-bahay ay maaaring magpadama sa kanila na habampanahon na nilang nasira ang mabuting pakiramdam na iyon!

Bilang mga magulang at lider, mahalagang tulungan natin ang ating mga anak na maunawaan ang alituntunin ng pagsisisi. Nauunawaan ba ng mga anak natin na ang pagkilala sa ating mga pagkakamali at pagkatuto mula sa mga ito ay bahagi ng ating pagkatuto at pag-unlad dito sa lupa? Alam ba nila na maaari silang manalangin para humingi ng tawad anumang oras? at kapag tumatanggap sila ng sakramento linggu-linggo, pinaninibago nila ang mga tipang ginawa nila sa binyag? Magpatotoo na ang pagkakataong magsisi ay isang pagpapala at kaloob. Ang binyag ay hindi tungkol sa pagiging perpekto ngayon kundi tungkol sa pagpasok sa landas ng tipan at paggawa ng mga hakbang araw-araw upang maging higit na katulad ni Jesucristo.

Isang Magandang Simulain

Sa halip na tingnan ang binyag at kumpirmasyon bilang patutunguhan, matutulungan natin ang ating mga anak na ituring itong magandang simulain—ang simula ng isang bagong buhay bilang disipulo ni Jesucristo. Nasasabik man ang inyong anak, kabado, o magkahalo ang pakiramdam niya, makatitiyak kayo na hindi nila tinatahak ang landas na ito nang mag-isa. Sa pagiging madasalin, pagkakaroon ng layunin, at tiyaga, matutulungan natin ang ating mga anak na magalak sa pagbalik sa landas na ito tungo sa kanilang tahanan sa langit.