Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo
Sinabihan Tayo ng Diyos na Magpabinyag
Ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng mabinyagan ng isang taong may awtoridad ng Diyos.
Bagama’t wala tayong maraming detalye tungkol sa personal na buhay ni Jesucristo, alam natin na nabinyagan Siya noong mga 30 taong gulang Siya (tingnan sa Lucas 3:23). Narito ang ilang bagay na natutuhan natin tungkol sa binyag mula sa Kanyang halimbawa.
Para sa Bawat Tao
Kung nasa hustong gulang na tayo at sapat na ang edad para masabi ang kaibhan ng tama at mali, nais ng Ama sa Langit na magpabinyag tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:42). Perpekto si Jesus, pero pinili pa rin Niyang magpabinyag para sundin ang mga utos ng Diyos (tingnan sa Mateo 3:13–17; 2 Nephi 31:7). Maging ang mga pumanaw na ay maaaring tumanggap ng binyag. Iniaalok natin ito sa kanila sa pamamagitan ng pagpapabinyag para sa kanila sa mga templo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:15–18.)
Ginagawa sa Pamamagitan ng Awtoridad
Si Jesus ay hindi bininyagan ng kahit sino lang. Nagpunta Siya sa Kanyang pinsan na si Juan, na noon ay may awtoridad ng priesthood mula sa Diyos. Nang mamatay si Jesus at pinatay ang Kanyang mga disipulo, ang awtoridad ng priesthood na iyon ay nawala sa lupa. Pagkatapos, noong 1829, nagpakita si Juan Bautista kay Joseph Smith at binigyan siya ng awtoridad na magbinyag sa pangalan ng Diyos. Dahil sa pagpapanumbalik na iyon, may pagkakataon tayong mabinyagan nang may awtoridad ngayon.
Dalawahang Pangako
Ang binyag ay kinapapalooban ng dalawahang pangako, o tipan, sa pagitan natin at ng Diyos. Nangangako tayo na:
-
Tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.
-
Lagi Siyang aalalahanin.
-
Susundin ang Kanyang mga kautusan.
Bilang kapalit, nangangako ang Diyos na palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Ipinapaalala sa atin ng mga salita ng mga panalangin sa sakramento ang tipang ito bawat linggo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.)
Ang Espiritu Santo ay Mahalagang Bahagi ng Binyag
Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na matapos mabinyagan si Jesus, ang Espiritu Santo ay nagpakita sa anyo ng kalapati (tingnan sa 2 Nephi 31:8). Ngayon, matapos mabinyagan ang isang tao, siya ay kinukumpirma. Ibig sabihin nito ay makatatanggap sila ng natatanging pagpapala kung saan inaanyayahan silang tanggapin ang espirituwal na nakalilinis na kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 31:17). Mabibigyan tayo ng babala ng Espiritu Santo kapag may panganib, mabibigyan ng kapanatagan, at gagabayan tayo sa paggawa ng mabubuting desisyon, at tutulungan tayong madama ang pagmamahal ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 39:6).
Maaari Tayong Laging Magsisi
Alam ng Diyos na magkakamali tayo araw-araw. Sa kabila ng lahat ng ating magagawa, magkakasala tayo at hindi natin maipamumuhay ang mga ipinangako natin sa binyag. Kaya binibigyan Niya ang bawat isa sa atin ng pagkakataong magsisi. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:13.) Araw-araw ay magagawa natin ang lahat ng abot-kaya natin para humingi ng paumanhin at itama ang anumang pagkakamali. Maaari tayong manalangin at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Pagkatapos, kapag tinanggap natin ang sakramento nang may mapagpakumbabang puso, maaaring mapasaatin ang Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 18:11).
Ano ang Sinasabi ng mga Banal na Kasulatan Tungkol sa Binyag?
Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanda para sa binyag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25).
Ang mga batang wala pang walong taong gulang ay hindi kailangang binyagan (tingnan sa Moroni 8).
Kapag tayo ay nabinyagan, tayo ay nangangakong “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).