Mga Alituntunin ng Ministering
Ministering sa mga Taong may Problema sa Pananalapi
Paano tayo makakatulong kapag hirap ang ekonomiya?
Si Oh Jin Sook, isang sister na taga Chum-dan Ward sa South Korea, ay dumanas ng matinding paghihirap sa diborsyo matapos ang maraming taon ng sakit ng kalooban. Sa buong proseso ng diborsyo, ang kanyang mga ministering sister ay nanatiling malapit sa kanya, na nagbibigay ng kanilang suporta. Sinimulan ng Relief Society president at ng bishop na tulungan si Sister Oh na magkaroon ng mga opsiyon para maging self-reliant siya. Iminungkahi nila na para matustusan niya ang mga pangangailangan niya sa buhay, tulad ng pagkain, damit, bahay, at iba pa, maaaring kailangan niyang lumipat sa mas maliit at mas abot-kayang lugar.
Habang nakikibahagi sa isang self-reliance group sa pagsisimula at pagpapalago ng negosyo, inisip ni Sister Oh na gamitin ang kanyang mga talento sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang beauty salon. Hinikayat at sinuportahan siya ng kanyang mga lider at ministering sister sa pagsisikap na simulan ang kanyang salon.
Noong una, parang napakahirap ng mga pagbabago. Gayunman, nagtiwala si Sister Oh sa Diyos, nagtrabaho nang husto, at kalaunan ay nagbukas ng sarili niyang shop gamit ang kaunti niyang pera.
Noong una, ang kanyang kita ay hindi sumasapat para suportahan ang kanyang pamilya. Pero mahalaga ang beauty shop para magkaroon siya ng tiwala sa sarili at lakas-ng-loob na malaman na maaari siyang makatayo sa sarili niyang paa at maging self-reliant.
Dinalhan siya ng pagkain ng mga kababaihan, tinawagan siya para makapaghatid ng kapanatagan, at kinausap siya tungkol sa kanyang bagong negosyo, at mapagmahal na naglingkod sa iba’t ibang paraan. Isang brother ang nag-print at namigay ng libu-libong fliers para ma-advertise ang kanyang salon. Tinulungan ng iba pang mga miyembro ng ward ang kanyang mga anak nang may pagmamahal, pagkakaibigan, at suporta.
Kakaunti lamang ang kanyang mga ari-arian, ngunit ibinahagi niya na ito ang pinakamasayang sandali ng buhay niya. Ang pinagmumulan ng kanyang kaligayahan ay ang pananampalataya niya kay Jesucristo at ang mga miyembrong nagpakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Kahit sa kanyang mga pagsubok, nadama niya ang malaking pagmamahal ng Panginoon para sa kanya sa pamamagitan ng mga halimbawa at paglilingkod ng kanyang pamilya sa ward.
Mga mungkahi sa ministering sa mga may problema sa pananalapi:
-
Maging mapagmahal at huwag mapanghusga. Isipin ang mga babala ni Haring Benjamin tungkol sa paghusga sa mga taong may problema sa pananalapi (tingnan sa Mosias 4:17–19).
-
Nais ng Diyos na pagpalain tayo sa temporal gayundin sa espirituwal. Ang pagpapakita ng pananampalataya sa paggawa ayon sa Kanyang paraan ay magpapabago sa ating buhay at sa mga nakapaligid sa atin.
-
Sa pagsisikap ninyong mag-minister, maging maingat na huwag gawin ang mga magagawa nila para sa kanilang sarili o kaya’y alisin ang mga pagkakataon nilang maging mas self-reliant.
-
Ang pagbibigay ng pera ay hindi sagot sa bawat problema sa pananalapi. Kadalasan ay mas makabuluhan ang panahon, pagmamahal, o iba pang paglilingkod. Halimbawa, ang pag-aalok na tumulong sa pagbabantay sa mga bata o magtrabaho sa bakuran ay makatutulong sa pagtitipid sa gastusin sa pagpapaalaga ng bata o paglilinis ng bakuran. Ang pagbigay ng pagkain ay makatutulong para makatipid sa mga gastos sa pagkain. Bukod pa rito, ang personal na koneksyon ay makapagbibigay ng suporta at paggaling.
-
Sa hangarin mong maglingkod, isipin ang sarili mong mga problema sa pananalapi. Pagpapalain tayo ng Panginoon sa pagsasakripisyo upang pagpalain ang iba, ngunit pinapayuhan tayo na huwag gumawa nang higit kaysa kaya nating gawin (tingnan sa Mosias 4:26–27). Ang pagsali sa isang Self-Reliance group para malaman pa ang tungkol sa personal na pananalapi ay maaaring makapagpahusay sa kakayahan ninyong tulungan ang iba.
-
Maging sensitibo, at huwag tawirin ang mga hangganan na hindi dapat tawirin sa pamamagitan ng pagpipilit mong tulungan ang iba, gaano man kaganda ang layunin mo. Hayaang sabihin nilang, “Hindi, salamat na lang,” kung sa pakiramdam nila ay iyon ang pinakamainam para sa kanila.
-
Maglingkod nang hindi naghihintay na mapasalamatan. Ang mga tao ay madaling makaramdam ng kahihiyan sa mga problema sa pananalapi, at maaaring mahirapan silang magpasalamat. Ialok ang iyong pagmamahal at paglilingkod nang walang pamimilit. Kung minsan ang tulong na mula sa isang taong hindi kilala ay mas mainam para sa sensitibong damdamin ng iba.