2021
Saganang Biyaya ni Cristo
Pebrero 2021


Digital Lamang

Saganang Biyaya ni Cristo

Kapag nalulungkot ka, magtiwala sa biyayang alay ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

babaeng nakatingin sa malayo

May isang lesson akong naaalala mula sa klase ko sa physics sa kolehiyo. Iyon lang ang klase na muntik na akong bumagsak, at makalipas ang maraming taon, parang ang ikatlong batas ni Newton lang ang natatandaan ko. Parang ganito ang batas: sa bawat pagkilos, may katumbas at salungat na reaksyon.

Sa buhay ko, nakita ko na kung paano tila totoo ang batas na ito sa mga espirituwal na karanasan, hindi lamang sa mga pisikal na bagay. Nakita ko kung paano tinutumbasan ng Panginoon ng kapangyarihan ng Kanyang biyaya ang mga puwersa ng kasamaan. Kapag laganap ang kasalanan dahil sa Pagkahulog, laganap din ang biyaya dahil kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Saganang biyaya ni Cristo.

Nadama ko na ang Kanyang biyaya. Nahahawakan. Siksik. Sapat ang lakas para tumimo sa puso. Inilarawan ito ni Pablo sa pagsasabi na kapag laganap ang kasalanan, “lalong dumarami” ang biyaya (Roma 5:20). Nasaksihan ko na ang katotohanang iyan. Kahit damang-dama ko ang Kanyang biyaya sa mga templo at chapel, nadama ko rin ang napakalaking biyaya ng Tagapagligtas sa loob ng isang bilangguan.

Naaakit ako sa mga lugar na mukhang bilangguan—marahil ay dahil may anak akong lalaki na nabilanggo, o siguro ay dahil alam ko kung ano ang pakiramdam ng magapos sa isang bagay na hindi mo kayang daiging mag-isa. Ilang taon na ang nakalipas, naparaan ako sa bayan ng Gadarenes. Tahimik na lugar ito na may luntiang mga burol. Habang nagmamaneho, iniisip ko kung paano naging parang bilangguan ang pakiramdam ng isang tao roon sa Lumang Tipan.

Sa Marcos 5 at Lucas 8, mababasa natin ang tungkol sa isang lugar ng mga libingan. Isang lalaking nakahubad ang pinahirapan gabi’t araw. Nang makita siya ni Jesus, itinanong Niya kung ano ang pangalan ng lalaki.

“Lehiyon,” sagot ng lalaki, na nagpapahiwatig na sinapian siya ng maraming demonyo (Marcos 5:9; Lucas 8:30). Ngunit alam ni Jesus kung paano alisin ang bumihag sa taong ito. May mga baboy, at isang bangin, at isang lawa, at pagkatapos … isang lalaking napagaling, na nakaupo sa paanan ng kanyang Tagapagligtas. Nakadamit at matino ang pag-iisip. Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang naisip at nadama ng kaluluwa ng taong ito ngayong napayapa na siya sa wakas.

Nang sumakay si Cristo sa bangka para umalis, nakiusap ang lalaki na sumama sa Kanya. Marahil ay nadama niyang ligtas siya kapag malapit siya sa Panginoon. Ngunit ibang misyon ang nasa isip ng Tagapagligtas para sa kanya. Inutusan ni Jesus ang lalaki na umuwi at ikuwento sa kanyang mga kaibigan ang nangyari. Kaya umalis ang lalaki, na nagpapatotoo sa buong lungsod “[kung gaano kadakila] ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya” (Lucas 8:39).

Sinusubukan kong isipin ang buhay ng lalaking iyon bago dumating si Jesus, bago niya naranasan ang Kanyang biyaya at kapangyarihan. “Sa gabi’t araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili [gamit ang] mga bato” (Marcos 5:5). Pagkatapos ay dumating si Cristo at ang Kanyang biyaya, sa mismong lugar na pinagtalian sa kanya. At ang isang buhay na nakagapos—bihag at tumatakas mula sa mga demonyo—ay napalitan ng isang patotoo tungkol sa awa at kapangyarihan ni Jesucristo.

Nadarama mo ba na baka wasakin ka ng iyong nakaraan? May Isa na nakakakita sa kabutihang taglay mo, anuman ang naging buhay mo noon. Alam Niya ang pangalan mo. May mga dakilang bagay Siyang nakalaan para sa mga naghahanap sa Panginoon. Sa lugar na iyon na ang pakiramdam mo’y nakagapos ka, magsumamo para sa Kanyang biyaya. Magtiwala na makukuha iyon nang sagana.

Nakikita ka ni Jesucristo.

Matutulungan ka niyang madaig iyan.

Nakita kong binago Niya ang buhay ng aking anak.

Magagawa Niya, at gagawin Niya, ito para sa lahat ng bumabaling sa Kanya.